Ala-sais ng umaga ng biglang napamulat ang aking mga mata
Nakabibinging ugong ng radyo ang sa aking pandinig at umalingawngaw
Tahimik kong pinakinggan ang doo’y ibinubulalas
Tumaginting sa aking pandinig ang salitang pandemya
Pagbangon ko aking Nakita mga tao’y nagkakagulo na
May mga busal sa bibig animo’y di makapagsalita
Sila’y magkakahiwalay na animo’y magkakaaway
Mga empleyado’y nagluksa, wala na raw silang hanapbuhay.
Nakapulot ako ng dyaryo at ito’y matamang binasa
Tayo raw ay nakikipaglaban sa kaaway na di nakikita
Ating kinakaharap ang isang matinding pandemya
Pandemyang nakapagpabago, dala’y takot sa mga tao.
Tayo’y hinamon ng isang malawakang pagsubok
Sa ating mundo’y, isang malaking dagok
Libu-libong nagkakasakit, maraming buhay ang nasawi
Matanda’t bata ay di nakaligtas sa sa salot na animo’y buhawi.
Sa aking paglalakbay , nasilayan ko ang liwanag sa dilim
Ito’y hindi ang pagsuko, bagkus nagbigkis sa atin
Natutong tumawag sa Panginoon laging nakagabay sa atin
Dala ay lakas harapin ang pagsubok ng buong giting
Sa aking muling pagtulog, baon ay panalangin
Panginoon, ang mundong ito’y iyong pagalingin
At ako’y umaasa na sa aking paggising
Ang lahat ng pagsubok na ito ay magwawakas din.