Return to site

ANG WIKA AY DILA NG KULTURA

ni: JOSEPH E. CEMENA

· Volume V Issue I

Nang unang matutong labi ay bumigkas,

Di ba’t wikang Filipino unang ipinamalas?

At dito’y umusbong ang dunong na matatas,

Na pinayayabong ng mga ninunong nagpamalas.

 

Higit pitong libong pulo iisang lahing pinagmulan,

Iba’t ibang wika ang siyang ating kinagisnan,

Nitong lupang hinirang na ‘di kayang pantayan,

Ng mga ninunong nagpapasimula ng kasaysayan.

 

Sebwano, Kapampangan, Waray, Ilokano,

Pangasinense ng Pangasinan, Hiligaynon at Bikolano,

O saan mang dako ng Katagalugan ika’y magtungo,

Doon ay nagkakakilanlan dahil sa mga wikang ito.

 

Gayundin naman iba pang wikang katutubo,

Diyalektong ginagamit sa bayang Adorno:

Wikang tatak! Pilipinong maka-bansang may puso,

Salamin nitong kultura ang iyong buong pagkatao.

 

Sapagkat ang wika ay dila ng kultura ng mga ninuno,

Nililinang ang mga katagang kanila’y binuo,

Ipinagmamalaking tunay sa mga dayuhang taas noo,

Ang wikang taglay ay tatak ng pagka-Pilipino.

 

Matatanaw ang kariktan saan mang dako ng mundo,

Kaya’t dayuhang nahahalina sila’y pumarito,

Pagpupuri sa ganda at naaakit ng husto;

Sa kinang ng hiyas kagandahang mapagsino.

 

Kaya’t nararapat na ito’y ating ipagmamalaki,

Ang wikang kaloob sa atin ng Diyos na kapuri-puri,

Sa pagbigkas, kabutihan ang siyang mamumutawi,

Dahil ang wika ay dila ng kultura; sa bansa ito’y natatangi.