Dalawang taon ang nagdaan, bansa nati’y nasa karimlan,
Kaydaming pinagdaanan, di akalaing mararanasan,
Nilalaman ng bibliya, ay tunay at makatotohanan,
Pandemya at sakuna, sadyang hindi nga kathang isip lamang.
Muli nating balikan, mga buwan at araw na nagdaan,
Mga hamon at sagabal, pa’no nga ba natin nalampasan,
Ito ba ay katulad din, nang sakupin tayo ng dayuhan,
Hawak- kamay na nagkaisa, nang kasarinla’y makamtan na.
Isa, dalawa, tatlong takal, ito ay tandang tanda ko pa,
Bigas na may de lata, sa nasalanta ng bagyong Yolanda,
Pagsabog ng bulkang Taal, ako ga’y di namamalik-mata,
Oh! Diyos ko, ano ito, at dumating pa nga ang pandemya.
Kay lupit ng tadhana, sa bansang Pilipinas ay tumama,
Namalisbis man ang luha, puso ko’y agad ding tumalima,
Pinagdaop yaring palad, Maykapal na ang siyang bahala,
Buong sambayanan, sa tulong Mo, sa ‘Yo lamang nagtiwala.
Bawat tao sa lipunan, may mahalagang ginagampanan,
Kay Digong na ama ng bayan, hanggang sa kaliit-liitan,
Ginagawa ang makakaya, makatulong lamang sa iba,
Pusong Pinoy ganyan talaga, kumakapit sa bawat isa.
Mga frontliners na nagbuwis ng buhay, dapat parangalan,
Mga bayaning tunay, malasakit ay di matatawaran,
Kapwa Pinoy isinalba, inisip kapakanan ng iba,
Kayamanan ng bansa, sa atin ito ay nakatatak na,
Huwag sanang masayang, ang lahat ng ating pinagpaguran,
Nawa ay maging bukas palad, ang bawat isa sa sinuman,
May pandemya man o wala, paigtingin pagdadamayan,
At sa ganitong paraan, sama-sama ang lahat na lalaban.
Tara na at magkaisa, kapit- kamay tayo sa tuwina,
Sadyang di matutumba, dumaan man ang bagyo o pandemya,
Ang Diyos ay maging sentro, magbibigay sa ‘tin ng pag-asa,
Sa lahat ng Pilipino, pagpupugay, VIVA isigaw na.