Sa bawat araw na dumaraan, mamangha ka sa iba’t-ibang ayos ng buhok ni Nanay Conching.
“Kakaiba ang buhok ng Nanay ko, siya ang tunay na bida ng buhay ko” bulong sa sarili ni Isang na may pagmamahal sa kanyang Ina.
Paggising sa umaga, hanggang gabi, kakaiba ang buhok ng Nanay niya. Mula sa paghahanda ng pagkain, paglalaba at sa iba pang gawain sa loob at labas ng bahay, paiba-iba ang ayos ng buhok ni Nanay Conching.
Pag-alis naming magkakapatid, papuntang paaralan, magsisimula na ang kuwento ng mahiwagang buhok ng Nanay ko.
Mahaba at manilaw-nilaw ang kulay ng buhok niya. Lalabas siya ng bahay para magwalis sa Barangay na malapit sa bahay nila. Ang mahaba niyang buhok ang magsisilbing takip sa likod at batok niya. Ang kulay ng buhok niya ang magsisilbing pananda na may taong naglilinis sa kalsada upang hindi siya madisgrasya o masagaan.
“Hayan ang Nanay ko, kakaiba man ang buhok niya siya naman ang tunay na bida ng buhay ko”, pasigaw na may pagmamalaki ni Isang sa kanyang mga kaibigan.
Pagkatapos ng kaniyang gawain sa Barangay.Uuwi na siya para magluto ng pananghalian at balik sa normal ang ayos ng buhok niya.
Pagkaluto, ay aalis naman siya na iba naman ang kulay ng buhok niya, mala-tsokolate at maiksi ito. Ito’y para naman sa kanyang trabaho sa palengke.
Siya ang tagapag-bigay ng tiket sa mga nagtitinda sa palengke. Hangang-hanga ang mga tindero kay Nanay Conching sa kanyang estilo ng buhok at pananamit niya.
“Ilabas na ang pera hayan na si Nanay Darna!” patawang sabi ng kakilala niya. Sabay kolekta ni Nanay Conching na may tuwa sa kaniyang puso.
“Hayan naman ang Nanay ko, kakaiba man ang buhok niya siya ang tunay na bida ng buhay ko”, pasigaw na may pagmamalaki ni Isang sa kanyang mga kalaro.
“Para siyang bida sa pelikula napapanood ko!”, sabi ng kaibigan ni Isang.
Tila isang mala-Darna sa kanyang kasuotan si Nanay Conching, na bumagay sa kanyang balingkinitang katawan, na mas lalong pinaganda sa pulang Jeans na pantalon at kulay na asul na pantaas na blusa.
Ang turban niya ay parang kumukutitap na bituin na nagningning sa mala-Tsokolateng buhok ni Nanay Conching, na parang gusto niyang liparin ang oras para makatapos na siya para sa iba pa niyang gawain sa bahay.
“Hayan naman ang Nanay ko, kakaiba man ang buhok niya siya ang tunay na bida ng buhay ko!” pasigaw na may pagmamalaki sa kanyang mga kamag-aral ni Isang habang dumaraan si Nanay Conching sa kanilang paaralan.
Sa pagsapit ng gabi, pagkatapos naming kumain. Handa ang Nanay ko sa panibagong pagkakakitaan. Magtitinda siya ng balot at mani na niluluto niya sa hapon at ibinibenta niya sa gabi sa harapan ng aming bahay.
Kakaiba naman ang isinusuot niya sa kanyang ulo, isang magandang bandana na pinupulupot niya sa kaniyang ulo, para proteksyon sa hamog at hindi siya magkasakit.
“Hayan naman ang Nanay ko, kakaiba man ang buhok niya siya ang tunay na bida ng buhay ko!” pasigaw na may pagmamahal sa kaniyang mga pinsan.
Hindi niya alintana ang hirap at pagod maitaguyod lang niya kami at matulungan ang Tatay ko nagtatatrabaho sa ibang bayan.
Sa pagsapit ng Linggo, lahat kami ay handa na sa pagsisimba, at kamangha-mangha naman ang kanyang buhok. Tila isang modelo sa shampoo, ang mahaba at makintab na itim na buhok ay bumagay sa kanyang kasuotan at lumitaw ang kanyang kagandahan.
“Hayan naman ang Nanay ko, kakaiba man ang buhok niya siya ang tunay na bida ng buhay ko!” pasigaw na may pagmamalaki sa kaniyang mga kakilala.
Ang kakaibang buhok ng Nanay ko ay tinatakpan lang niya ang isang karanasan na hindi niya makakalimutan. Minsang naglaro sila ng bahay- bahayan ay nagkaroon ng aksidente na natabig ng kanyang kalaro ang gaserang may apoy, at hindi sinasadyang natapon sa ulo buhok ang gasera at lumiyab ito sa kaniyang buhok. Nagkasugat-sugat ang anit niya at hindi na tinubuan muli ng buhok.
Hindi naging hadlang kay Nanay Conching ang kaniyang naging kalagayan, hangga’t napangasawa siya ni Tatay.
Tinaguyod ni Nanay at Tatay ang aming pamilya, sa kabila ng mapait na karanasan ng siya’y bata pa.
Wala man siyang tunay na buhok, hindi naging dahilan para mawalan siya ng pag-asa na kaming magkakapatid ay maitaguyod sa pag-aaral at pinalakas ang pananalig sa Maykapal.
Ang paiba-ibang buhok ng Nanay ko ang siyang naging dahilan ng pagsisikap kong makatapos sa pag-aaral na naging bida ng buhay ko.