Nakakasilaw ang sinag ng araw na sakop halos ang buong bayan ng Katakuta. Walang-wala ang taas ng Bundok Mapalad upang takpan ang liwanag na nagpapadilim sa mga matang bahagyang nakadilat. Isang magandang araw ito para kay Mayumanggi sapagkat isa-isa niyang magagawa ang mga bagay na pinlano niya bago pa pumikit at tapusin ang kahapong gabi. Sa walang kadahilanan, ilang araw ng sunod-sunod ang malalakas na pag-iyak at paghagulgol ng langit na sumisira sa kasaganahang tanim ng kaniyang pamilya. Para din bang siya’y nababasagang-ulo sa pagkulong ng maingay na patak ng tubig sa kanyang hindi mapakaling katawan. Siguro nga tama ang hinala ng kanyang amang si Datu Alun na nagtatampo na si Lakapati (Diyosa ng Kasaganahan). Kahit ganun, umangat ang labi ni Mayumanggi at napangiti nang maalala ang mga bagay na kanyang tatahakin sa araw na ito.
“Ano kaya ang una kong gagawin? Pwede akong magtanim…maghabi…o ‘di kaya maghulma ng mga palayok! Tsak, maraming putik sa paligid,” nasasabik na inisip ng dalaga. Napag-isipan niyang simulang ayusin ang nabagyo’t nasirang palayan nila. Hindi niya inalintana ang mataas na araw na tumatama’t lumiliwanag sa kulay puno niyang mga balat at mala-porselanang buhok. Napadungaw naman sa pintuan ng kanilang kubo ang kanyang ama at sabay ngumiti habang pinagmamasdan ang anak.
“Wala ng paborito ang diyos kung wala na. Tunay ngang siya’y kahabag-habag na biniyayaan tayo ng mapagmahal at matulunging anak,” sabi niya habang masayang nakatingin sa asawang si Mahalia. Tanghali na nga nang matapos si Mayumanggi sa maghapong pagyukot. Mababakas sa kanyang nananakit na mga tuhod at nagpuputik na paa’t kamay ang kariktan ng kanilang bukid.
Kasalukuyan silang nanananghalian nang sabihin ni Datu Alun na huwag daw lalayo ang anak sa palayan at mas lalong huwag tatangkaing mapadpad sa likod ng Bundok Mapalad. Sa akalang magbibigay pangamba ito sa dalaga, mas umusbong pa ang umiikot na katanungan at pagnanais na malaman ang sagot sa mga ito.
“Bakit ho, ano po bang nandoon?,” tanong ni Mayumanggi. Sagot naman ng kanyang ina na mapanganib doon at walang sino man ang nagtangkang maglakbay at siya rin dapat ay kailanma’y ‘wag lalapit.
Kinabukasan, natapos ng dalaga ang mga dapat niyang gawin nang mas maaga sa inaasahan. Napaupo siya sa hagdan malapit sa parilya ng bahay. Para bang ang katawan niya’y hinihila ng kanyang isip sa tanging lugar na mga paa’y bawal yumapak. Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa, hindi pa nakababalik ang kanyang mga magulang mula sa kabilang nayon. Napatayo si Mayumanggi bitbit ang matalas na itak ng kanyang ama at agimat. Gaano kasama naman ang maaring mangyari, di ba?
Naglakad siya nang naglakad hanggang maabot ang likod ng Bundok Mapalad. Nang siya’y papalayo na nang papalayo, nandiyan na naman ang mga maliliit na boses sa kanyang isipang sinasabing bumalik na siya. Pero malayo na rin ang narating ni Mayumanggi kaya siya’y nagpatuloy. Hanggang…
“Sa wakas! Nakarating na rin,” napabuktong hiningang sinabi niya. Ngunit, wala naman siyang nakita; ganun din, walang ibang nangyari sa kanya. Nanghinayang ang dalaga dahil sa malayong daang nilakbay at wala pa lang katangi-tangi sa likod ng bundok na iyon.
