“Damit, pera, pasalubong at sipilyo, ano pa kaya ang kulang? Ah, facemask at alcohol pala.” Sabi ko habang inaayos ang mga gamit sa Malaki kong bag. Uuwi kasi ako sa probinsya, matagal-tagal na rin nang huli kong bisitahin ang aking mga magulang at pamilya. Dulot ng kahirapan, kinakailangan kong mamuhay nang mag-isa upang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Malayo-layo rin ang Lanao del Sur mula dito sa Bukidnon, kaya kailangan kong magpahinga upang hindi ako mapagod nang husto sa byahe. Ngayon ay Hunyo 23, 2022, ayun sa ulat panahon magiging maulan bukas sa mismong araw ng byahe ko, ngunit binalewala ko lamang ito dahil minsan hindi naman ito nagkakatotoo. Sa halip, humiga na muna ako nang makaidlip at makapagpahinga.
Kinabukasan, maganda naman ang panahon. Marami akong nakasabay kasi halos lahat ay nagbabakasyon. “Mano po inay, mano po itay.” Pagbati ko sa aking mga magulang habang sila’y nakaupo sa labas ng bahay at pinapakain ang mga alagang manok. Ito ang gusto ko sa probinsya, tahimik, preskong hangin, at higit sa lahat, payak lamang ang pamumuhay. Syempre, inilabas ko na rin ang mga dala kong pasalubong para sa kanila, monay, ensaymada, at burger galing sa Jollibee dahil alam kong bihira lang silang makakain nito.
Sumapit ang gabi, masaya ang lahat dahil kompleto na ulit kaming nagsasalo-salo sa harap ng hapagkainan. Tinolang manok, inihaw na isda at adobo ang mga pagkaing nasa mesa, gusto ko na sanang lantakan ngunit syempre uunahin muna naming ang pagdarasal. Pagkatapos maghugas ng kamay at magpasalamat sa mga biyaya, syempre kainan na. Ewan ko ba, mas masarap talaga ang pagkain kapag nagkakamay, sabayan pa ng kwentuhan habang kasama ang pamilya. Habang kumakain, may narinig kaming kumakanta habang tumutugtog ng gitara.
“Nais kong makapiling kang muli, nais kong mayakap kahit na sandali.” Liriko ng kanta na orihinal na inawit ni Ted Ito.
“Sino ‘yun ma?” tanong ko.
“Si Bentong ‘yan, anak ni Tita Marites mo.” Sagot ni mama.
“Ilang araw na ‘yan nag-iensayo kasi haharanahin daw niya ang anak ni Aling Besing .” Dagdag pa niya.
“Ligaw? Eh trese anyos pa lamang ang mga ‘yun ah at hindi ba’t kakatuli pa lamang sa batang yan?” natatawa kong sagot.
“Hayaan niyo na, kasi nagbibinata na raw kasi siya. Tsaka, huwag niyong mamaliitin ang pagharana, dahil kung hindi dahil diyan ay hindi ko mapapasagot ang mama niyo! at baka wala kayo sa mundong ito.” Biro pa ng aking ama. At doon na nagsimula ang asaran at tawanan naming magpamilya.
Pagkatapos kumain, pumunta muna ako sa sala nang makapagpahinga. “Pa, si Cardo na!” pagtawag ng nakatatandang kapatid ko na babae sa aking ama habang ipinapalabas na sa telebisyon ang sikat na sikat na “Ang Probinsyano.” Parang walang nagbago, gano’n pa rin ang lahat. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako nang dahil na rin siguro sa pagod galing sa byahe. Naramdaman ko nalang na kinumutan ako ng aking ama. Naalala ko tuloy ang paborito kong ginagawa ng aking ama noong ako’y bata pa, at ‘yun ay ang pagbuhat niya sa akin galing sa sala papuntang kwarto, akala ko nga noon ay may kapangyarihan ako.
Huling araw ng bakasyon ko sa aming probinsya. Maingay na tugtog ang gumising sa akin. Pagtingin ko sa labas ay nagpaparada ang iba’t-ibang banda, selebrasyon pala ito para sa kapistahan ni San Juan. Makulay at masaya ang paligid. Hindi pa man ako nagkapag-ayos naramdaman ko na lamang na may tumapon ng tubig sa aking likuran. Si Jerwin pala ang aking pinsan at kababata. Syempre hindi rin naman ako nagpatalo at nakipagbasaan na rin ako kasama ang iba ko pang mga pinsan at kamag-anak.
