Kilala ang Pilipinas, saan mang sulok ng mundo
Sa mga tanawin, katangian, o kaugaliang Pilipino
Sa panahon ng sakuna, kailan ma’y hindi tutumba,
Sama-sama sa lungkot, pighati, at saya.
Bayanihan ay naipakita, sa panahon ng pandemya
Ipinamalas ang pagmamalasakit at pagdamay sa kapwa.
Mga Frontliners ay lumaban, sila’y hindi natinag,
Serbisyong hindi natibag, nanatiling matatag.
Disiplina’y naipamalas, naging masunurin din
Health protocol ay inobserbahan pati social distancing,
Facemask, face shield, at proper handwashing,
Ilan sa mga kautusang nauso noong quarantine.
Nagsara man ang mga pinto,
Pagtulong sa kapwa’y hindi nahinto.
Mga community pantry ay nauso,
Nagbigay ng mga pagkain at mga produkto.
Ang ating naranasang hirap at lungkot,
Hindi man sinadyang may masamang naidulot,
Ito naman ay nagsilbing aral at babala,
Na tayo dapat ay laging handa.
Sapagkat tayo ay Pilipino,
Kilalang matatag, baliktarin man ang mundo,
Bagyo, lindol, kahit pa delubyo,
Tiyak na babangon dahil matibay tayo.
Ang tanging hiling lamang sa darating na panahon,
Mga susunod na henerasyon ay matuto ring bumangon,
Pinagdaanang hirap sana’y maging inspirasyon,
At mabatid na ang bawat problema ay may solusyon.
Tunay na dangal na maging parte
Ng isang komunidad na tutulong sa’yo paabante.
Kaya isigaw mo, “Pilipino ako”
Dahil karangalang lubos na maging Pilipino.