Maya-maya lang ay may naaninag siya na isang maliit na yungib na natatakpan ng malalaking talisayan at napalilibutan ng mga halaman. Isa-isang tinanggal ni Mayumanggi ang mga ito at tumambad sa kaniya ang nakasisilaw na ilaw sa loob. Hindi pa nakakapasok ngunit mayroon siyang naririnig na mga boses dito. Tunog tao.
“Ano iyan?...Ano ang nasa liwanag na ‘yan?” pumasok si Mayumanggi at laking gulat niya sa kaniyang nakita. Ibang-iba na ang mundo na napasukan niya. Nang tumingin siya sa likod, isang malaking puno ng Nara lang ang kaniyang nakita.
“Nasaan ako? Bakit ganito ang aming bayan?” nagtatakang tanong ng dalaga. Hindi makilala ni Mayumanggi ang mga taong dumadaan sa kanya. Kasing kutis ng balat nila ang gatas, malinis, at walang bakas ng pang-o-tub (tattoo). Ang buhok naman ng iba ay iba-iba din ang kulay.
“Paumanhin po. Nasaan ho ako ngayon?” tanong ni Mayumanggi sa isang estudyanteng nakasalubong niya.
“Nasa Quiapo ka, ate…Nagco-cosplay ka ba?” sagot naman ng dalaga. Pinagmasdan niyang mabuti si Mayumanggi at nagtataka din siya kung bakit iba ang itsura nito. Bakas sa mukha ni Mayumanggi ang pag-aalala at pagtataka sa lugar na kaniyang napuntahan.
“Ay, Buwan ng Wika nga pala! Ako nga pala si Maya,” biglang naalala ng bata. Napansin niya na hindi pamilyar si Mayumanggi sa lugar kaya napag-isipan niyang dalhin muna ito kasama niya sa skwelahan. Pinagtitinginan sila ng lahat ng estudyanteng dumadaan. Hindi naman maiwasang mailang ni Mayumanggi sa mga ito. Maya-maya, pinaupo ni Maya ang dalaga sa bakanteng upuan sa tabi niya.
“Uy, Maya, sino ‘yan?” nagtatakang tanong ng mga klasmeyt niya. Ang iba naman ay nagbubulungan at agad ng pinuna ang ibang katangian ni Mayumanggi.
“Ba’t ang itim niya?” ang sabi. “Nakapulot ata siya ng batang kalye,” sabay tawa ng iba. Napatingin si Mayumanggi sa balat niya na para bang hiyang-hiyang. Agad naman siyang pinagtanggol ni Maya sa kanila.
Ilang minuto, dumating na ang guro ng 10-Rizal. Agad niyang naaninag si Mayumanggi at pinatayo ito upang ipakilala ang kaniyang sarili. Kala niya bagong estudyante ito.
“A-Ako s-si Mayumanggi…Anak ako nila Datu Alun at Mahalia na pinuno ng bayan naming Katakuta,” kinakabahang sagot ni Mayumanggi. Pero, katulad ng inaasahan, pinagtawanan lang siya ng lahat dahil daw hindi kapani-paniwala ang mga sinasabi niya.
“Mayumanggi ba talaga pangalan mo? Bagay nga sa’yo, itim ng balat mo eh,” nagtawanan ang lahat.
“Ma’am, wala pa namang Linggo ng Wika ah, bakit ganiyan suot niya?” hiyaw ng isa.
“Baduy mo naman!”
Hindi maintindihan ni Mayumanggi ang lahat. Tumakbo siya palabas at bumalik sa bayan nila. Malungkot siya sa mga nangyari at panglalait ng lahat sa kaniya. Napagtanto niya na kung bakit masama ang sabi ng mga magulang niya dito. Masama naman talaga.
