Si Mayang ay isang napakakyut at malusog na bata. Nakatira malapit sa dagat, sagana sa palayan at tahimik na bayan kasama ang kaniyang pamilya. Ang pamilyang ito ay pinapahalagahan ang pagiging masinok at handa sa lahat ng oras.
Araw ng Sabado, niyaya si Mayang ng kanyang mga kaibigan na maglaro sa tabi ng dagat. “Halika na Mayang,” anyaya ni Marla. “Ahhhmmm, sa susunod na lamang Marla, tutulungan ko pa si tatay at nanay na magtanim ng mga gulay,” sagot ni Mayang. Hanggang tingin na lamang si Mayang sa mga kaibigang masayang nagkwekwentuhan habang naglalakad patungo sa kanilang lugar na paglalaruan.
Halos lahat ng pamilya sa bayang iyon ay umaasa lamang sa biyaya ng dagat. Tanging sina Mayang lamang ang may gulayan sa kanilang bakuran.
Tuwing umaga, mapapansin agad ng buong bayan ang bahay nina Mayang dahil sa mga makukulay na uri ng mga gulay at tanim nito. “Wow, ang ganda!, ang laging sambit ng mga taong dumadaan sa bahay nila.
Sa sumunod na Sabado, si Mayang naman ang nag-anyaya sa mga kaibigan na magtanim ng mga gulay. Gusto ni Mayang na samahan siya ng kanyang mga kaibigan na magtanim habang masayang magkwekwentuhan. “Ayaw namin kasi hindi naman masarap ang gulay, ayaw naming marumihan at mayroon namang mga isda sa dagat! Para ano pa ang pagtatanim ng mga gulay?” sagot nina Marlon at Marvin.
Sumabay si Mayang sa mga kaibigang naglalakad habang nagpapaliwanag. “Kailangan nating magtanim dahil hindi sa lahat ng panahon may isda at may pera tayo. Pagmayroon tayong gulayan, puwede tayong kumuha doon pang-ulam at magiging malusog pa tayo.”
“Hala sige diyan ka na! Umuwi ka at magtanim basta kami maglalaro buong hapon”, wika ni Maharlika. Malungkot na umuwi si Mayang at nagdesisyong magpatuloy sa pagtatanim ng samo’t saring gulay at halaman.
Pagdating ni Mayang sa kanilang bahay, agad itong kinuha ang pandilig at masayang kinausap na lamang nito ang mga halaman at kinakantahan pa.
“Ang ganda naman ninyo mga alaga kong gulay. Sana ay magpatuloy kayong tumubo at magbigay sa amin ng pagkain. Hayaan ninyo, aalagaan ko kayo. La..lala..lala..” pakantang sambit ni Mayang habang dinidiligan ang mga tumutubo pang halaman.
Pagdating ng mga magulang ni Mayang, sabay-sabay nilang pinitas ang mga gulay na puwede nang maluto at makain. Batid sa kanilang mga mukha ang saya na dulot hatid ng kanilang gulayan.
Isang araw, may hindi inaasahang bagyo ang humagupit sa kanilang bayan. Malakas ang alon, nakatatakot na kidlat at matinding puwersang hangin ang batid ng buong bayan. Dahil sa tinding lakas nito, maraming puno ang nabuwal, maraming bubong ang lumipad at maraming bahay ang unti-unting winawasak ng bagyo.
Tumagal ng tatlong araw ang masamang panahon sa bayan at ramdam na ang matinding gutom ng ibang pamilya. Ang iba naman ay nagkasakit na at pilit na lumikas sa kabilang bayan.
Paubos na ang mga pagkain ng mga kapitbahay nila Mayang habang sila ay hindi nababahala dahil kapipitas lamang nila ng mga gulay sa bakuran.
Sumilip si Mayang sa kanilang bintana upang makita kung ano ang nangyayari sa labas. Napaisip si Mayang kung mayroon pang makakain ang kanilang kapitbahay. Kaya, agad siyang lumabas at namigay ng mga gulay sa mga kapitbahay kasama ang kanyang mga magulang at lakas loob silang namahagi kahit ramdam pa rin ng buong bayan ang panganib dulot ng bagyo.
Lubos na nagpasalamat ang mga pamilyang natulungan nila Mayang dahil sa kung wala sila posibleng mas maraming magkakasakit at makakadanas ng matinding gutom.
Hanggang tuluyan ng nilisan ng bagyo ang bayan at maganda na ulit ang panahon at lahat ay nagsilabasan na sa kani-kanilang tahanan.
Lahat ng tao ay nakatingin sa gulayan nila Mayang dahil parang doon sa kanila nagmumula ang liwanag at iba’t ibang kulay na para bang isang bahaghari ang kanilang nakikita.
Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng pamilya at mga bata ay natuto ng magtanim ng mga gulay at hindi na umaasa lamang sa yaman ng dagat.
“Mayang, halika ka!, turuan mo kami at samahang magtanim ng mga gulay sa aming mga bakuran”, masayang paanyaya ni Marlon. “Oo ba, basta pagkatapos natin nito ay maglalaro tayo ha,” nakangiting sagot ni Mayang sa kaibigan.
Ang lahat ng mga kaibigan din ni Mayang ay nagpatulong sa kanilang mga ama na gumawa ng isang gulayan at tatawagin nila itong Bahagharing Gulayan ng kanilang munting bayan.