Return to site

ANG TUNAY NA GINTO

ni: ROMELIA O. NAVIA

Halos tatlong dekada nang minero si Mang Isko sa kanilang lugar sa Itogon, isang munisipalidad sa probinsya ng Benguet. Isang siyang masipag na minero na walang pinapalampas na oras kundi magtrabaho. Ginto ang halaga ng oras kung ituring. Dalawa ang anak ni Mang Isko na pinapaaral niya kaya naman gayun na lamang ang pagsusumikap niyang magtrabaho upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya lalo na ang pag-aaral ng kanyang dalawang lalaki na anak. Minsan ay sumasama ang magkapatid sa trabaho ng kanilang ama, kaya hindi lingid sa kanila ang hirap ng pagmiminero.

Si Paeng ang bunsong anak ni Mang Isko. Nasa huling taon na siya sa Senior High School. Masipag at matalino si Paeng. Marami na siyang koleksiyon ng gintong medalya dahil taon-taon ay may natatanggap na karangalan mula sa kanyang pagsisikap na mag-aral. Si Chikoy naman ang panganay na anak ay nasa kolehiyo na. Taliwas sa kanyang kapatid, si Chikoy ay may katamaran sa pag-aaral, mas ninanais niyang sumama sa kanyang tatay upang magkayod ng lupa sa minahan. Kontento na siya sa pasadong grado kahit mababa.

Sabado ng hapon, abala sa pagkuha ng kanyang mga sinampay ang asawa ni Mang Isko na si Aling Tasing, dahil nagbabadya na naman ang ulan. Halos puti na lahat ang nakikita sa paligid dahil sa pagbaba ng ulap. Ganito nga ang nakasanayan ng mga tao sa lugar na ito dahil halos tuwing hapon ay umuulan na siyang dahilan ng pagkaantala ng gawain sa minahan.

Di nagtagal ay dumating na si Mang Isko. Nadatnan niya ang asawa at si Paeng sa sala.

“Magandang hapon po itay” bati ni Paeng at akmang aabutin ang kamay ng tatay upang magmano.

Tumango lamang si Mang Isko sa anak nang abutin ang kamay upang magmano pagkatapos ay may inaabot na isang plastik kay Paeng.

“Oh pasalubong ko anak” tugon nito

“Ano po ito itay?” tanong naman ni Paeng

“Nilagang kamote” sagot nito habang nakangiti sa anak.

Nakikinig naman si Aling Tasing sa usapan ng mag-ama habang nagtutupi ng mga damit na kanina lang kinuha sa sampayan.

“Sakto yan sa pinakuluan ko kanina na kapeng barako” tuwang-tuwang sabi niya

“Halina kayo sa kusina at magmeryenda muna tayo” dugtong nito habang pinangunahan ang pagtungo sa kusina.

Habang nagmemeryenda ay sinamantala ni Mang Isko na tanungin ang kanyang anak tungkol sa kanyang pag-aaral.

“Kumusta naman ang pag-aaral mo anak?” tanong ni Mang Isko sa anak

“Ayos lng po itay, kaso isang buwan na lang po ga graduate na po ako at sigurado may babayaran po kami sa paaralan” mahabang tugon nito sa ama at bakas ang pag-aalala sa mukha nito tungkol sa nakaambang gastusin nila

“Huwag kang mag-alala anak pinaghandaan na namin yan ng nanay mo, sabihin mo lang sa kanya” masayang sagot ni Mang Isko sa anak.

“Maraming salamat po sa inyong pagsisikap ni nanay, itay” taos pusong pasasalamat nito sa mga magulang

Tumango si Mang Isko sa anak, ramdam niya na ipinagmamalaki siya ng kanyang anak bilang magulang niya.

Kalaunan ay nagpaalam si Paeng na papasok muna ng kuwarto kaya naiwan ang mag-asawa sa kusina.

Pagkabukas ni Paeng sa pinto ng kuarto ay biglang nagulantang ang kanyang kuya Chikoy na nasa loob na pala ng kuarto at nasa akmang may isiniksik ito sa ilalim ng kanyang unan nang bigla itong nagulat dahil sa pagbukas ng pinto.

“O kuya nariyan ka na pala” saad ni Paeng na nakangiti sa kanyang kuya.

“Oo, kadarating ko lang” sagot nito na mukhang nagugulumihanan.

“Eh ano yang tinago mo kuya?” walang pasubaling tanong nito sa kanyang kuya.

Napaupo sa gilid ng kama si Chikoy habang nakatitig ito sa kanyang kapatid na wari mo’y binabasa ng kanyang mga mata ang isipan ng kanyang kapatid kung mapagkakatiwalaan ba niya na sabihan ng sekreto.

Ngunit dahil batid niyang wala talagang sekreto na hindi nabubunyag, malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan bago siya nagsalita.

“Ang totoo Paeng, sahod ko ito sa minahan na balak kong ibigay sa iyo ang kalahati para sa graduation mo” pagbubunyag nito sa kanyang sekreto sa kapatid.

Kimunot ang noo ni Paeng dahil di siya makapaniwala na may sahod ang kanyang kuya gayong pareho lamang silang nag-aaral pa.

“Hindi ako nag-enrol ng isang semestre, nabalitaan ko kasi na nangangailangan ng trabahador ang maliit na korporasyon ng minahan sa kabilang bundok kaya namasukan muna ako upang makatulong kay tatay” saad pa nito.

Bahagyang napanganga si Paeng dahil gustuhin man niyang magsalita ngunit walang lumabas sa kanyang bibig nang marinig niya ang pagsisiwalat ng kanyang kapatid at hiniling ng kanyang kuya na panatilihin munang lihim ito.

