Islang kawangis medyas ay hindi kumukupas
Pang apat sa pinakamalaking pulo sa Pilipinas
Tunay na pinag-ugnay ng Sentral at Kanlurang Visayas
Halina't tuklasin natin ang kanyang mga nakataging hiyas
Buglas, ang taguri sa kanya noong unang panahon
Malay, Negrito at Tsino ang unang Negrosanon
Sa dayuha'y pinaglaban nang minsang pinasiklab ang rebolusyon
Kalupaang biyaya sa palibot ng bulkang Kanlaon
Mga handog niya ay nagagandahang tanawin
Sa patag, sa bundok at maging sa baybayin
Sa mga talon ay mabubusog ang iyong mga paningin
Kasabay sa paglanghap ng sariwang simoy ng hangin
Mula sa kanyang likas na yaman,
Iba't ibang produkto ay nagsilabasan
Asukal na mula sa tubo'y nagpatanyag sa kanyang pangalan
Mais, bigas, at niyog ay kanya ring pagkakilanlan
Dito ay tanyag ang mga sakada kung tawagin ng karamihan
Mga manggagawang hindi iniinda ang init ng katawang pawisan
Trabaho sa tubuhan, maisan at palayan
Nakangiting mukha ay palaging masisilayan
Hiligaynon at Bisaya lenggwahe ng mga katoto
Sumasalamin ng kultura ng mga katutubo
Umaakay sa pagbibigay kaalaman at pagkatuto
Kilalang wikain ng mga Pilipino
Kaya't tuklasin ang ganda niyang nakatago
Nang sa gayon ay maranasan at masaksihan mo
Ang karikitang alay niya sa mundo
Ipahayag at isigaw mo! Negros natin 'to!