Return to site

BALIK TANAW SA NAKARAAN

RUFINA M. ROSALES

Balayan East Central School

· Volume V Issue IV

Tunay na ang buhay ng tao ay maiihalintulad sa isang gulong na paikot-ikot lamang. Minsan nasa ibabaw, madalas nasa ilalim. Kasabay nito ay ang pagbabago na sinasabing natatanging permanente sa mundo. Ngunit gayunpaman lagi nating iisipin na gaanuman ang pagbabago na ating kakaharapin, gaanuman kabigat ang ating pinagdadaanan, ang ating mga pasanin, alalahaning laging may solusyon na sa dako roon ay makakamit natin. Lagi nating tatandaan na sa bawat patak ng ulan ay kasunod ang bahaghari na nagbibigay sa atin ng pag-asa na may panibagong bukas na sa atin ay naghihintay.

Kung iisipin napakasarap na mabuhay sa mundong ating ginagalawan. Mamuhay ng payak sa bahay kubo sa gitna ng kabukiran gaya ng kinamulatan ng ating mga ninuno. Kaysarap langhapin ang sariwang hangin na animoy humahalik sa ating mga pisngi. Napagakagandang pagmasdan ang kabukiran na puno ng mga luntiang pananim na umaagdon sa ating pang-araw araw na pangangailangan. Napakasarap magtampisaw sa ilog batis na animoy bulak sa kaputian ang tubig na tunay na aninag ang kailaliman. Nakatutuwang pagmasdan ang mga batang walang kapaguran sa pagtatakbuhan na hindi alintana ang pagdaan ng oras dulot ng ligayang hatid ng pagkakaibigan. At sa oras ng kainan ay nakahain sa hapag ang mga sariwang isdang kakakawil at kapupukot pa lamang dagdagan pa ng mga gulay, talbos at dahon na pinitas sa parang.

Wala ng mahihiling pa sa buhay na nakasanayan na. Hindi ko ipagpapalit ang makabagong mundo na ating ginagalawan sa buhay na dati ng kinagisnan. Payapa, tahimik at payak na pamumuhay. Malayo sa ingay ng mga sasakyan. Mga huni ng mga ibon at lagasgas ng tubig ang nagsisilbing musiko sa pandinig. Kaysarap balikan ang mga punong hitik sa bunga na iyo lamang aakyatin ay busog na sa dami ng napanguha.

Sa makabagong panahon na mayroon tayo ngayon, mababanaag pa rin ang bakas ng kahapon. Anumang yaman mayroon tayo ngayon, sa huli mas pinipili pa dn mamuhay ng karamihan sa atin ng kahalintulad ng kahapong nagdaan. Anumang masasarap na pagkain ang sa atin ay ihain tila may hinahanap ang ating panlasa na nais nating matimusan.

Mula noon hanggang ngayon ang buhay ay paikut-ikot lamang. Babalik at babalik ka pa rin sa kahapong nagbigay sa iyo ng pag-asa at lakas upang makapamuhay ng matiwasay sa kasalukuyang hamon ng buhay at nagbibigay ng sandata tungo sa isang matatag na bukas.