Return to site

ANG TATAY NI JASMINE 

MYLENE O. RICO

· Volume IV Issue I

Sa isang malayong lugar, may isang dalagita na punong-puno ng pangarap sa buhay. Siya ay si Jasmine. Ang pamilya niya ang kaniyang lakas sa buhay. Subalit ang kanilang pamilya ay nakaratay sa banig ng kahirapan.

Sa kabila ng kahirapan sa buhay, hindi nagpatinag ang batang si Jasmine na makapag-aral nang maayos. Nagpatuloy siya sa kanyang pag-aaral. Baon niya lagi ang mga pangaral ng kaniyang mga magulang lalo ng kaniyang tatay na hindi hadlang ang kahirapan sa pag-aaral.

Habang nag-aaral sa umaga, namamasukan naman sa gabi si Jasmine bilang wig maker. Hindi niya alintana ang pagod. Patang-pata man ang kaniyang katawan lagi pero hinding-hindi niya pinapabayaan ang kaniyang pag-aaral. Ang mahalaga sa kanya ay hindi niya mabigo ang kanyang tatay na makatanggap siya ng karangalan sa pagtatapos ng pasukan at matupad niya ang kaniyang pangarap sa buhay.

“Jasmine, sa ginagawa mo magkaroon ka kaya ng karangalan sa pagtatapos ng taong panuruan na ‘to?”, tanong ng kanyang tatay.

“Magsusumikap po ako, Tatay. Gusto ko po na sabitan niyo ako ng medalya sa pagtatapos ng pasukang ito,” paglalahad ng dalagita sa kanyang ama.

Ang pagal na katawan ni Jasmine ay lagi niyang ipinapamahinga sa duyan sa ilalim ng punong mangga sa kanilang bakuran habang pinagmamasdan ang mga batang naglalaro ng sungka, piko at patintero. Samantalang ang mga kabinataan at kadalagahan naman ay nagkakantahan at naggigitara. Ang kaniyang mga kapitbahay naman ay masayang nagtutulungan sa mga gawain sa paligid at masayang nagbabatian. Nakakagaan sa kaniyang pakiramdam ang ganoong mga tagpo na naririnig niya ang malulutong nilang tawanan. Na sa kabila ng kahirapan ay nandoon ang pagiging masayahin.

Isang araw, habang paparating sa kanilang bahay, nagulat si Jasmine sa mga taong natanaw niya sa kanilang bahay. Dali-dali siyang naglakad para marating ang kanilang bahay. Kinabahan siya sa namalas niyang tagpo sa kanilang bahay. Kaya halos di na sumayad sa lupa ang kanyang mga paa sa paglalakad.

Habang papalapit siya sa kanilang bahay, may narinig siyang umiiyak. “Mukhang boses ni Nanay ang umiiyak. Bakit kaya? Ano kaya ang nangyari sa amin?,” naibulong niya sa kaniyang sarili. Lalo siyang kumaripas ng takbo papasok sa kanilang bakuran.

Tahimik ang mga tao pagkakita sa pagdating ni Jasmine. Isa-isa niya silang tiningnan na nag-aantay ng magbabalita sa kaniya kung bakit maraming tao sa kanila at umiiyak ang kaniyang ina. Ngunit ni isa sa mga taong nandoon ang nagsalita. Kaya dumako na siya sa kinaroroonan ng nanay niya na umiiyak.

“Nanay, bakit po kayo umiiyak? Ano po ang nangyari? Si Tatay po, nasaan?” sunod-sunod na tanong ni Jasmine sa kanyang ina.

Biglang niyakap si Jasmine ng kaniyang ina at humagulgol ng pag-iyak. “Wala na ang Tatay mo. Iniwan niya na tayo,” sambit ng kaniyang ina.

Humagulgol ng pag-iyak si Jasmine. Halos mawalan siya ng malay-tao sa kakaiyak. Kaya siya ay pinagtulungang paypayan ng mga taong nandoon sa kanila.

Marami ang nakiramay sa pamilya ni Jasmine sa pagkawala ng kanilang padre de pamilya. Hindi sila pinabayaan ng mga tao sa kanilang lugar sa oras ng kanilang pagdadalamhati. Tulong-tulong ang mga tao na maihatid nila sa huling hantungan ang kanilang tatay.

Ang kaniyang pamilya ay lalo pang naging magkakabigkis. Sa pangunguna ng kanilang ina, lalo pa nilang pinaganda ang kanilang pagsasamahan.

Kahit naging napalaking dagok sa buhay ni Jasmine ang pagkawala ng kaniyang Tatay, hindi siya nawalan ng pag-asa sa buhay. Lagi niyang inaalala ang itinuran sa kaniya ng kaniyang ama kung magkaroon pa daw ba siya ng karangalan sa pagtatapos ng pasukan sa kabila ng pagiging wig maker niya sa gabi. Kaya lalo siyang nagsumikap sa kaniyang pag-aaral.

Isang araw, nakatanggap ng mensahe si Jasmine sa kaniyang gurong-tagapayo na pumunta siya sa paaralan sampu ng kaniyang nanay. Kabado siya sa naging liham ng kaniyang guro. Halos hindi siya nakatulog sa kakaisip ng mensahe ng kaniyang guro.

Kinaumagahan, maagang gumayak ang mag-ina papunta sa paaralan upang makausap ang kaniyang guro.

Nang makausap na nila Jasmine ang kaniyang gurong-tagapayo, laking pagkagulat niya ng marinig sa kaniya na siya ay nagkamit ng mataas na karangalan. Binati at kinamayan sila ng kaniyang guro sa nakamit na karangalan. Walang mapagsidlan ang kaniyang kaligayahan sa narinig na balita. Buong galang siyang nagpasalamat sa kaniyang guro.

Kaya sa talumpati ni Jasmine sa araw ng kaniyang pagtatapos, taas-noo niyang sinabi na, “Para sa’yo Tatay ang karangalang nakamit ko. Hindi po kita binigo sa pangarap mo sakin. Malamang kung nandito po kayo, ikaw ang makikipag-unahan kay Nanay na magsabit ng medalya sa akin. Maraming-maraming Salamat, Tatay, sa pagiging mabuting ama mo sa amin. Ikaw po ang aking idolo. Sa iyo po ako natuto na lumaban sa hamon ng buhay. Ikaw po ang nagturo sa akin na maging matatag gaano man kahirap ang pinagdadaanan natin. Tama nga po talaga kayo na hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng pangarap. Tatay, magiging guro po ako.”

Mangiyak-ngiyak ang pamilya ni Jasmine habang nakikinig sa kanyang talumpati. Buong pagmamahal siyang niyakap ng kaniyang ina pagkababa niya sa entablado.