·
Gaya ng isang ibong sarili ay ikinulong
sa hawlang ang sigaw ay para lamang bulong.
Hindi naririnig kahit pa magpumiglas
kaya ang layunin dito ay makatakas.
Tila bangkerong namamangka sa isang ilog
hirap ay ‘di alintana kahit pa ito’y mahulog.
Tunay na nangangarap dito ay makausad
sa taliwas na daloy ng agos na maunlad.
Wari’y halamang nangangarap magpalawak
sa ilalim ng araw dito ay binabalak.
Saklaw ng sariling anino
makikitang nakataas noo.
Parang isang taong nag-aagaw buhay
dala ang tagumpay na kanyang inaalay.
Nagnanais na siya naman ang pakinggan
sa kanyang pakiusap siya ay pagbigyan.
Tulad ng lupang nagkabiyak-biyak
sa sobrang uhaw tila hinampas ng itak.
Naghihintay ng tubig mula sa kaitaasan
kasabay ng sagot sa tanong na kailan.