Sa bulubunduking rehiyon ng Hilagang Luzon makikita ang malawak at nakabibighaning ganda ng kapaligirang pinamamahalaan ni Inang Kalinga.
Siya ang bantay sa lugar na ito. Sinisiguro niya ang kaligtasan ng mga tao ganundin ang mga hayop at mga halaman dito.
Masaya ang bawat araw ni Inang Kalinga sa tuwing pagmamasdan ang malaparaisong kabundukan. Matataas at mayayabong ang dahon ng mga puno. Nakapapawi ng pagod ang mumunting tinig ng mga ibong nag-liliparan habang palipat-lipat sa sanga ng mga puno. Hindi maikubli ang ganda ng makukulay na bulaklak ng mga halaman. Malinis at malamig ang tubig na dumadaloy sa pagitan ng mga bato na nagmumula sa itaas ng bundok.
“Walang mapagsidlan ang kasiyahang aking nararamdaman. Kailangan kong mapanatili ang kagandahan ng lugar na ito para sa ikabubuti at kaligtasan ng pamumuhay ng mga tao! “, ang sambit ni Inang Kalinga habang pinagmamasdan ang kanyang nasasakupan.
Naging tahimik at matiwasay ang pamumuhay ng mga tao. Wala silang naranasang anumang sakuna. Panatag ang kanilang kalooban dahil alam nila na ligtas ang kanilang tinitirhan.
Isang araw, napagpasyahan ni Inang Kalinga na bisitahin ang ilang lugar sa kanyang nasasakupan. Nagtungo siya sa kabihasnan. Laking gulat niya ng makita ang kumpulan ng mga kabahayan. Ang malalagong puno ay napalitan ng nagtataasang poste at naglalakihang gusali. Mula paanan ng bundok, sa gilid nito hanggang sa pinakamataas na bahagi ay may nakatayong bahay at gusali.
Labis ang pagkabigla ni Inang Kalinga. Hindi niya inaasahan na ganito ang makikita niya sa kanyang paglilibot.
“Anong nangyari sa lugar na ito? Bakit naging kabahayan ang dating mapunong kabundukan? Paano nila nagawang patagin ang matarik na kabundukan? Hindi ba nila alam ang maaaring mangyari sa kanila sa ginawa
nilang ito?”, ang sunod-sunod na katanungang nausal ni Inang Kalinga.
Sa kabilang dako, nakarinig naman ang mga tao ng kakaibang ingay at dagundong na nagmumula sa tuktok ng bundok.
Nagsilabasan ang mga nakatira sa paanan ng bundok upang usisain kung ano ang nangyayari.
“Anong klaseng ingay iyon? Ano ang nangyayari sa itaas ng bundok?”, ang tanong nila sa isa’t isa pero walang nakaaalam ng kasagutan. Nakaramdam sila ng kaba. Ngayon lang nila ito napakinggan.
“Kailangang malaman natin ang nangyayari sa tuktok ng bundok“, wika ni Maton, ang pinakamatapang sa lugar na iyon.
“Tama ka, Maton. Baka may nangyayaring hindi maganda sa tuktok ng bundok. Kapag hinayaan natin itong magpatuloy baka tayo ang labis na maapektuhan”, saad ni Mang Mando ang pinakamatanda sa kanilang nayon.
Napagkaisahan nila na puntahan ang pinagmulan ng ingay. Hindi biro ang gagawin nilang pag-akyat sa bundok upang alamin ang nangyayari kaya pinaghanadaan nila itong mabuti.
Nang marating ang tuktok ng bundok, bumungad sa kanila ang maraming putol na naglalakihang puno. Ang dating matarik na bahagi ng bundok ay naging patag. Nanlumo sila sa hitsura ng tanawin. Hindi nila inaasahan na ganito ang kanilang madaratnan. Halos mapaiyak sila sa kalapastanganang ginawa sa kanilang iniingatang lupain. Nahuli na ang kanilang pagdating.
Nakarating ang pangyayaring ito sa kaalaman ni Inang Kalinga.
Hindi siya makapaniwala na may nangyayaring ganito sa ibang bahagi ng kanyang nasasakupan. Nakaramdam siya ng takot at pangamba para sa mga tao. Naisip niya ang posibleng mangyari sa mga tao at hayop kung sakaling magpatuloy ang ganitong gawain.
“Kailangang makagawa ako ng hakbang upang matigil ang pagkasira ng mga kabundukan”, ang nasambit ni Inang Kalikasan.
Nasa kalagitnaan ng kanyang pag-iisip si Inang Kalinga nang biglang kumulog ang kalangitan. Nagngangalit ang bawat tunog na nagmumula sa kaitaasan. Nagbabadya ang malakas na pagbuhos ng ulan.
Lalong bumilis ang tibok ng puso ng bantay ng kabundukan sa narinig at pagbabago ng kapaligiran. Nakikinita na niya ang susunod na mangyayari.
Hindi lumipas ang magdamag at bumuhos ang malakas na ulan. Dahil sa dilim ng gabi na lalong pinatindi ng buhos ng ulan ay hindi makita ang mga pangyayari sa paligid. Walang marinig kundi ang malakas na patak ng ulan. Nakabibingi ang bawat hampas ng tubig sa bubong ng mga kabahayan dahil sa lakas ng ihip ng hangin.
Delikado ang ganitong pagkakataon. Walang nagawa si Inang Kalinga ganundin ang mga tao kundi ang hintayin ang paghupa ng ulan.
Kinaumagahan, tumigil ang malakas na pagbuhos ng ulan. Nagsilabasan ang mga tao. Tumambad sa kanila ang iniwang bakas ng magdamag na pag-ulan. May mga bahay na nabuwal dahil wala ng puno na panangga sa malakas na hangin. May ilang mga hayop na namatay dahil walang punong masilungan. Naging marumi ang tubig na dumadaloy sa pusod ng gubat at ang pinakamasaklap ay ang pagguho ng lupa mula sa tuktok ng kinalbong kagubatan. Ang dating mataas na lupa ay abot tanaw na nila.
Labis-labis ang hinagpis ni Inang Kalinga. Sobrang kalungkutan ang naramdaman niya. Nangyari ang kinatatakutan niya.
Pinulong niya ang mga tao at nag wikang “Nasaksihan nating lahat ang nangyari sa nakaraang bagyo. Nais kong ipaalam sa inyo na kung magpapatuloy ang pagkasira ng ating kalikasan mas lalong masisira ang inyong kinabukasan.
“Tama kayo, Inang Kalinga! ”, ang matapang na tugon ni Maton. Ano po kaya ang maganda naming gawin upang hindi na maulit ang ganoong pangyayari? ”, dugtong pa nito.
Inisa-isa ni Inang Kalinga ang mga dapat nilang gawin.
Nagtulungan sila na magtanim sa napatag na lupa. Binantayan ang bawat paanan, gilid at tuktok ng bundok. Sinigurado nilang wala ng mangangahas na magputol ng puno ng walang pahintulot. Nilinis din ang daluyan ng tubig. Hindi na rin pinayagan ang pagtatayo ng mga kabahayan sa sa bahagi ng kabundukan na hindi ligtas sa mga tao.
Naging kaugalian na ng mga tao sa nayon ang maghandog ng alay at panalangin bilang pasasalamat sa magandang ani at mapayapang pamumuhay. Nagkaroon sila ng pagtitipon at pagdiriwang.
Nagpatuloy ang mga tao sa kanilang magandang gawain kaya nanumbalik ang ganda ng kanilang lugar. Labis naman itong ikinatuwa ni Inang Kalinga.