Return to site

“BUHAY GURO”

REZYL GASPAR OCTERA

Nagpayong Elementary School

· Volume V Issue III

Sa umaga babangon ng maaga maghahanda sa pagpasok sa eskwela

Iiwan ang mahal na supling kapalit ng pagtugon sa tungkulin

Ang maituro sa mga Bata na ang pag-aaral ay mahalin

Sapagkat ito ang pamana mula sa magulang na kanilang maaangkin

 

Sa bawat klaseng tinuturuan, minamahal sila at pinahahalagahan

Hinuhubog ang kaalaman sa akademiko at maging sa buhay na dapat nilang paghandaan

Wala tayong ibang nais kundi balang araw masilayan

Pangarap nila ay kanilang makamtan

 

Tunay na mahirap ang maging isang guro di ba?

Sapagkat ang pagmamahal ay nahahati sa dalawa

At kung minsan pa'y ang mag-aaral ay mas inuuna

Sapagkat dama mo ang pinagdadaanan at pangangailangan nila

 

Ipapaunawa sa anak ang iyong kalagayan

Kung bakit minsan kailangang maguwi ng gawaing pampaaralan

Hinahati ang katawan sa pagtugon sa tungkulin

Habang tinatapos ang mga labahin

 

Ang trabaho ay di lamang natatapos sa apat na sulok ng kuwarto

May mga paghahanda pang minsan kailangang pagpuyatan mo

Oras at panahon ang inilalaan dito

Sa pagnanais na maibigay ang dekalidad na edukasyon sa inyo

 

Kung kaya ang di pagtugon ng mag-aaral sa gawain ay may kirot

Sapagkat di niya alam ang sakripisyo at pagod na dulot

Ang oras na inihanda para sa kaniyang pagkatuto

Kapalit ang oras na sana'y inilaan sa mahal mo

 

Tunay na sa bawat hamon ika'y pagtitibayin ng panahon

Ngunit laging tandaan na ang tanging Pag-asa ay sa Panginoon

Nawa ay bigyan tayo ng lakas sa tungkuli'y laging makatugon

Pagningasin ang pag-ibig sa bayang nais nating maiahon.