Maagang nagising si Nikka. Excited siyang bumangon at nagligpit ng kanyang higaan. Ngayon kasi ang araw ng kanilang pagtatapos sa elementarya. Masayang – masaya siya dahil sa kabila ng pandemyang dulot ng Covid 19 sa buong mundo, napagtagumpayan pa rin niyang makapagtapos sa pag-aaral.
“Oh, Nikka. Halika ka na at nang makapag agahan na tayo,” tawag sa kanya ng kanyang Nanay Marta.
“Opo, Nanay. Lalabas na po ako,” sagot ni Nikka.
“Sa wakas anak, magtatapos ka na rin sa elementarya. Nagbunga din ng maganda ang ipinakita mong pagsusumikap sa pag-aaral sa kabila ng sitwasyon natin ngayong may pandemya,” sabi ni Mang Nato.
“Oo nga po itay,” sagot ni Nikka.
Naalala niyang muli kung paano sila nagsumikap na buong pamilya para makapag-aral. Dahil walang face to face o pasok sa paaralan ang mga batang mag-aaral, pinag-ipunan talaga ng pamilya ni Nikka na makabili sila ng celpon na gagamitin nito sa online class. Tatlo silang magkakapatid na nag-aaral kaya hiraman sila sa paggamit ng celpon. Nasa unang baitang ang bunso niyang kapatid at nasa ika-apat na baitang naman ang sumunod sa kanya. Dahil siya ang nasa pinakamataas na grado, nagpaubaya ang dalawa niyang mga kapatid.
“Sige na Ate, ikaw na ang gumamit ng celpon,” sabi ng mga ito kapag marami silang kailangang i-search sa google o mga takdang – aralin na kailangang ipasa sa guro online. Naiintindihan ng mga magkakapatid ang kanilang sitwasyon na hindi kaya ng kanilang mga magulang na bumili ng tig-isang celpon o gadget para sa kanila. Sapat lamang sa kanilang pang-araw-araw na gastusin ang kita nina Mang Nato at Aling Marta sa pagtitinda sa palengke. Matumal din ang benta nila dahil sa pandemya. Gayunpaman, hindi nagpabaya ang kanilang mga magulang na suportahan sila sa kanilang pag-aaral.
Regular na pumupunta sa eskuwelahan si Aling Marta para kunin at ipasa ang kanilang mga learning modules. Pupunta muna siya sa eskuwelahan bago pumunta sa palengke.
Pagdating sa gabi, tatanungin sila kung natapos na nila ang mga takdang – aralin na ibinigay ng kanilang mga guro.
“Mga anak, paghusayan ninyong tapusin ang inyong mga modules. Makinig din kayo sa mga guro niyo sa inyong online class,” ang laging paalala ni Mang Nato sa kanila.
“Opo, Tatay,” sagot naman ng magkakapatid.
“Anak, Nikka. Ikaw na sana ang sumubaybay sa mga nakababata mong mga kapatid sa kanilang mga gawain sa modules kapag wala kami,” sabi naman ni Aling Marta.
Opo Nanay,” sagot naman ni Nikka.
Nagpatuloy ang magkakapatid sa kanilang pagsusumikap sa pag-aaral. Hindi sila gumaya sa mga ibang bata sa kanilang lugar na inuuna pa ang paglalaro online kesa sa kanilang mga gawain sa modules. Hindi rin sila lumiliban sa kanilang online class. Wala silang internet connection kaya tinitipid nila ang lingguhang pagpapa-load ng kanilang nanay. Hindi nila inaaksaya sa online game ang load ng kanilang celpon. Nakikita kasi nila ang hirap ng kanilang mga magulang sa paghahanap buhay.
“Tiis – tiis lang mga anak. Makakaraos din tayo. May awa ang Diyos” ang laging sinasabi ni Aling Marta.
Nagpatuloy sa kasipagan ang magkakapatid lalo na si Nikka. Gusto niyang bigyan ng medalya ang kanyang mga magulang bilang ganti sa kanilang pagsasakripisyo.
“Nanay, tapos na po kami sa pagsagot sa aming mga modules. Pwede na po namin itong ipasa,”sabi niya kay Aling Marta pagdating nila sa pagtitinda sa palengke.
“Mabuti naman kung ganon anak. Bukas ang schedule ninyo sa pagsasauli ng natapos na modules. Ihahatid ko bukas sa guro mo,” sagot naman ni Aling Marta.
“Salamat po Nanay,” sabi ni Nikka.
