Return to site

BAHAGHARI 

ERVIN JAMES Y. PABULAR 

· Volume IV Issue I

Pitong araw ika'y nilikha ng Diyos

Bansang pinatatag ng pagmamahal na walang tapos

Mga sakuna't delubyo ika'y sinubok ng lubos

O aking Pilipinas mananatiling nakatayong taos

 

Ika-pitong araw ng Marso taong 2020 nagsimula

Lokal na pagkalat ng sakit nananalasa sa ating bansa

Pandemyang naghasik ng lagim nakakagitla

O aking Pilipinas di matitinag ang pag-asang tinitingala

 

Pitong araw dalawamput apat na oras na sana'y wala ng wakas

Pamilya'y pusposang nakasama habang bawal ang paglabas

Ekonomiya may bumaba at mga trabaho'y may napinsala

Pagmamahal ng Pilipino sa bansa at kapwa hindi mawawala

 

Pitong libo at higit pang mga isla sa atin biniyaya

Taglay ang mga likas na yamang banal at marangya

Datapwat sinubok ng mga bagyong di kaaya-aya

O Pilipinas iyong pagbangon aming hangad at hiraya

 

Pitong taong agwat mayroon ang dalawang sigwang makunat

si Yolanda't Rolly na parang alamat at halos sinira ang lahat

Bagamat ika’y dinurog at binagsak ng bigat na parang walang hanggang habagat

O aking Pilipinas ika’y umangkat sa kabila ng karanasang nakakagulat

 

Pitong letrang salita aking ibabandila habang ako'y buhay pa

Watawat ng aking bansa walang sawang sinasamba, ito'y aking panunumpa

Tanging adhika ay mailathala iyong mga isla, ganda at mga lupa

Silakbo ng pusong Pilipino nakaangkla sa iyong diwang laging nakasampa

 

Pitong kulay mayroon ang simbolo na sa bayan ko’y nagbigay buhay

Ika'y lupang hinirang aming pag-asang kumikinang sa bukang-liwayway

Tatag at tibay aming alay, tayo’y babangon sabay-sabay

O Pilipinas, ikaw ang aming bahagharing may pitong kulay na taglay