Return to site

Bansa Ko Kay Tatag Mo! 

ADORA C. ALIZAR

· Volume IV Issue I

O! Bansa ko kayrami mo nang pinagdaanan.

Noon hanggang ngayon at magpakialan man,

Pighati mo na ang lunas ay pagtitiis para sa kaluwalhatian,

Nang sangkatauhan saang sulok man nitong ating bayan.

 

Libo-libong taong nakaraan, at ika’y pinagpala,

Kaytagal mong pinangarap na ika’y lumaya,

Ngunit sinubok ka ng mapagbirong tadhana,

Dahil sa unos na dumating ika’y nanghina.

 

Malakas na hangin ika’y hinaplos nanginig buong katawan,

Ramdam ang panghihina ngunit ito’y sandal lamang,

Sapagkat malalim ang iyong pagtitiis lahat ay nakakayanan,

Pilit na tatayo upang lakas mo’y sa kanila mapatunanyan.

 

O! Pilipinas ang puso ko’y sa iyo nahuhumaling,

Humahanga sa taglay mong lakas kaysarap damhin,

Malusog mong pag-iisip lahat ay iyong inaangkin,

Kahirapan, kalungkutan, at hinagpis lahat ay kaya mong tiisin.

 

Sa likod ng unos dala nitong malagim na salot sa sanlibutan,

Na nagpasindak sa lahat ng sangkatauhan dito sa ating bayan,

Dulot nito’y takot sa isip ng ating mga kababayan,

Ngunit ang takot sa puso natin ay panandalian lamang.

 

Hamog sa umaga dala nito sa atin ‘sang saplot na pag-asa,

Tanging sa Diyos lamang natin ito makukuha,

Pilipino likas sa iyo ang pagiging Makadiyos tuwina,

Kahit sa problema, sa Kanya kayo umaasa.

 

Nalugmok man sa hirap dala nitong delubyo at salot,

Pilit pa ring kinakayang mabuhay kahit dala nito’y kirot,

Sapagkat ika’y matatag walang bahid sa iyo ang takot,

Ganyan ang tatak Pinoy marunong mamaluktot.

 

Sapagkat ikaw ay Pilipinas na bansa ko at kay tatag mo!

Hindi tutumba kahit ano pa man ang mangyari sa iyo,

Dahil tayo’y mga Pilipino hindi aatras sa pandemya man o bagyo,

Hanggang ngayon maituturing natin na tayo pa rin ang lubos na panalo.