Masaya at makulay… ganyan ilarawan ni Maria ang kanyang kinalakihang bayan, ang bayan ng Maligaya. Siya’y mula sa isang pamilyang buong-puso ang pagtangkilik sa mga tradisyon at kultura ng Pilipinas. Sa tuwing sasapit ang Pista ng San Juan, sila’y palaging nakikilahok sa mga selebrasyon kaya’t mulat siya sa kagandahan at kasagaanaang taglay ng kaniyang minamahal na bayan. Masasayang kantahan, sayawan, at paligsahan ang bumubuo sa diwa ng kapistahan.
Minsan ay napuno ng pagtataka ang isipan ni Maria nang ang mga tao sa paligid niya ay puro abala. Dahil dito, nagpasya siyang magtanong sa kaniyang pamilya. Doon ay nalaman niya na ipagdiriwang na pala ang natatangi at pinakahihintay na selebrasyon sa kanilang bayan, ang “Pintakasi.” Ito ay isang makasaysayang pagdiriwang na naglalayong ipagpatuloy ang mga tradisyon at kultura ng mga Pilipino.
Malugod niyang pinaghandaan ang okasyon na ito, pinag-aralan ang mga sayaw at kanta na iaalay ng kanyang mga kababayan, at tumulong at nakiisa sa paghahanda ng mga kakanin. Sa mismong araw ng Pintakasi, kagalakan at kasiyahan ang pumuno sa kanilang bayan. Magmula sa pagtitipon ng mga tao mula sa iba't ibang barangay ng kanilang bayan upang ipakita ang kahusayan sa pag-awit, sayaw, at mga laro hanggang sa pasiklaban ng kani-kanilang galing sa paglikha ng mga tradisyonal na kasuotan at kagamitan ay hindi pinalampas ni Maria. Siya’y nakibahagi sa mga sayaw at kantahan, binigay ang puso't kaluluwa sa bawat kilos at tinig. Sa gitna ng mga ritmo at tibok ng musika, ramdam niya ang pagkakaisa ng lahat at ang kahalagahan ng pagmamahal sa sariling kultura.
“Kay gandang pagmasdan ng kanilang mga ngiti…” iyon ang nasa isip ni Maria habang nakatingin sa mga matatandang nasa paligid na lingid sa kanyang kaalaman ay natutuwa sa kanyang pagsisikap na makiisa sa selebrasyon. Bago matapos ang pagdiriwang, doon ay nagulat si Maria. Hindi niya inaasahan ang pagpapahayag ng mga ito ng kanilang pasasalamat at paghanga sa pagpapakita niya ng pagmamahal sa kultura ng Pilipinas. Ipinahayag nila na sa kabila ng modernisasyon, kanilang nakita kay Maria ang isang kanais-nais na kaugalian na mahalaga pa rin ang pagpapanatili at pagpapayabong sa mga tradisyon at kultura na nagbigay-buhay sa bawat Pilipino.
Sa paglalakad pabalik ng kanilang bahay matapos ang Pintakasi, naramdaman ni Maria ang kagalakan na umusbong sa kaniyang puso. Hindi na lamang siya isang indibidwal na ang tanging alam ay bumili ng makukulay na polseras tuwing pistahan, isa na siya sa mga taong nakakakita ng tunay na kahalagan ng mga ganitong selebrasyon. Hindi lamang siya naroon sa selebrasyon bilang tagapagtaguyod ng mga tradisyon at kultura ng Pilipinas, kundi naroon siya bilang isang alagad ng pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling bayan.
Simula noon, patuloy na naglingkod si Maria sa kanyang komunidad. Tinulungan niya ang mga kabataan na maunawaan ang kahalagahan ng kanilang kultura at mahalin ang sariling bayan. Naglunsad siya ng mga programa at aktibidad upang ipaalam sa mga tao ang kahalagahan ng mga tradisyon ng Pilipinas at ang kanilang kaugnayan sa kasalukuyan.
Sa pamamagitan ng kanyang dedikasyon at tunay na pagmamahal sa kaniyang kultura, naging mulat ang mga tao sa halaga ng kanilang mga tradisyon. Ang mga kuwento ng mga ninuno, mga sayaw, musika, at mga tradisyunal na kagamitan ay patuloy na namamayani sa mga puso at isipan ng mga Pilipino.
Si Maria, isang simpleng dalaga, ay nagsilbing inspirasyon sa mga sumunod na henerasyon. Ang kaniyang pangalan ay naging makahulugan. Si Maria, siya ang nagpapaalala sa kanila na ang pagmamahal sa sariling kultura ay hindi dapat malimutan. Sa bawat pagkilos, salita, at gawa, binubuhay niya ang diwa ng kahalagahan ng mga tradisyon ng Pilipinas.
Dekada man ang lumipas, ang kanyang ginintuang kontribusyon sa pagpapalaganap at pagpapanatili ng kultura ng Pilipinas ay mananatiling makinang sa isipan ng bawat mamamayan. Gaya ng kung paano ilarawan ni Maria ang bayan ng Maligaya, patuloy na magliliwanag, mabibigyang-kislap, at mabibigyang-buhay ang mga bayan na may mga mamamayang alam ang kahalagahan ng kultura at tradisyon, dumaan man ang maraming henerasyon.