Umagang pagpasok sa eskwela si titser ay nakaupo sa mesa.
“Anong oras na Nena?”
Bakit po titser?”
“Bakit nahuli ka?”. Sa pag-upo sa aking upuan tanong agad ni titser ang nasumpungan.
“Naligo ka ba Nena?”
“Bakit po titser?”
“Nag-aral ka ba ng aralin Nena?”
“Bakit po titser?”
“Hindi ka na naman nag-aral Nena.”
Sa oras ng klase si titser lagi akong binabantayan. Sa bawat oras ng aking paggalaw mga mata ni titser sa akin nakatingin. Tila ba’y agilang nakatingin sa kanyang pagkain. Minamatsagan ang mga susunod na gagawin. Mga tanong na tila sinusukat ang aking kakayahan sa bahay man o eskwela. “Ganito ba talaga ang pumapasok sa eskwela?” tanong ko sa aking sarili.
“Nasaan ang lapis mo Nena? Wala ka na namang lapis Nena.”
“Bakit po titser?”
“Nasaan ang papel mo Nena? Wala ka na namang papel Nena.”
“Bakit po titser?”
Sa bawat araw ng aking pagpasok si titser ay laging tanong ng tanong sa akin. Ang laging bilin sa akin ni inay at itay na si titser ang aming pangalawang magulang, taga gabay at tagapayo. Nagbibigay ng kaalaman at nagtuturo ng magagandang asal at kaugalian sa loob at labas ng tahanan. “Pero bakit hindi ko naiintindihan si titser?”, tanong ko sa aking sarili. Umaga sa pagpasok hanggang uwian sa hapon. Tanong ni titser ang laging baon. Sa tuwing kaharap si titser ako’y kinakabahan at baka walang maisagot. Nagtataka ako na lagi akong tinatanong. “Sadya bang mahal ako ni titser?”.
Kinaumagahan at ako’y nakaligo na, handa na sa pagpasok sa eskwela. Kinakabahan at baka mapagalitan. Sa mga tanong na laging nakaabang. Habang ako ay naglalakad, malalim ang iniisip at napapatingala sa langit. “Paano kung tanungin ako ni titser?” Pumasok ako nang maaga at naupo na. Dumating si titser at ako’y nakita. Masayang ngiti sa kanyang mukha ay nasilayan. Ako’y napangiti at nawala ang mga agam-agam.
“Maaga ka ngayon Nena?”, bungad ni titser sa akin na may ngiti sa mga labi.
“Bakit po titser?”
“Gumising po ako ng maaga titser para po hindi ako mahuli sa klase.”
“Nakaligo ka Nena?”, sabay hawi sa buhok kong nasa tainga.
“Bakit po titser?” habang nakangiti.
“Opo titser para malinis at mabango po ako.”
“Magaling! Nag-aral ka ng aralin Nena.”, tuwang bigkas ni Titser sa akin.
“Bakit po titser?
“Opo, para po mataas ang aking marka sa mga pagsusulit at masagot ko po ang mga tanong tungkol sa ating aralin titser.”, masiglang turan ko kay titser.
Masayang talakayan ang aming aralin. Nakasasagot na ako sa bawat tanong sa akin ni titser, sapagkat nag-aral ako nang aralin kagabi. Hindi na ako kinakabahan na baka wala akong maisagot. Tuwang-tuwa ako at taimtim na nakikinig sa aming aralin. Sa pagbukas ko ng aking bag, wala ang aking lapis at papel. Hinanap sa bawat sulok nang upuan pero walang mahanap. Ang masayang mukha ko ay napalitan ng lungkot. Nakita kong si titser ay papalapit sa akin. Ako’y kinakabahan at baka mapagalitan.
“Nasaan ang lapis at papel mo Nena?”. Ako’y yumuko at hindi na nakasagot. Luha sa mata ay papatak na. Hindi na nakapagsalita pa. Nang biglang may iniabot si titser sa akin.
“Ano itong puting nakaharang sa aking mukha? My mahabang kulay dilaw na animo’y sumasayaw?”. Sa pag-angat ng aking mukha, si Titser nakangiti.
“Narito ang lapis at papel Nena, gamitin mo ito para sayo ito.”
“Bakit po titser?”, tanong ko kay titser.
“Kaya kita parating tinatanong ay para paalalahanin sayo ang mga bagay na dapat ay ginagampanan mo bilang isang mag-aaral. Ito ang magsisilbing gabay mo para maging isang mabuting mag-aaral.”
Ako’y nagulat at natuwa sa mga sinabi ni titser sa akin. Lahat pala ng ginagawa sa akin ni titser ay para sa aking ikabubuti bilang mag-aaral. Tama ang sinasabi sa akin ni inay at itay. Masayang turan ko sa sarili. Mahal pala ako ni Titser. Gusto ko si Titser.