Panimula:
Ang pananaliksik na ito ay nakatuon sa antas ng kawilihan sa pagbasa ng panitikan ng mga mag-aaral ng ika-10 Baitang ng Silangang Purok ng Lopez Taong Panuruan 2019-2020.
Malaman ang demograpikong profayl ng mga respondente batay sa kasarian at edad. Mabatid ang uri ng panitikan na tinatangkilik ng mga mag-aaral. Makuha ang salik na nakakaapekto sa kawilihan ng mag-aaral sa pagbasa ng panitikan batay sa interes, uri ng babasahin, estilo ng pagbabasa, kapaligiran, at antas ng kakayahan. Malaman ang kahalagahan ng kalagayan ng uri at salik ng panitikan na nakaaapekto sa kawilihan ng pagbasa ng iba’t ibang pangkat ng mag-aaral. Malaman kung paano nakaaapekto ang demograpikong profayl sa kawilihan ng mga mag-aaral batay sa uri ng pagbasa ng panitikan. Makabuo ng programa na maaring isagawa upang mapataas ang antas ng kawilihan ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng panitikan.
Gumamit ang mananaliksik ng Descriptive- Evaluative- Inferential -Correlational Method. Ang istadistikang ginamit ay Kendall Coefficient of Concordance W, Chi-Square Test at Weighted Mean na may limang iskalang value ng metodong Likert.
Lagom
Ang mga sumusunod ay ang mga nabuong lagom mula sa datos na nakalap:
1. Ang demograpikong profayl ng mga respondente batay sa kasarian ay binubuo ng 166 na mag-aaral mula sa Silangang purok ng Lopez. Ang lalaki ay binubuo ng 83 na respondente samantalang ang babae ay binubuo din ng 83 respondente. Ang pinaka maraming bilang ng respondente ay nasa edad 15 at 16 na siyang inaasahan na edad sa Baitang 10.
2. Ang uri ng panitikan na tinatangkilik ng mga mag-aaral ay Alamat na may 4.26 weighted mean na may interpretasyong Pinakatinatangkilik. At ang huli ay ang Di Masyadong Tinatangkilik na panitikan na Anekdota 2.35. Sa kabuoan, ang uri ng panitikan ay mayroong 3.34 weighted mean na may interpretasyong Tinatangkilik.
3. Ang salik na nakaaapekto sa kawilihan ng mga mag-aaral sa pagbasa ng panitikan na may interpretasyong Mas Nakaaapekto ay Kapaligiran na may 3.55 weighted mean. Sinundan ng Nakaaapekto batay sa estilo ng pagbasa 3.22, Interes 3.13, Uri ng Babasahin 3.11, at Antas ng kakayahan 3.10. Sa kabuoan ang salik na nakakaapekto sa kawilihan ng mag-aaral ay may weighted mean na 3.22 at katumbas na interpretasyong Nakaaapekto.
4. Ang halaga ng pagkakaiba ng ugnayan ng uri at salik ng panitikan na nakaaapekto sa kawilihan ng mga mag-aaral batay sa uri ng pagbasa ay may alternatibong hypothesis na hindi tinatanggap o Rejected, na nagpapahiwatig na ang significant agreement ng uri at salik ng panitikan mula sa limang paaralan sa Silanagan Purok ng Lopez ay nakakaapekto sa kawilihan ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng panitikan.
5. Nakaaapekto ang demograpikong profayl sa kawilihan ng mga mag-aaral batay sa uri ng pagbasa ng panitikan ay may signipikong ugnayan na nakakaapekto sa kawilihan ng mga mambabasa. Makikita sa talahanayan ang Coefficient of Concordance W na 0.12 na may computed X2 value na 8.67 (p>0.025) para sa kasarian; at 0.18 at 9.49 (p>0.025) para sa Edad. Ang parehong tabular X2 value na 5.99 ay nagpapakita sa degree of freedom na 4 ay Hindi tinatanggap o Rejected sa significant agreement na 0.025. Ito ay nagpapakita na may ugnayan ang edad at ang uri ng panitikan na binabasa ng mga mag-aaral.
6. Ang programang maisasagawa upang lalong mapataas ang antas ng kawilihan sa pagbabasa ng panitikan ng mga mag-aaral sa Silangang Purok ng Lopez ay Programang Pangkasipan ng mga Mag-aaral o PPM Program na kung saan ang unang hakbang ay bumuo ng Filipino Club Officers na mangangasiwa ng programa. Kasunod ang BASAPP Tayo Program na maglilinang sa antas ng kawilihan ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng panitikan. Ang pagkakaroon ng PANITIKWIZ BEE na kung saan magkakaroon ng quiz bee tuwing huling biyernes ng buwan tungkol sa mga binasa at pinag-aralang panitikan. Kasunod ay ang Filipino Camp na ang layunin ay magkaroon ng talakayan o pag-aaral tungkol sa iba’t ibang uri ng panitikan matapos ito ay ang Presentasyon ng mga akdang pampanitikan. Makakatulong ito upang mapataas ang antas at kamalayan sa mga panitikang minana sa mga ninuno.
