Alas sais, inuusal ko na ang Dios Te Salve Maria
Mataimtim na naninikluhod nang mabigyang awa
Pakisusap ko nawa'y maintindihan at puspusin ng pagpapala
Sapagkat wika ko'y Filipino subalit panalangin ko'y wikang banyaga.
Gumayak na't naghanda sa panibagong pakikibaka
Sa iisang lahi iba't Ibang wika na naman ang makakasalamuha
May bigkas na dumuduyan sa hangin at ang iba'y maragsa
Basta't Filipino'y maunawaan ang agimat ay may bisa.
Di biro nga naman ang yumuko sa kamangmangan
Subalit nang magpunla'y may kasaganahang aasahan
Isang kuwentong maalamat ang pagsasaluhan
Mula sa wikang nakahapag sa musmos na kabataan.
Di biro ang magkuwento sa iba't Ibang diyalekto
Kaya't itong salaysay ko nawa'y magmarka sa iisang Filipino
Nang inyong mapagtantong di chismis ang alab ng kulturang antigo
Ito'y isinisiwalat ng pluma, binibigkas ng dila para sa siglo.
Binhi ang ipinupunla at yaman ang inaani
Na sa bawat tagumpay may tagay na kumakandili
May piyestang maluwalhati at ngiting namimintakasi
Pinag-iisa ng katagang Mabuhay! wikang papuri.
Magpakabusog tayo nang lakas ay manalaytay
Bugas, kanon, kan-on, humay ay kanin din na tunay
Ipares pa sa adobo o kay sarap magkamay
Kahit sino'y isang tugon, lami, siram, sarap ayyayyay.
Po at opo ginintuang mahika na tatak Pilipino
Hindi Simbolo dahil noon at ngayon sa modernong siglo'y pagkatao
Repleksyon ng malayang respeto, pag-ibig at pagkatuto
Na parang kundiman at tula na siksik at may tamang tiyempo.
Mala-balagtasang diskusyon ang hiling ng panalangin tumugon
Upang sa harap ng salamin isang kultura ang hindi imahinasyon
Sapagkat ang wika ang kilos-gawa ng komunikasyon
Wikang may kuwentong ipinunla mula sa binhi ng panahon.