“Teka, tigil muna kayo sa pagsasaya at tulungan niyo muna ako na ilipat sa likod ng bahay itong kulungan ng mga manok ko.” Pagsingit ng aking tito na nakatatandang kapatid ng aking ama.
“Aba tito, ang gaganda ng mga manok niyo, malinis at halatang alagang-alaga baka magselos na si Tita Marites niyan.” Pang-aasar ko sa kaniya habang buhat-buhat naming magpipinsan ang kulungan ng kaniyang mga manok.
“Naku, hindi na nagseselos ‘yun, sa katunayan sasamahan nga niya ako mamaya dahil may sabong doon sa bayan.” Sagot ni tito nang pabiro. Hindi pa rin talaga nawawala ang bayanihan sa aming pamilya, nagiging madali ang mga gawain kapag nagtutulong-tulong at magkakasama.
Hapon na at kailangan ko na ring bumalik sa siyudad kung saan ako nagtatrabaho at nag-aaral. Pinigilan pa ako ng aking ina dahil masama ang panahon ngunit hindi ako pumayag dahil marami pang naghihintay na mga gawain sa akin. Bago umalis, nagpaalam muna ako nang maayos sa kanila. “Mag-iingat ka doon.” Paalala ng aking mga magulang habang nagmamano ako sa kanila.
Bandang alas-4 na ng hapon, nang makaalis ang sinasakyan kong bus. Masama nga ang panahon, at medyo lumalakas na ang hangin at ulan. Medyo hindi na rin ako mapalagay dahil mabilis ang takbo ng sasakyan kahit pa maulan. Hanggang sa isang malakas na sigawan ang gumulat sa akin habang nagpagewang-gewang ang aming sinasakyan. At isang malakas na pagsabog na lamang ang aking narinig. Bumangga ang aming sasakyan sa nakasalubong nitong isa pang sasakyan. Iyak at sigaw ang umaalingawngaw sa loob ng bus. Wala naman akong naramdamang sakit ngunit malakas ang pagtagas ng dugo galing sa aking ulo.
Pagmulat ko ng aking mga mata, medyo madilim ang paligid, basang-basa ng pawis ang aking katawan. Siniyasat ko ang aking katawan ngunit wala naman akong sakit na nararamdaman at pagtingin ko sa lamesa ay naroon pa rin ang aking bag hindi pa nagagalaw galing sa pag-aayos ko kahapon lang. Huminga ako ng malalim sabay sabing, “Panaginip lang pala ang lahat.” Hindi pa pala ako nakakaalis pauwi sa amin at nakatulog lamang ako. Pagsilip ko sa labas ay malakas ang ulan, at tama nga ang sinabi sa ulat panahon bago ako makatulog. Agad-agad kong tinawagan ang aking ina at sinabi niyang huwag na muna akong tumuloy sa aking byahe dahil may masama raw na ipinapahiwatig ang aking panaginip ayun sa kanilang paniniwala. Binuksan ko na lamang ang aking Facebook at doon nga ay nakita ko ang mga litrato ng mga ala-ala mula noong Hunyo 24, 2021. “Isang taon na pala ang lumipas.” Bulong ko sa sarili. Isa-isa kong tiningnan ang bawat litrato, una ay ang litrato naming pamilya na masaya sa harap ng hapagkainan, sunod ay ang makukulay na parada ng mga banda sa pesta ng San Juan, at litrato namin ng aking tito at mga pinsan habang nagbabasahan at nagtutulungan sa pagbuhat ng bahay manokan.
Lumipas man ang panahon, tunay ngang mayaman sa tradisyon at kultura ang bansang Pilipinas. Sa pag-unlad ng ekonomiya at paglaganap ng teknolohiya, sana'y hindi tayo umabot sa puntong sa litrato na lamang natin ito makikita at sa kwento na lamang natin ito maririnig. Hindi lahat ng byahe ay paabante, minsan kinakailangan din nating umatras upang maalala at maipagmalaki nating muli ang ibat-ibang tradisyon na meron sa ating bansang Pilipinas.