Sa hindi inaasahan pandemya ay nakapasok,
Ang ating bansa’y nilukob hanggang dulo at sulok.
Ang virus na ito ay nagdala ng matinding pagsubok.
Sa Pilipinas nga ay madami na ang naging alabok.
Lahat ay nagbago, lahat ay nagsara,
Establisyamento, gusali, at saka eskwela.
Ang kabataan ay nagulat at matinding nag-alala,
Pag-aaral kaya nila ay matatapos pa.
Mula sa papel, kartolina at pisara,
Gamit ang yeso sa pagsulat ng abakada.
Nakasanayang turo, tawanan at iba pa,
Lahat ng ito’y naglaho at natigil pansamantala.
Ang kagawaran ay nagplano ng mga alternatibo
Onlineclass ang sagot sa biglaang paghinto.
Maymodyul ding ibibigay, telebisyon at radyo,
Lahatay susubukan nang kabataa’y patuloy na matuto.
Isang taon na ang nakalipas,
Pandemyang ito ay di pa rin nagwawakas
Mga mag-aaral ay natuto ng mag-online class,
Sa mga guro nama’y bagong kaalaman ang mababakas.
Pag-aaral ay pagbutihin, edukasyon ay kamtin,
Makinig sa guro, asignatura man ito o sa bilin,
Pangarap ay makakamit na tila isang bituin,
Kasiyahang handog na di kailanman mamaliitin.
Hindi man tayo makabalik agad sa buhay na normal,
Umasa tayong matatapos din ito sa tulong ng dasal.
Tumulong sa kapwa, iaayos ang asal,
Hindi tayo pababayaan ng ating Poong Maykapal.