Return to site

BERDENG BAG

Norhainah B. Guinungco

· Volume I Issue I

Madalas ako ipasyal nina Papa at Mama sa magagandang lugar, at bilhan ng masasarap na pagkain. Mapili ako sa mga pagkain. Ayaw kong kumain ng kanin kapag ang ulam ko ay gulay o isda. Ang tanging ulam lamang na gusto ko ay pritong manok. Madalas kong hindi maubos ang pagkain sa aking plato kung kaya madalas rin akong pagsabihan ni Mama. Ang wika niya ay “Flor, anak ubusin mo ang pagkain mo. Baka magtampo yan sayo. Bawal ang mag-aksaya ng pagkain.” Nagtataingang kawali na lamang ako. Hindi ko alam kung bakit mahigpit sa akin ang aking ina, kaya mas malapit ang loob ko sa aking Papa .

Maganda ang pamilyang buo, may tatay at nanay na hindi nagsasawang magmahal at handang gawin ang lahat para sa anak. Kilalang may kaya ang pamilya namin sa aming lugar. Ganoon paman, anuman ang katayuan sa buhay ng aking mga magulang ay nananatiling nakatapak sa lupa ang kanilang mga paa. Sila ay mababait at bukas ang kamay sa mga taong nangangailangan. Nag-iisa lamang akong anak ng aking mga magulang kaya naman labis ang pag-aalaga nila sa akin.

Pasukan na naman, at handa narin ang lahat ng aking gamit sa skwelahan gaya ng mga papel, ballpen at ang aking damit pampaaralan. Hindi ako makapagpasiya kung anong bag ang aking gagamitin . Mayroon akong bag na kulay pula, dilaw, asul, berde at marami pang iba. Halos lahat ng kulay ay mayroon ako. Para sa akin, ako na ang pinakamasuwerting bata sa mundo, anuman ang aking gustuhin ay ibinibigay sa akin ni Papa.

Sinasabayan ako ni Papa sa aking mga laro gaya ng habulan at taguan. Labis ang saya kapag kasama ko siya. Langit ang aking nararamdaman sa piling ng aking mga magulang. Ngunit isang araw, naganap ang hindi inaasahang pangyayari at sa isang iglap ay nawala ang lahat. Nalaman kong wala na ang aking mahal na Papa. Parang nalaglag sa akin ang kalangitan dahil sa bigat ng aking nararamdaman. Dumilim ang aking kapaligiran. Hindi ako makapaniwalang ang aking mahal na Papa ay wala na talaga.

Nawala sa amin ang lahat. Ang aming malaking bahay ay matagal na palang nakasangla dahil kinailangan ni Mama ng pera para sa pagpapagamot ni Papa noong siya ay nabubuhay pa, hanggang sa tuluyan nang naremata ang aming bahay at kunin na sa amin ito ng bagong nagmamay-ari. Napilitan si Mama na tumira muna kami sa kanyang Tiya Isabel. Ang akala ni Mama ay bukal sa loob ng kanyang tiya ang pagtanggap niya sa amin ngunit hindi pala. Si Mama ay nakapagpasiyang umalis nalang kami sa kanyang Tiya Isabel kaya umuwi kami sa probinsya at doon narin ako nakapagtapos ng elementarya.

Mula nang mawala si Papa palagi nalang akong pinapagalitan ni Mama .Palagi nalang mainit ang kanyang ulo hanggang sa isang araw, hindi ko inaasahang pipigilan ako ni Mama na magpatuloy pa ako ng pag-aaral sa sekondarya, ang sabi niya “Flor, hindi ka pwedeng mag-aral, dahil hindi na kita kayang pag-aralin! Hindi ko nga alam kong paano tayo mabubuhay eh.”
Nakakapanibago ang lahat, hindi ako sanay sa buhay namin ngayon, malayung-malayo sa buhay na mayroon kami noon.

