Kapansin-pansin ang bilog at maliwanag na buwan sa gitna ng parang kung saan naroon at tahimik na natutulog si Balagbag. Tila ang maaliwalas na kalawakan ang nagsisilbing kanyang bubungan at ang parang naman ang kanyang malambot na higaan
Kumukurap-kurap ang mga ilaw na dala ng masigasig na mga alitaptap at kasabay ng pagkislap nito ay ang mga bituin na bumabati ng “Mapayapang gabi aking kaibigan”.
Ngunit ang pagkakatulog ni Balagbag ay mahimbing, marahil ay dahil na din sa payapang hampas ng hangin na idinuduyan ang mga halaman at bulaklak sa paligid. At ang mga ito ay may hatid na halimuyak kung saan naroon at tahimik na natutulog si Balagbag.
“Alas-tres na pala!” wika ni Balagbag. Dali-dali siyang gumayak upang hanapin ang kanyang nawawalang kuwintas na mahigit sampung taon niya nang hinahanap.
At bago umpisahan ang kanyang paglalakbay, siya muna ay humingi ng gabay at nagtungo sa malapit na sambahan. Ito ay kilala sa tawag na Paroko ng San Juan Bautismo na matatagpuan sa Sipocot, isa sa mga simbahanag itinayo noong panahon ng mga Pransiskano.
Nakamamangha ang angkin nitong ganda na halos mahirapan si Balagbag na tanawin ang matataas nitong istraktura. Mula rito ay dali-dali na siyang gumayak upang hanapin ang kanyang nawawalang kuwintas na mahigit sampung taon niya nang hinahanap.
Sa pag-uumpisa ng paglalakbay ni Balagbag ay nahumaling siya sa marikit na lugar sa Libmanan. Ito ay bantog sa mga manlalakbay bilang Herodes. Ang klarong tubig dito ay pumapatak mula sa pinakamataas na bahagi ng kalupaan pababa sa kapatagan.
“Ito ay ibang-iba sa aking lugar na tinulugan,” namamanghang ani Balagbag. Ngunit madali nya pa ring hinanap ang kanyang pakay… ngunit wala naman ito dito. Magkaganunman, ibinaling na lamang nya ang pansin sa luntiang kalikasan. At siya ay nahumaling sa marikit na lugar ng Libmanan.
Nawala ang pagod niya mula sa kanyang magagagandang nasilayan. At hindi tumagal ay kanya namang natanaw ang malawak at tila walang hanggganang ilog ng Pamplona. Kumikinang-kinang ang tubig nito na parang kristal na sa pag-aakala niya ay ang kanya nang kwintas na nawawala. Ngunit wala, wala pa din ang kanyang hinahanap. Ngunit nawala rin naman ang kaniyang pagod mula sa kanyang magagandang nasilayan.
Ganoon na lamang ang kaniyang galak nang marating naman niya ang Il Fiore Farm sa San Fernando. Hindi mawaglit nang kaniyang labi ang galak na nararamdaman. Mula sa kulay ng mga bulaklak rito hannggang sa halimuyak nang mga ito ay tila mapapawi ang iyong pangungulila sa bagay na saiyo ay nawawala.
Kung kaya’t ganoon na lamang ang kaniyang galak nang marating ang lugar ng halimuyak.
Matapos ang mahabang paglalakbay ay nakaramdam siya ng pagod. Kung kaya’t minabuti niya muna na mamalagi at sumandal sa isang tore na kung tawagin ay “The Leaning Tower of Milaor Church”. Matagal-tagal niya na ring nakikita ang lugar na ito na nasa puso ng Milaor mula taong 1848.
Magkaganunman ang kaniyang paghanga rito ay hindi naman nagbabago. Ito na marahil ang simbolo ng katatagan at pag-asa kahit kapansin-pansin na rito ang nararamdaman nitong pagod.
Tuloy-tuloy muli ang paglalakabay niya mula sa mahabang oras ng pagpapahinga. Ang kaniyang mga paa ay umabot na sa Naga City Ecology Park. Nais pa sana niyang tumagal sa napakapayapang lugar na iyon ngunit wala na siyang masabi kung hindi “Salamat mahal kong kalikasan ngunit itutuloy ko nang muli ang aking paglalakabay”
Tumungo na siya sa lugar kung saan nakahimlay ang kaniyang butihing kaibigan na ang ngalan ay Gorasi.
At sa malayong dako, isang arko ang kaniyang natanaw. Kakaiba ang kaniyang naramdaman dito na tila mayroong pwersa na humihila sa kaniya patungo sa lugar na iyon kung kaya’t dali-dali niya itong pinuntahan at nilapitan.
Nakasisilaw na liwanag ang bumati sa kaniya – dala ng buong ilaw ng dumudungaw na araw na natapatan ang isang kuwintas na nakasabit sa arko ng lugar. Bago lamang sa kaniya ang lugar na iyon, ngunit hindi niya akalain na dito niya lamang pala matatagpuan ang kaniyang kuwintas na may pusong palawit na sampung taon niya nang hinahanap – dito sa Himaao, Pili, dito sa isang arkong kanyang natanaw.
Kung saan-saan na siya napadpad, at kung saan-saan na naghanap, umabot na sa kabilang ibayo at umabot na sa punto na siya na ang dumayo at nakihalubilo.
Iba-ibang kultura na ang nakagisnan at paunti-unting nagkakaroon ng kaibigan, ngunit ang lahat ay panandalian lamang dahil iba pa din sa pakiramdam kapag nasa sariling bayan. Ito ang napagtanto ni Balagbag kung kaya’t hindi na siya lumayo at nangakong hindi na makakalimot sa lupang kanyang tinubuan.
At hanggang sa huling hininga siya ay naging masaya, at nahimlay ng matiwasay sa bansang Pilipinas. Tangan-tangan niya ang kanyang natagpuang kwintas na may palawit na puso at may ngalang – “MAMAYAGPAG BIYAHERONG BALAGBAG.”