Ano nga ba ang saysay ng buhay? Paano nga ba tayo mabubuhay ng may layunin, katagumpayan at kasiyahan? Sapat na nga ba ang mga bagay na mayroon na tayo upang masabing may saysay ang buhay natin. Napakaraming tao ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa din masagot ang napakasimpleng tanong na ito.
Sa mundong ating ginagalawan, marami sa atin ang nagsisikap upang makamit ang layunin sa buhay sapagkat naniniwala silang nakabatay sa tagumpay na natamo ang saysay ng buhay samantala ang iba naman ay patuloy na humihiling, nananalig at nanampalataya. Nais ng karamihan na magtagumpay sa iba’t ibang larangan tulad ng pag-aasawa, propesyon, negosyo kung saan magkakamal ng libo libong salapi at marami pang iba.Kung ating titingnan sa social media may ganap na kaligayan ang mga taong maraming salapi sapagkat araw araw ay naipakikita nila sa ibang tao sa pamamagitan ng mga “post” sa facebook ang magagara at iba ibang kasuotan, mga pagkain na talaga namang masasabi nating pangmayaman at pangsosyal, mga lugar na salapi ang puhunan upang marating, sasakyang tila hindi natatakot na makabundol sapagkat marami namang pangbayad.
Sa kasalukuyan, karamihan ay ang mga pawang nabanggit lamang ang dahilan ng pagsisikap ng ilan sa atin.Marami ang nais makasabay upang hindi masabing nakakaawa habang ang iba naman ay nagpipilit na maging kawangis nila upang masabing nagtagumpay din sa buhay sa kabila ng katotohanang kayhirap ng buhay. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, natitiyak ba nating may saysay na nga ang kanilang buhay? Ang buhay ang pinakaimportanteng ibinigay sa atin ng ating Panginoon Diyos at marapat na ito ay ating pangalagaan. Nararapat na maunawaan ng mga tao na ang saysay ng buhay ay hindi nakabatay lamang sa mga bagay na maaaring ipagmalaki sa ibang tao. Huwag pahirapan ang sarili para lamang tingalain at kilalanin sapagkat ang tunay na saysay ng buhay ay kung paano ka nabubuhay. Batid natin na ang buhay natin ay biyaya ng Panginoon kung kaya nararapat lamang na maging pagpapala tayo sa ating kapwa na alam nating nangangailangan.
Batay sa unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, makikita natin na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:26),ito ay nangangaghulugan lamang na tayo ay nilikhang mabuti. Sa huli, nararapat lamang na ikintal natin sa ating mga puso at isipan na “Nilikha tayo ng ating Maylalang sa paraang naaapektuhan tayo ng mga hangarin at pangangailangan ng ating mga kapuwa tao. Ang pagtulong sa iba ay nakapagpapagalak sa ating sariling puso. Karagdagan pa, tinitiyak sa atin ng Bibliya na kapag nagbibigay tayo sa isa na nangangailangan, itinuturing ito ng Diyos na isang pabor na ipinagkaloob sa kaniya.—Kawikaan 19:17.
Ito ang tunay na kahulugan at saysay ng buhay ng tao. Nawa’y ang bawat isa ay magmuni muni upang masagot ang tanong na “Ano ang Saysay ng aking Buhay?”.