Tulala, b’wanang dalaw hindi pa dumadatal
Tuliro, ang buong katawa’y biglang nangatal
Kaba, takot, mundo’y nabalot ng pamamanglaw
Isip at puso’y nagagalit, pumapalahaw.
Na’tanaw sa kawalan, ano yaring sinapit?
Kaligayaha’y nasan? Hinahanap na pilit
Ang mga buntong hininga ay nangungunyapit
“Paano na? O, paano na?” lagi ang sambit.
Nasaan na ang irog tanging handog ay langit?
Ba’t iniwang nag-iisa sa gitna ng sakit?
Ano ang aking gagawin? Kanino kakapit?
Ngayong pamilya pati langit ay nagngingitngit…
Sisisihin ko ba ang malupit na tadhana?
O paninindigan ang kamaliang nagawa?
Munting anghel sa sinapupunan, sala’y wala
Diyos na mahabagin, ako ay gabayan sana…
Damdamin ng isang ina biglang naramdaman
Lalo at higit nang una kitang masilayan
Ligaya’t tuwa sa puso ko’y walang pagsidlan
‘O, anak ko!” ang tanging nasambit ko na lamang.
Dito ko napagtanto at mapaninindigan
Ikaw, O, anak ay di bunga ng kasalanan
Kahulugan ma’y paglimot sa’king kabataan
Ang iyong pagdating, hindi ko pagsisisihan.
Ikaw ay regalong kasinghalaga ng buhay
Sa pamamagitan mo pag-asa’y kumakaway
Sa paglakad sa mundo’y meron nang kaagapay
Pasasalamat sa Maykapal, tangi kong alay.
Ikaw ang tungkod ko, tungkod sa aking pagtanda
Ikaw ang ilaw, sa dilim ng langit ay tala
‘kaw ang pag-asa sa buhay kong napariwara
Anak ko salamat, ikaw ay walang kapara.