Ang pagtuturo ay itinuturing na dakilang propesyon sapagkat ang titser ay isang tao na nagbibigay ng edukasyon para sa mga mag-aaral.Marami ang nagsasabi na ang guro ay may pinakamahalagang parte sa buhay ng mga kabataan. Hindi madali ang propesyong ito ngunit marami pa din ang naghahangad maging guro sa paniniwalang magkakaroon ng kasiguraduhan ang kinabukasan sapagkat ito na ang pinakamatibay na propesyon sa kasalukuyan. Sa ating bansa, marami ang gampanin at tungkulin ng isang guro.Kung ikaw ay guro,nararapat kang magpatuloy sa pag-aaral upang makabuo ng magandang banghay aralin na magiging gabay mo sa paggawa ng kagamitang pampagtututuro o “visual aids” o “slidedeck”.Tungkulin din ng isang guro ang sanayin ang iba’t ibang kakayahan ng mga mag-aaral upang ihanda sa iba’t ibang paligsahan.Nariyan ang patimpalak sa Quiz Bee,Sayawan,Awitan,Likhaan,Bigkasan at isabay na rin ang paghuhubog sa kanila na magkaroon ng kaalaman sa paghahalaman. Isang napakalaking tungkulin din ng isang guro ang magturo ng kagandahang asal upang maging mabuting tao at mamamayan. Dagdag pa rito, bukod sa pagtuturo ay kakabit na ng tungkulin ng isang tister ang iba’t ibang klase ng mga “reports” na kailangan isumite ng mabilisan.Ito ang dahilan kung bakit nawawala ang atensyon ng guro sa kanyang pagtuturo.Ilan sa kanila ay hindi na matandaan ang mukha at pangalan ng mga batang pinaglilingkudan.
Hindi maikakaila na sa kabila ng patuloy na paghingi ng umento sa sahod ay nakakaya pa din tugunan ng isang guro ang kanyang pang araw araw na pangangailangan.Hindi maitatanggi na maraming guro sa ating bansa ang nagiging sandigan ng kanilang pamilya.Dahil sa kanyang paglilingkod ay nagkakaroon sila ng normal,simple ngunit sapat na pamumuhay.
Sa dami ng ipinagagawang trabaho, nakakalimutan na ng ilang guro ang tunay na dahilan kung bakit may natatawag na titser. Dapat maunawaan ng isang guro, na ang kanyang mga mag-aaral ang tanging dahilan kung bakit siya ay patuloy na nakapaglilingkod bilang titser.
Sa huli, bilang mga guro pahalagahan at nararapat lamang na turuan natin ng may pagmamahal ang mga kabataang ipinagkatiwala sa atin ng ating gobyerno sapagkat kung mawawala sila maaari na rin tayong mawala sa ating lipunan.