Return to site

BANSANG MALAKAS, YAN ANG PILIPINAS! 

RUBILYN M. LUMBRES 

· Volume IV Issue I

Pilipinas ang bansang aking kinagisnan,

Bansang kay dami ng naranasan at napagdaanan,

Bagyo, lindol, pandemya at pati na pagputok ng bulkan,

Ilan lamang iyan sa mga pagsubok na ating nakayanan.

 

Kay dami na ding mga bagyo ang sa atin ay sumalanta,

Nasira mga puno’t halaman pati tahanan ng mga biktima,

Magkahalong takot, hirap at gutom ang naramdaman nila,

Ang bansa nating Pilipinas, may bukas pa ba?

 

Bukod sa dinanas na mga bagyo ay may lindol pa,

Malakas at mahinang lindol ang sa ati’y nangyari na,

Natumbang mga gusali, tirahan, paaralan at iba pa,

Tila wala ng katapusan ang pagsabok sa bansang ating sinisinta.

 

Hindi pa nga dyan nagtatapos mga pagsabok na hinarap,

Pagkat taong 2020 ay may sakit na sa atin ay nagpahirap,

Covid-19 ang pandemyang hanggang ngayon ay laganap,

Ang ating bansang Pilipinas may pag-asa pa bang malalasap?

 

Taong 2020 ang hindi talaga malilimutan ng mga tao,

Bukod sa pandemya, may bulkan pang nag-alburuto,

Madami ding naapektuhan lalo na ang mga Batangueño,

Tila ba sinusubukan ang tatag at lakas ng bansang ito,

 

Ngunit hindi magpapatalo ang bansang kinagisnan ko!

Pagkat anumang pagsubok ang kaharapin nito,

Pagmamahalan at pagtutulungan ng bawat Pilipino,

Ang tunay na SANDATA at LAKAS ng bansang ito!