Dati magaganda ang mga damit na mayroon ako, ngayon ay hindi na. Dati masasarap ang mga pagkaing aking natitikman, ngayon ay ipinapagpasalamat ko na lamang sa Maykapal kapag mayroon kaming pagkain. Noon kasama namin si Papa, pero ngayon hindi na. Mahirap tanggapin, kaya hindi ko matiis na hindi maiyak kapag naiisip ko si Papa, ang Papa kong napakabait at masipag. Ang papa kong ni minsan hindi ko nakitang nagalit sa akin. Nakakainggit ang mga batang naglalaro kasama ang kanilang mahal na ama.

Nang maging malinaw na sa akin ang katotuhanan, , wala na akong hiniling sa mama ko maliban sa payagan akong mag-aral ng sekondarya. Pinilit kong mag-aral kahit ayaw ni Mama. Nag-aral ako sa eskwelahang malapit lamang sa amin. Upang tustusan ang mga pangangailangan ko sa skwelahan , tinulungan kong maghanap buhay si Mama . Ako ang naghahatid ng mga kakaning paninda niya sa mga bahay-bahay. Nilalako ko habang bitbit ang mga iyon, at sumisigaw ng “Bebengka! Puto! Suman!” “Bili na kayo ng kakanin! Masarap ang aming kakanin!” Labis akong natutuwa kapag nakakapagbenta ako.

Madalas akong kutyain at pagtawanan ng aking mga kamag-aral dahil sa mga itinitinda ko . Binabalewala ko na lamang ang lahat ng mga masasakit na salitang aking naririnig dahil higit na masakit ang hirap ng buhay na aming nararanasan araw-araw.

Isang araw, habang ako’y naglalako para magbenta, dumaan sa mata ko ang isang bag na kulay berde at ako ay lumapit rito. Labis akong namangha sa ganda ng bag na ito, Mayroon itong malalaking dalawang bulsa sa magkabilang tagiliran. Habang pinagmamasdan ko, naiisip ko na ang maaaring ilagay rito, gaya ng papel, lapis, at iba pang mga gamit sa skwelahan. Napapailing ako na sana mapasaakin ang berdeng bag na ito. Simula noon, hindi na nawala sa aking isipan ang berdeng bag at sabik na sabik na talaga akong mapasaakin iyon. Naisip kong kailangan na makagawa ako ng paraan upang mapasa akin ang kinasasabikang bag.

Tinulungan ko si Mama maghanap buhay . Ang kakaning paninda niya ay mayroon ng kasamang iba’t ibang klaseng gulay. Pagdating ko galing sa skwelahan, itinitinda ko na agad ang aming mga paninda hanggang sa nakaipon ako ng sapat na perang pambili ng bag na iyon. Dali-dali akong pumunta sa tindahan kung saan ko nakita ang berdeng bag. Nang makarating ako sa lugar na iyon, nakita kong nakasabit parin sa dingding kaya labis akong natuwa , “Naku! Buti nalang! Hindi nakuha ng iba.” Napagtanto kong masarap pala sa pakiramdam na makuha ang isang bagay na pinaghirapan. Ang pinapangarap kong berdeng bag ay pag-aari ko na ngayon. Maaaring simpleng bagay ngunit para sa akin ay labis ang aking kasiyahang nadarama.

Nagpatuloy ako sa aking pag-aaral hanggang sa nakapagkolehiyo ako. Pagiging guro ang pinili kong kurso at sa awa ng Diyos nakapagtapos ako ng pag-aaral sa kolehiyo.
Napadpad ako sa dilim kung saan ako’y nangapa nang tila walang katapusan. Dilim na nagturo sa aking tumayo pagkatapos madapa nang walang alalay. Dilim na nagpatibay ng aking katatagan at nagpahaba ng aking tiyaga. Dilim ang nagtulak sa akin kumawala mula sa aking kinalalagyan. Sa dilim ko nakita ang halaga ng mga simpleng bagay.