Return to site

BFF

MA. THERESA C. RAMOS

· Volume II Issue III

Kaibigan, sino nga ba ang kaibigan ko? Sila ba yung palagi kong kasama sa lahat ng lakaran ko? O yung mga taong nakakasama ko sa mga kasayahan ko? O yung mga taong malalapit lang sa akin? O yung mga taong kakampi ko sa lahat ng oras?

Siguro, mahirap ipaliwanag ang uri ng kaibigang meron ako. Kaibigang kasama ko mula elementarya hanggang makatapos ng Baitang 6. Kasama ko sa paglilinis ng room pag wala pa si Mam. Nakikipagtawanan sa akin pag nadapa ako o nasubsob ang mukha sa kakatakbo

Kasama ko sa pag rereview, kahit panay kuwentuhan lang ang gawa namin. Kasama ko kahit tapos na ang klase. Sa kanila ako nagtatagal kasi walang tao sa bahay. Kumbaga, bahay ko na rin ang bahay nila.

Nagagalit na nga si nanay. Palagi daw ako sa kanila. Sabi ko nanay, wala naman akong kasama dito sa bahay, sinong kakausapin ko dito, ung kisame o yung pader? E bakit di ka pumunta kina tito at tita mo sa labas.

Ayoko nga, aawayin lang ako ng mga pinsan ko. Palalabasin ako pag tapos na silang manood o pag kakain na sila. Di naman ako nawawala nanay, nandun lang ako sa kanila

Nakatapos nga kami ng elementarya, naghiwalay ng highschool at college. Nagkalayo din kami ng bahay. Pero pag nagkikita kami, lahat nang nangyayari sa buhay naming ikinukuwento namin sa isat-isa.

Lahat ng masaya, lahat ng malungkot, lahat ng plano, kasama lahat. Walang lihiman. Bunyag lahat, payuhan sa isat-isa making ka man o hindi bahala ka, basta papayuhan ka para sa ikabubuti mo.

Nang mag-asawa kami pareho, lalo kaming nagkalayo, nagkaroon ng anak at sari-sariling pamilya. Ngunit ang ugnayan ay di naputol, ganun pa rin tulad ng dati, di man madalas mag-usap, pero alam pa rin ang kalagayan ng bawat isa.

Nagkakatampuhan din paminsan-minsan, minsan away pa nga. Walang kibuan talaga. Pero sa lahat ng panahon, makalipas ang isang linggo, napag-uusapan ulit ang lahat. Napagkakasunduan ang dating problema. Nagbibigay ng paalala at payo para sa ikabubuti ng lahat.

Ngayon na may kanya-kanya na kaming buhay, baon namin sa aming poagtanda ang mga alaala at leksyon ng nakaraan, na nawa ay di naming makalimutan ang tunay na kahulugan ng pagkakaibigan. Kaibigan noon, ngayon at sa mga darating pang panahon.

Kaibigang handa kang tanggapin sa kung ano ka bilang tao, at handang makinig sa napakaraming hinaing at hindi nagsasawang umunawa at magbigay ng payo upang di ka na muling magkamali. Ang aking bestfriend for life…..FLOR.