Dalawang Linggo na ang nakalipas ngunit hindi pa rin mahintay ni Paeng na magsabi ang kanyang kuya sa mga totoong nangyayari. Patuloy na umaalis ang kanyang kuya na parang pumapasok din sa eskwela ngunit alam niyang sa trabaho ito nagtutungo. Napagpasyahan niya na sabihin na ang totoo sa kanyang tatay at patuloy itong naghahanap ng tamang oras upang isiwalat ito sa kanyang mga magulang.

Linggo ng umaga, walang mga pasok ang bawat isa. Katatapos magmeryenda ng biko na niluto ni nanay Tasing si Mang Isko na ngayon ay nanonood ng telebisyon habang nakataas ang paa sa gilid ng isang bangko at si Aling Tasing naman ay nasa kaliwang bahagi ng sopa. Napansin ni Mang Isko si Paeng na kanina pa paroo’t parito ang lakad.

“Paeng may problema ka ba? Bakit dika pa nagsasabi sa nanay mo kung magkano ang babayaran mo? Kelan ba ang graduation mo?” bahagyang malakas ang boses at sunod sunod na tanong ni Mang Isko sa anak.

“eh itay, nabayaran ko na po, hmm kasi po si kuya” pahinto hintong sagot ni Paeng.

“Ha! nabayaran mo na? kasi si kuya? Halika nga dito at umupo ka sa tabi ko” sabay kampay sa kamay na pagyaya niyang umupo sa tabi niya ang anak.

“Linawin mo nga kung ano ang sinasabi mo anak” dugtong pa nito

“Itay may ipagtatapat po ako sa inyo ni Inay” sambit nito habang nakayuko ang ulo.

“Si kuya po kasi hindi po siya nag-enrol ngayong semestre at namasukan po siya sa kabilang minahan” pagsisiwalat ni Paeng sa kanyang mga magulang.

Nagulantang ang mag-asawa sa kanilang narinig.

“Ha! Ano? Bakit?” pasigaw na mga tanong ni Mang Isko ngunit di mawari kung para kanino ang mga tanong na ito.

Saktong pagdating ni Chikoy galing sa gusaling sambahan, na natigilan habang hawak pa ang saradora ng pinto. Malinaw sa kanyang pandinig ang mga sigaw na tanong ng kanyang tatay. Napansin agad ni Aling Tasing ang paparating na anak kaya agad na lumapit ito sa kanyang asawa.

“Mahal alam kong hindi maganda ang ginawa ng ating anak ngunit sana maging mahinahon ka, hayaan mo munang magpaliwanag si Chikoy” pabulong na paalala ni Aling Tasing sa kanyang asawa

Dahan-dahang pumasok si Chikoy at nagmano sa kanyang mga magulang habang si Paeng ay hindi makatingin ng tuwid sa kanyang kuya, kaya nakayuko lamang ito at tahimik.

“Saan ka galing?” bungad na tanong ni Mang Isko kay Chikoy

Hindi pa man nakakasagot ang anak ay nagsalita muli ito.

“Buong akala namin ng iyong ina na nag-aaral ka, pawang kasinungalingan pala ang ipinapakita mo sa amin” saad nito habang kita ang paggalaw at paninigas ng kanyang mga panga bunga ng pagpipigil sa galit.

Batid nga ni Chikoy na natuklasan na ng kanyang mga magulang ang kanyang lihim at handa siyang magpaliwanag kung bakit niya ito nagawa.

“Patawad po inay, itay! Pero nagawa ko lang naman yon dahil.” sagot nito ngunit hindi pa man natatapos ay muling nagsalita ang kanyang ama

“Paralisado ba ang tingin mo sa akin, na hindi ko kayang ibigay ang kailangan ninyo anak? Isa ba akong iresponsableng tatay para sa iyo? O mas gusto mo ba ang ginto na nakukuha sa minahan kaysa mag-aral? Nangingilid ang mga luha ni Mang Isko habang nagsasalita

“Ang gusto ko lang naman ay mapag-aral ko kayo ng maayos bago ako manghina dulot ng katandaan ngunit bakit sinasayang mo ang panahon at nagawa mong huminto sa pag-aaral! Tandaan mo na ang kayamanang ginto ay maaaring mawala ngunit ang pinag-aralang taglay ay magsisilbing gabay habang ika’y buhay ” saad nito habang pinupunas ang kanina pa’y nangingilid na mga luha.

Hindi na nga maitago ni Mang Isko ang kanyang pananangis kaya nakaramdam si Chikoy ng labis na pagsisisi sa kanyang nagawang maling hakbang. Lumapit si Chikoy sa kanyang ama at yumakap ito sa kanya.

“Patawad itay, nais ko lang sanang tulungan ka sa paghahanap buhay upang mas may sapat tayong gastusin ngunit pangako ko po sa iyo itay, tatapusin ko po ang aking pag-aaral” tugon nito habang humihikbing nakayakap sa kanyang ama.

Lumapit naman si Paeng upang yakapin ang kanyang ina na kanina pa’y mugto na ang mga mata dahil sa paghikbi.

Makalipas ang ilang taon ay nakatapos nga si Chikoy sa kanyang pag-aaral bilang isang Inhenyero. Bagamat sa minahan pa rin ang kanyang trabaho ngunit masasabing nasa maayos na siyang ranko. Isa sya sa mga boss sa isang malaki at legal na minahan. Samantala, mas pinili ni Mang Isko kasama ng kanyang asawa na manatili sa kanilang bahay upang magtanim ng mga gulay mula nang mapasara ang maliit na minahan na kanyang pinapasukan. Si Paeng naman ay nagkaroon ng trabaho sa ibang bansa ngunit hindi nakalimot na laging bisitahin ang kanyang mga magulang at kapatid sa Itogon.