“Walang anuman anak. Basta pagbutihin lang ninyo ang inyong pag-aaral. Lahat kakayanin naming ng inyong tatay makapagtapos lang kayo ng pag-aaral dahil ito lang ang yaman na pwede naming ibigay sa inyo,’ sabi naman ni Aling Marta.
Dumaan ang mga buwan. Dumating ang araw ng pagpapakita ng mga grado sa unang markahan. Excited sina Nikka na makita ang kanilang report card.
“Nanay, ngayon po ipapakita ng aming guro ang aming report card. Ipapasa daw po niya ito sa amin sa messenger,’ masayang sabi ni Nikka.
“Sige anak, antayin natin ang ipapasa ng guro mo,” sagot naman ni Aling Marta.
Matiyaga ngang nag-antay sina Nikka. Hanggang sa matanggap nila ang mensaheng pinadala ng kanyang guro.
“Matataas ang mga grado mo anak. Natutuwa ako at talagang hindi ka nagpabaya sa pag-aaral,” masayang sabi ni Mang Nato sa anak.
“Opo, Tatay. Ginalingan ko po talaga at gagalingan ko pa lalo para sa inyo ni Nanay,” sagot ni Nikka sabay yakap sa ama at ina.
Nagpatuloy nga sina Nikka sa pag-aaral nang mabuti. Hindi sila nagpapabaya sa mga gawaing dapat nilang gawin at ipasa sa mga guro. Maayos din nilang sinasagutan ang kanilang mga modules. Nagtatanong siya sa kanyang mga guro kung mayroon siyang hindi naiintindihan sa kanilang mga aralin. Hindi sila pinapayagan ng kanyang mga magulang na magpagawa o magpasagot sa iba ng kanilang mga modules.
“Kayo ang dapat sumagot sa inyong mga modules mga anak dahil hindi kayo matututo kung kami ng nanay ninyo ang sasagot diyan,” ang laging sinasabi ni Mang Nato sa kanila. “Pwede naming kayong turuan ng inyong nanay kung ano ang gagawin pero hindi kami dapat ang sumagot diyan,” dugtong pa nito.
Naintindihan nilang magkakapatid ang nais ipaunawa ng kanilang ama kaya naman sariling sikap sila sa paggawa at pagsagot sa kanilang mga modules. Ginagamit din nila ang kanilang celpon kapag mayroon silang kailangang hanapin sa google.
Dumaan ang mga buwan. Enero. Pebrero. Marso. Abril. Mayo. Hunyo……..sa wakas dumating na ang buwan ng Hulyo. Ito ang buwan ng huling pasok sa klase. Ito rin ang buwan ng pagtatapos ng mga nasa ika-anim na grado sa elementarya.
“Nanay, mayroon po kayong zoom meeting sa araw ng Miyerkules sabi ng aming guro kanina,” ang masayang sabi ni Nikka sa kanyang nanay pagdating nila mula sa palengke.
“Ganoon ba anak? Sige, dadalo ako sa pulong,” sabi naman ni Aling Marta.
Dumating ang araw ng Miyerkules. Masayang naghintay si Nikka na matapos ang zoom meeting ng mga magulang nila kasama ang kanilang mga guro. At nang matapos ang pulong…
“Binabati kita anak,” sabi ni Aling Marta sabay yakap kay Nikka.
“Bakit po Nanay,” naguguluhang tanong nito.
“Sinabi ng guro mo kanina na ikaw daw ang nanguna sa klase nyo anak,” masayang sabi nito sa kanya.
“Talaga po?”, di makapaniwalang tanong ni Nikka.
“Oo anak. Nagbunga ang pagsisikap mo sa pag-aaral. Ikaw ang nagkamit ng pinakamataas na karangalan sa inyong klase,” sabi pa nito.
Hindi makapaniwala si Nikka. Hindi niya akalaing siya ang mangunguna sa kanilang klase. Kung titignan kasi hindi siya katulad ng kanyang ibang kaklase na may sariling laptop o tablet na gamit sa online class. Wala din siyang tutor na nagtuturo sa kanya kundi ang nanay at tatay lang nila. Gayunpaman, hindi siya nagpabaya sa pag-aaral. Mahalagang makatapos siya. Iyon lagi ang nasa isipan niya. Magtatapos siya sa pag-aaral ng may karangalan. At hindi nga siya nabigo.
Masayang ibinalita din ni Aling Marta kay Mang Nato ang karangalang makukuha ni Nikka. Tuwang-tuwa din ito para sa anak.
“Hala, sige na anak. Maligo at magbihis ka na. Alas – onse ng umaga ang programa ng inyong pagtatapos. Mapapanood daw ito sa FB page ng inyong paaralan. Maghanda ka na para mapanood natin,” sabi ni Aling Marta na nagpanumbalik sa kamalayan ni Nikka.
