Kamusta Pilipinas?
Mula sa pagkakalugmok... Pagkakalugmok sa putik ng kahirapang pandemya ang nagdulot
Sa gapos ng pagkagutom at bigkis ng pagka-uhaw na tiniis ng bawat Pilipino
Sabayan pa ng mga kalamidad na tila magnanakaw kung sumulpot
Sa gabing masarap ang iyong tulog habang yakap ang yung pamilya
Pilit na kinakaya ang mga pagsubok
Kamusta Pilipinas?
Ilang taon na din ang nakalipas, ikaw ay hinubog na ng bagyo at pandemya
Pinakinang at pinadalisay na ang puso mong nagbabaga
Nagbabaga sa pagnanasang magtagumpay sa laban na sa wari mo ay talo ka
Ikaw ay matatag na! Tulad ng dyamante ang tibay mo at halaga
Pag-asa at pananalig sa puso mo'y narito na ang naging bunga
Bangon Pilipinas!
Ikaw ay handa na! Kapit-bisig nating harapin ang bukas na may ngiti at punong-puno ng ligaya
Sapagkat dumating na ang panahon ng pag-aani ng matamis na bunga
Ng iyong mga sakripisyo, pasakit, at dusa
Masusuklian na ang bawat patak ng luha mula sa iyong mga mata
Sapagkat nababanaag na ang bukang liwayway ng pag-asa
Bangon Pilipinas!
Ikaw ay malaya na! Ito na ang hudyat ng muli mong pagtakbo sa karera
Karera ng buhay patungo sa mas maunlad at maliwanag na umaga
Hawakan ang kaliwang dibdib at damhin ang maalab na tibok ng puso
Na nagsasabing ikaw ay Pilipinong tagumpay sa pagsubok ng panahon
Ikaw ay isang kampeon!