Dekomposisyon
Ang istoryang ito na may isang yugto at binubuo ng limang tagpo ay tatalakay sa kung paanong ang mga pangunahing tauhan – sina Edmond at Mang Dante ay haharap sa mga pagsubok sa buhay dala ng tunggaliang tao laban sa kaniyang sarili; tao laban sa kalikasan; at tao laban sa lipunan (kahirapan). Sa pamamagitan ng mabibisang plot devices gaya ng flashbacking at foreshadowing naaayon sa non- linear structure ay palilitawin at ilalahad ang gamit ng mga simbolismong parola (pangarap), hangin (pagsubok) at gasera (pag-asa). Mababakas din sa akdang ito ang paggamit ng soliloquy o ang pagsasalita nang mag-isa ng mga tauhan (monologo) at paggamit ng stream of consciousness.
Mga Tauhan:
Edmond, tatlumpu’t isang taong gulang, mapagmahal na anak, lumaki sa kahirapan
Mang Dante, animnapu’t anim na taong gulang, byudo, mapagsikhay na ama
Panahon:
Sa isang Art Exhibition, buwan ng Hunyo, makulimlim na umaga
Tagpo I
(Pagsilip sa Hinaharap – Foreshadowing o Flashforward)
(Sa pagbubukas ng tabing, makikita ang isang lugar na kakikitaan ng maraming nakahanay na pintang larawan sa paligid. Nagaganap rito ang isang Art Exhibit. Ang paligid ay tahimik, ang tanging maririnig lamang ay ang mahinang tunog ng aircon na siyang nagdadagdag ng lamig sa atmospera at hanging hatid ng makulimlim na araw na iyon ng Hunyo. Sa sandaling iyon, ang tanging makikita lamang na gumagalaw ay ang dalawang pigura na kaunahang dumating sa lugar na iyon. Sila ang mag-amang sina Mang Dante at Edmond.
Si Edmond ay mayroong matangkad at katamtamang pangangatawan. Siya ay naka-suot ng pormal na kasuotan na kadalasang sinusuot sa mga kaganapang tulad niyon. Sa kaniyang katabi ay kaniyang ama na nakaupo sa isang silyang de-gulong. Si Mang Dante ay nakasuot rin ng pormal na kasuotan. Kitang kita sa kalagayan at mga kulubot sa kaniyang mukha ang kaniyang katandaan subalit bakas sa kaniya ang kaginhawaan at maaliwalas na hitsura. Mababakas kay Edmond ang pagmamahal sa kaniyang ama sa bawat haplos niya sa balikat nito habang pinagmamasdan nila ang isang larawan.
Sa dinami-dami ng mga pintang larawan na nasa galeryang iyon, tila nananatiling sa isang larawan lamang nakatuon ang atensyon nilang dalawa. Sa larawang iyon, detalyadong makikita ang bahay na may iisang silid. Sa perspektibo at mabisang paggamit ng mga elemento ng sining ng pintang larawan na iyon ay kita ang bahaging bubong na may mga nakapatong na gulong at ilang kahoy at ang kaluwangan ng iisang silid na iyon. Ito ay bahay na ang tulugan, kainan, lutuan at aralan ay iisa lamang. Ito ay gawa sa pinagtagpi-tagping yerong kinakalawang na, plywood na maaaring niresiklo lamang at iilang sasa o pawid. Ang tahanang ito ay walang maituturing na sahig. Kita sa larawan na putik putik at madumi ang tinatapakan ng mga taong nakatira rito. Sa lupa na siyang nagsisilbing lapag ay makikita ang mga bao ng niyog at latang maaaring ginagamit na pansahod sa tumutulong bubong. Sa gawing kaliwa ay mayroong papag. Hindi ito maliit ngunit hindi rin ito kalakihan. Sa papag na iyon matatagpuan ang kaldero at tila tinakpang ulam katabi ang isang lata ng sardinas na hindi pa nabubuksan. Ang mga libro at mga materyales sa pagpipinta ay makikita sa isang bahagi ng papag. Ang nakatuping banig, kasama ang nakasalansang unan at kumot ay nasa ulunan ng papag na iyon. Sa gilid, sa gawing itaas ng papag, matatagpuan ang unipormeng nakasabit lamang sa isang manipis na tansi sapagkat maaaring walang ibang mapaglalagyan nito. Sa kabilang bahagi matatagpuan ang maliit at lumang aparador na mayroong nakapatong na de-bateryang radyo sa pasamano nito. Sa tabi ng radyong iyon ay ang nag-iisang naka-kwadrong larawan ng isang babae. Kung pagmamasdan ang kabuuan, sa gawing kanan ay ang bintana kung saan tanaw ang kinaroroonan ng tila nagmamalaki at matayog na parola – ang makasaysayang Cape Santiago. Sa gawing kaliwa naman ay ang bintana kung saan nakadetalye at makikita ang tila nagliliparang sanga ng puno at dahon na maaaring dala ng malakas na ihip ng hanging ipinahihiwatig sa larawang iyon. May nag-iisang bangko na makikita sa silid na iyon, malapit sa kanang bintana. Sa dulo ng bangkong iyon makikita ang isang gaserang may ningas. Sa gitna ng magulo at masikip na paligid, naroon ang anino ng dalawang taong magkatabing nakaupo sa kabilang dulo ng bangko.
Bakas sa mukha ng mag- ama na nakaupo sa nasabing bangko ang magkaibang emosyon batay sa pagkakalahad at pahid ng acrylic sa canvas na iyon. Ang ama na may yayat na pangangatawan at kung tatayahin ay nasa 41 anyos ay may mga ugatang kamay at bahagyang nakakunot ang noo. Ang mukha naman ng batang nasa 16 na taong gulang ay nagpapamalas ng pag- asa at positibong awra. Sila ay nakadamit pambahay kung mamasdan ang sining na iyon.
Kitang kita sa pintang larawan na iyon na hindi lamang mahirap ang buhay ng mga taong naninirahan roon. Kundi, balot ito ng sobrang karalitaan.)
see PDF attachment for more information