“Sige po, Nanay. Maliligo at magbibihis na po ako,” sabi ni Nikka at tumungo na ito sa banyo.
Maya-maya pa, nasa sala na silang mag-anak at masayang nag-aantay sa pagsisimula ng programa ng kanilang pagtatapos. Mabuti na lamang at ipinahiram ng kanilang kapitbahay ang laptop nito kay Nikka kaya mapapanood nila sa mas malaking screen ang programa.
“Ang galing-galing mo naman Nikka. Nakaka-proud ka,” sabi ni Leni na kapitbahay nila. “Akalain mo iyon, napagtagumpayan mong makatapos kahit may pandemya. Kahit na celpon lang ang gamit mo sa online class at hiraman pa kayong magkakapatid.”
“Hindi naman kasi hadlang ang kahirapan o kawalan ng gamit sa pag-aaral Ate Leni. Sabi nga ni Tatay gawing inspirasyon ang kahirapan upang mapagtagumpayan ang isang bagay. Pangarap ko talagang makapagtapos ng pag-aaral ng may karangalan kaya pinaghusayan ko,” sagot ni Nikka.
Pagkaraan ng ilang sandali, nagsimula na ang programa ng kanilang pagtatapos. Ipinakilala na ng bawat guro ang mga batang magsisipagtapos.
Maya-maya’y lumabas na ang larawan ni Nikka sa screen…
“Ikaw na ate”, tuwang-tuwng sabi ng kanyang bunsong kapatid.
“Nikka Salvador, may pinakamataas na karangalan…” sabi ng kanilang guro.
Palakpakan naman sina Mang Nato, Aling Marta at mga kapatid nito kasama ang kanilang mga ilang kapitbahay na nakikipanood sa kanyang pagtatapos.
“Anak ko ‘yan,” sabi ni Mang Nato.
“Ate ko ‘yan,” sabi naman ni Joel, ang sumunod sa kanya.
“Ang galing-galing mo ate,” sabi naman ni Lovely, ang bunso nila.
Palakpakan din ang mga kapitbahay nila. “Iyan si Nikka. Siya ang dapat tularan’, sabi pa nila.
“Pakinggan po natin ang isang talumpati na magmumula sa batang nagkamit ng pinakamataas na karangalan. Walang iba kundi si Nikka Salvador”, sabi ng emcee ng programa.
Nakaramdam si Nikka ng magkahalong kaba at saya. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Masayang – masaya siya na kinakabahan din. “Ito nga siguro ang pakiramdam ng magtatapos”, ang sabi nito sa sarili.
Tumingin siya sa laptop at pinanood ang sarili.
………… “Ang pagtatapos kong ito ang maituturing kong isa sa pinakamasayang araw sa aking buhay. Bakit? Dahil hindi lang ito ang araw na magtatapos ako sa elementarya kundi ito rin ang araw na magkakaroon ako ng pagkakataon para ibalik ang lahat ng mga sakripisyo ng aking mga magulang para ako ay makapagtapos. Na sa kabila ng kanilang hirap sa paghahanapbuhay isama pa ang banta ng Covid 19, hindi sila tumigil na itaguyod kaming magkakapatid. Tatay, Nanay, para sa inyo ang medalyang ito. Mapalad po kaming magkakapatid dahil nagkaroon kami ng mga magulang na katulad ninyo. Maraming maraming salamat po…”
Umagos ang luha sa mga mata nina Mang Nato at Aling Marta dahil sa sinabi ni Nikka sa kanyang talumpati. Niyakap nilang mag-asawa ang anak. Yumakap din dito ang dalawa niyang mga kapatid.
“Salamat anak at hindi mo kami binigo,” sabi ni Mang Nato. Pagkapos ng programa, masayang nagsalo-salo ang mag-anak sa munting handa nila sa pagtatapos ni Nikka.
Nagluto ng pansit at biko si Aling Marta. Nagdala naman ng isang galong ice cream si Leni. Masaya silang kumain.
Tunay ngang walang imposible sa taong masigasig. Ito ang napatunayan ni Nikka. Masaya siyang tutungtong sa ika-pitong grado sa susunod na pagbubukas ng klase. Alam niya na kahit gaano pa kahirap ang buhay na kinakaharap nila lalo ngayong panahon ng pandemya dulot ng Covid 19 ay kayang kaya nila itong malagpasan sa tulong ng Panginoong Diyos at ng kanyang mga magulang na napakabait at napakatatag sa mga pagsubok sa buhay.