Return to site

ANG WIKA AY AKO

ni: JOAN S. ALMAGRO

· Volume V Issue I

Wikang Filipino ang aking pangalan,

Sagisag ako ng aking Inang Bayan,

Ako ang yaman na siyang dahilan,

Ng pagkakaisa at ng kasarinlan.

 

Sapagkat ako ang siyang umiilaw,

Sa bansang tahanang iyong tinatanaw,

Katulad ng butihing ina na laging tumatanglaw,

Sa bansang liyag na mayaman sa kultura ang sinasaklaw.

 

Ako ang wika, wikang pambansa,

Na laging ginagamit at sinasalita,

Upang maipahayag ang kagandahan ng kulturang yaman nitong bansa,

Katulad ng kasaysayan na sumasalamin sa ating lahi at diwa.

 

Pagkat ako’y wika, na naging sandata,

Sa panahong tayo ay hindi pa malaya,

Laging minamasdan at ginugunita,

Ang mayamang kultura na halos mawala.

 

Ang wika ay ako, wikang katutubo,

Tatak ng pagkaFilipino,

Panlahat na wika ang siyang sakop ko,

Sa Luzon, Visayas o sa Mindanao man kayo,

Binabagtas ang landas kahit saan magtungo.

 

Ako’y wika, kadakilaan ko’y kahit saan napapadpad,

Katulad ng ating kultura na laging namumukadkad,

Sa Pilipinas man o sa kabilang dako ito’y ililipad,

Ang ating kultura ang lagi ng hangad.

 

Ako ang wikang walang kasingganda,

Simbolo ng Inang Bayan na nakaukit sa puso tuwina,

Lalong lumiliwanag, pintig ay humihinga,

Lalo na’t ang mayamang kultura ang inaalala.

 

Wikang Filipino ang aking pangalan,

Sa bawat salita’y nakatatak ang pag-ibig sa bayan,

Pamanang kulturang pinagyaman at sa atin ay iniwan,

Ng mga katutubo at bayaning nakaukit sa puso nino man.