Return to site

BONI BUTIKI AT TONI TUTUBI 

APRIL JOSA A. ROSALES

· Volume IV Issue I

Isang gabi, abalang- abala sina Butiki at Tutubi na paikot -ikot sa kanilang bayan. Palipat-lipat sila sa mga bahay na maari nilang mapuntahan.

Magkakasalubong ang dalawa.

“O, kaibigan kong Boni Butiki mukhang abala ka rin sa paglilibot sa ating bayan”, bati ni Toni Tutubi.

“Oo, kaibigan kong Toni Tutubi”, sagot naman ni Boni Butiki.

Hindi pa man nakakatapos sa kaniyang sasabihin ay biglang sumingit si Lala Lamok.

“Tila yata abala kayo sa paglilibot sa bayang ito. Huhulaan ko kung bakit? Nabalitaan na ninyo na kaming mga lamok ay sikat na sikat ngayon. Pati ang mga magagaling na doktor ay mahirap kaming patigilin”, ang pagmamayabang ni Lala Lamok.

Sa bayang kinalakihan pala ni Boni Butiki at Toni Tutubi ay laganap ang sakit na dulot ni Lala Lamok kasama ng kaniyang mga kapamilya.

“Nabalitaan nga namin iyon Lala Lamok. Naglilibot sana kami ni kaibigang Toni Tutubi upang pakiusapan kayo na kung maaari ay itigil na ninyo ang pagpapalaganap ng sakit”, pakiusap ni Boni Butiki.

“Oo nga Lala Lamok, marami na ring matatamlay na bata. Hindi ko na nasisilayan ang kanilang mga ngiti. Dati rati ay masaya nilang ipinagdiriwang ang kanilang kaaraawan, nakakadalo sila sa kasalan at maligayang sinasalubong ang iba pang mga okasyon.” dugtong ni Toni Tutubi.

Pairap-irap at pahamong sumagot si Lala Lamok.

“Bakit ako titigil? Ang sarap nilang kagatin at masaya ako na kami ay sikat na sikat”. Wala kayong magagawa. Naiinggit lamang kayo sakin dahil ako ang kanilang pinag-uusapan. Gusto ba ninyo na pati kayo ay bigyan ko ng sakit?

“Lala Lamok, hinay hinay ka naman sa panghahamak sa amin. Balang araw ay malalaman mo kung ano ang aming kayang gawin”, sagot ni Toni Tutubi

“Oo nga naman, kinausap ka namin ng mahinahon upang sa ganon ay hindi mo kami sisihin sa aming gagawin,” dagdag naman ni Boni Butiki.

“Wala akong pakialam sa inyong gagawin. Ipagpapatuloy namin ng aking pamilya ang pagkagat at pagpapalaganap ng sakit. Wala kayong magagawa! ang paalis na sagot ni Lala Lamok.

Nagdesisyon ang magkaibigang Boni Butiki at Toni Tutubi na magtipon-tipon upang makapagplano sa kanilang gagawin upang sa ganoon ay mapigilan ang pagkalat ng sakit na dala ni Lala Lamok.

Dumalo ang lahat ng butiki at mga tutubi.

“Mga kaibigan, kailangan nating tulungan ang ating bayan upang mapigilan ang dumaraming taong nagkakasakit. Mapipilitan tayong gawin ang nararapat”, ang simula ni Boni Butiki.

“Sa umaga, tayong mga tutubi ang mag-iikot sa bayang ito at sa gabi naman ang mga kaibigan nating butiki. Tulong-tulong tayo sa pagpigil na dalang sakit ni Lala Lamok”, dugtong naman ni Toni Tutubi.

At katulad nga ng napagkasunduan, nagsimula ng lumipad at mag-ikot ang mga tutubi. Nagkasalubong ang mga lamok at tutubi. Agad na kinain ng mga tutubi ang mga lamok na nagsipalaran.

Sa gabi naman, ang mga butiki naman ang pagapang-gapang sa kisame ng mga bahay. Kapag nakakita naman silang nagsisipagliparang lamok ay maingat nila itong kinakain.

Ipinagpatuloy nila ang ganoong gawain hanggang sa marinig nilang bumaba na ang bilang ng mga taong nagkakasakit na dala ng mga lamok.

“Tagumpay ang ating plano kaibigang Boni Butiki,” sana naman ay matuto na si Lala Lamok,” ang simula ni Toni Tutubi.

“Oo nga Toni Tutubi. Ngayon ay alam na niya ang ating pakinabang”, masayang sagot ni Toni Tutubi.

Samantala…

“Hindi ko sana minaliit ang kakayahan nina Boni Butiki at Toni Tutubi. Halos maubos na ang aking kapamilya dahil sa mabisa nilang plano. Ako muna ay magpapakalayo-layo at iingatan kong hindi sila makasalubong”, naluluhang sabi ni Lala Lamok.

Sa tulong ng mga tao sa bayan, Boni Butiki at Toni Tutubi ay tuluyan nang nawala ang lumalaganap na sakit.