Return to site

ANUMANG PAGSUBOK NG MGA PILIPINO, ANG KASANGGA AY SI KRISTO! 

ANA MARIE DAGOS MAGADIA

· Volume IV Issue I

Nilikha ng Diyos ang mundo nang payapa at maganda,

Mga tao’y nagmamahalan, at kapaligiran ay sagana.

Ngunit sa kasalukuyan, mga nangyayari’y nakapanlulumo,

Ang nilikha ng Maykapal, unti- unting nawawasak – nagugulo.

 

Pagsabog ng bulkan, mga kalamidad, pati na ang pandemya,

Mga tao’y apektado, naghihirap at nakararanas ng trahedya.

Bagyong dilubyo - hagupit ng hangin ay waring walang sinasanto,

Mga pananim at ari- arian ay nasisira, bilyong halaga ang nasasakripisyo.

 

Sa baybaying dagat kay lakas ng hampas ng alon

Pangamba ang nadarama ng mga taong nakatira roon.

Mga hayop na nakatira sa puno, umaalis at tumatalon

Ito ay dahil sa banta at dulot ng masasamang panahon.

 

Mga puno sa paligid, pawang nagsisitumbahan,

Mga bato at lupa ay unti-unti na ring nagguguhuan.

Mga bahay na nakatayo sa mabababa at mga patag na lugar,

Nawawasak, binabaha, natatabunan pa ng lahar.

 

Dahil sa pandemya na dulot ng virus na Corona

Marami ang nagkasakit, namatay at nagdurusa.

Salamat sa mga Frontliners na pagod at gutom ay di alintana

Buhay ay isinusugal para sa kaligtasan at kapakanan ng iba.

 

Mga pangyayari sa paligid ay tunay na nakakalungkot isipin,

Nararanasang kalamidad nakadaragdag ng sakit at bigat sa damdamin.

Ang iba’y nagpapatiwakal at buhay ng kapwa ay kinikitil,

Mga nararanasa’y hindi na nakayanan at pagod ay ‘di na mapigil.

 

Tanong ng marami, hanggang kailangan mararanasan?

Ang mga ganitong sakuna at epekto ng kahirapan.

Hanggang kailangan mga tao’y matutong magkaisa?

Upang nilikha ng Diyos, maibalik sa dating ganda.

 

Mamamayang Pilipino’y ‘di dapat mawalan ng pag-asa,

Patuloy nating ipagdasal na isang umaga ay wala ng naghihirap at nagdurusa

Wala na ring may sakit at mamamatay dahil sa virus na corona

At ang bansang Pilipinas ay patuloy na babangon dahil si Kristo ang kasangga.