Kongklusyon
Batay sa resulta ng pag-aaral, ang mananaliksik ay nakabuo ng sumusunod na kongklusyon:
1. Ang mga mag-aaral sa Silangang Purok ng Lopez ay may mababang antas ng kawilihan sa pagbabasa ng panitikan.
2. Alamat ang uri ng panitikan na tinatangkilik ng mga mag-aaral kaya nararapat na ito ang gawing lunsarang teksto sa mga pag-aaral ng panitikan. Bigyang pansin din ang anekdota na nakakuha ng mababang iskor mula sa mga respondente. Marapat na pagtuonan ng pansin ang pag-aaral nito.
3. Lumalabas na ang kapaligiran ay ang salik na mas nakaaapekto sa kawilihan ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng panitikan. Mas gusto ng mag-aaral na magbasa sa isang tahimik na lugar na nakakuha ng mataas na iskor mula sa mga respondente.
4. Mahalaga na matukoy ang uri ng panitikan at salik ng panitikan na nakaaapekto sa kawilihan ng pagbabasa ng panitikan ng iba’t ibang pangkat ng mag-aaral upang malaman at maunawaan ang pagpapahalaga at kamalayan ng mga mag-aaral sa akdang pampanitikan.
5. May mahalagang pagkakaiba ang naging sagot at ideya ng mga respondente batay sa kanilang edad at kasarian. Ang demograpikong profayl ng mga respondente ay may malaking epekto sa salik at uri ng panitikan na nakaaapekto sa antas ng kawilihan ng mga mag-aaral.
6. Ang programang makatutulong sa pagpapataas ng antas ng kawilihan ng mga mag-aaral ay dapat gawin upang malinang ang kasanayan ng mga mag-aaral at mapataas ang kamalayan sa mga akdang pampanitikan.
Rekomendasyon
Ang mga sumusunod ay ang nabuong rekomendasyon batay sa nakuhang datos:
1. Dapat dagdagan pa ng mga guro ang epektibong pamamaraan sa panghihikayat sa mga mag-aaral na magbasa at magpahalaga sa mga akdang pampanitikan. Dumalo ang mga guro sa mga pagsasanay upang lalong mapaunlad ang kaalaman sa pagtuturo ng panitikan at magkaroon ng sapat na kagamitang pampagtuturo sa pagtuturo ng panitikan upang mapataas ang interes at upang maging epektibo ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
2. Hikayatin ang mga magulang na gabayan at suportahan ang kanilang mga anak sa pagpapataas ng antas sa pagbabasa at bigyang halaga ang panitikang Pilipino. Gabayan ang mga anak sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagbabasa ng panitikan bagkus ito ay gawing kasangkapan sa pagbabasa at pagpapalaganap ng mga panitikang minana sa ating mga ninuno.
3. Mahalaga ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa mga guro at mag-aaral sa pagkamit ng pangkalahatang layunin. Kinakailangang maglaan ng sapat na pondo ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng kalidad na edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagtugon sa mga pangangailangan ng mga guro at mag-aaral. Suportahan din ang mga proyektong magpapalago at magpapalaganap ng panitikan sa pamayanan.
4. Hikayatin din ang mga “stakeholders’ na tumulong sa pagpapatupad ng programa na makapagpapataas ng antas ng kawilihan sa pagbabasa ng panitikan sa pamamagitan ng pagpapataas ng kamalayan sa mga panitikang lokal na umiiral sa pamayanan. Isalin sa mga susunod na henerasyon ang kayamanang ito ng hindi mawala sa pagdaan ng panahon.
5. Ang mananaliksik ay makatutulong upang mapukaw ang kamalayan na makita ang kahalagahan ng akdang pampanitikan sa pagpapatas ng antas ng pagbabasa nito. Manguna sa paghihikayat, pagpapahalaga, pagsulong, pagpapaunlad, at pagsasagawa ng kaugnay na pananaliksik na may kinalaman sa pagpapataas ng pagbabasa at pagpapahalaga sa panitikang Pilipino.
6. Ang pananaliksik na ito ay magsisilbing pamantayan at gabay sa iba pang mananaliksik na nagnanais na pag-aralan ang ganitong uri ng paksa o katulad na interes.
Rekomendasyon para sa iba pang Mananaliksik
1. Magkaroon ng kaparehong pag-aaral upang matukoy kung naging epektibo ang rekomendasyon na ibinigay ng mga respondente at mananaliksik.
2. Iminumungkahi rin na ang kasalukuyang pag-aaral ay gawin sa ibang paaralan, distrito o rehiyon ng bansa.
3. Mahalagang pag-aralan ang mga estratihiya sa pagpapataas ng antas ng kawilihan ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng panitikan.
4. Magkaroon ng isang pag-aaral para sa pananaw ng pamayanan sa pagpapahalaga sa panitikan at kamalayang kultural ng isang pamayanan.
5. Mahalagang pag-aralan din ang iba pang salik na nakaaapekto sa kawilihan ng mga mag-aaral sa pagbabasa at pag-aaral ng panitikan.
6. Magkaroon din ng pag-aaral tungkol sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan. Linangin ang sariling kakayahan at talento sa pamamagitan ng pagdalo ng worksyap sa epektibong pagtuturo ng panitikan na makatutulong sa pagpapataas ng interes, kawilihan at kamalayan ng mga mag-aaral sa pagbabasa at pagpapahalaga ng panitikan.
Key Words: Antas ng Kawilihan, Pagbasa, Panitikan