Ilang araw nakapalibot kay Mayumanggi ang katahimikan na halos hindi na siya umiimik. Napansin ni Datu Alun na hindi na din nagagawa ng dalaga ang mga bagay na hilig niyang gawin, katulad ng pagtatanim. Nang tanungin niya ito kay Mayumanggi, sinabi lang ng dalaga na masyadong mataas ang araw at baka masunog ang kaniyang balat.
Matapos ang ilaw araw, napagpasiyahan ulit ni Mayumanggi na dayuhin ang kabilang mundo. Sinabi niya sa sarili niyang hindi na lamang siya magpapaapekto dahil mahal niya ang kaniyang pinagmulan.
“Uy, Mayumanggi!” at narinig niya na naman ang isang pamilyar na boses. Nakita niya muli si Maya. Humingi ng pasensya ito dahil sa naging pagtanggap ng mga kaklase niya sa kaniya. Hindi rin man mawari ni Maya kung saan ba talaga nagmula si Mayumanggi, pinilit niya paring unawin ito.
“Feel ko gutom ka. Tara, kain tayo ng tusok-tusok!” masayang sabi ni Maya.
“Ano yung tusok-tusok?” nalilitong tanong ni Mayumanggi.
“Hay, basta, makikita mo. Tara, libre ko!”
Bago ang mga pagkaing fishball at kwek-kwek kay Mayumanggi, pero nakakalasap amoy palang nito. Hindi na napigilan ng dalaga at kinain ito gamit ng mga kamay. Nagtatakang napatingin silang nasa paligid. Sakto, hindi inaasahang dumaan ang mga kaklase ni Maya at muling tinukso si Mayumanggi.
“Hoy, itim! Ang dumi mo namang kumain,” natatawang sigaw nila. Tinigil ng dalaga ang pagkain at kinuha ang stick na binigay ni Maya.
“Hindi ko sila papansinin. Hindi ko papansinin,” bulong niya sa sarili.
“Pinagsasabi mo? Kinukulam mo kami, no!” sigaw ng magkakaibigan habang nakatingin sa agimat na suot ni Mayumanggi. Bigla at walang pag-aalinlangan, dali-daling naglakad si Mayumanggi sa harap nila at hinarap ang hawak-hawak na agimat.
“Paano kong oo?! Oo, kinukulam ko kayo kaya matakot ka!” matapang na sigaw ni Mayumanggi sa harap nila bago tuluyang bumalik sa Katakuta. Walang masabi ang magkakaibigan. Makikita sa naninigas nilang katawan ang takot. Pero, hindi si Maya. Awa ang bumalot sa kaniya dahil sa panunuksong ginagawa kay Mayumanggi.
Umiiyak na bumalik si Mayumanggi sa kanilang bayan. Ang tangi niya lang naiisip ay bakit masama ang pagiging iba?
“Bakit masama na ganito ako? Hindi ba naging parte din naman ako?”
Simula noon, hindi na muling nakita ni Maya si Mayumanggi. Dumaan na ang isang linggo at makalawa, ngunit hindi na muli siyang lumabas.
“Para sa aking presentasyon ngayong Buwan ng Wika, nais kong bumalik tayo sa nakaraan at masilayan muli ang mga bagay na ating unti-unting iniiwanan. Ang mga Pilipinong nanguna, silang naging pundasyon, at pagkakakilanlan ng ating bansa. Katulad ng aking kaibigan, sila’y naiiba. Malayo sa kung sino tayo ngayon at kung minsan, mahirap maintindihan. Pero, sila din ang nagpapatunay na tayo ay mayaman. Mayaman dahil naiiba, naiiba sa tradisyon at kultura. Ako, ikaw, mahalin natin silang kakatuwa at silang nagiging anino sa lipunang kanilang binibigyang baybay.” Pumalakpak ang lahat kay Maya at sa dulo ng mga nagkakaguluhang monoblocks nakangiti ang kaniyang kaibigan (Mayumanggi).
“Maraming salamat na ako’y naiiba,” pabulong wika niya.