Return to site

ANG PAGBABAGO NI LISA NA SUMBUNGERA

ni: PRECILA B. PAY-OEN

“Teacher si Noli po binato ng papel si Thirdy.” “Teacher si Eva po kinuha ang lapis ni Ali.” Boses ni Lisa ang naririnig sa silid aralan.

Araw ng Lunes sa asignaturang Araling Panlipunan. “Lisa, ipakilala mo ang iyong sarili.”, tawag ng guro. “Ako si Lisa B. Balsina ipinanganak noong Enero 25, 2014. Pitong taong gulang. Nakatira sa Sunrise Place Tres Cruses, Tanza, Cavite. Ako ay nag-aaral sa Ikalawang Baitang sa Mabababang Paaralan ng Tres Cruses. Ang mga magulang ko………Aaaaahhh! Titser si Nilo po pinandidilatan ako”, ang biglang palahaw ni Lisa kahit hindi pa siya tapos sa pagpapakilala. “Tahan na, ituloy mo na ang iyong pagpapakilala.” Pagpapatahan ng kanyang guro.

Mayamaya… “Titser si Dani po kinuha ang pera ni Niko.” Ang salubong ni Lisa sa kanilang guro. “Dani, paki balik ang pera ni Niko.”, anang guro. “Naibalik na po titser.”, sabat naman ni Lisa.

Marami na ang hindi natutuwa sa pagiging palasumbong ni Lisa.

Makalipas ang isang araw… “Titser nagtapon daw po si Noli ng papel sa ilalim ng upuan ni Lita.”, sumbong muli ni Lisa. Walang imik na tumingin ang guro sa upuan ni Lita ngunit wala siyang nakitang kalat kaya hindi na lamang siya umimik.

“Bakit kaya hindi ako pinansin ni titser?”, tanong ni Lisa sa sarili.

“Baka hindi maganda ang laging nagsusumbong kay titser. Sinasabihan na rin ako ng mga kamag-aral ko na sumbungera daw ako ah! Alam ko na sa susunod ang mga mahahalagang bagay lamang ang aking sasabihin kay titser.”, bulong niya.

Lumapit siya sa kanyang guro. “Titser pasensiya po.”, ang pagpaumanhin ni Lisa. “Bakit ka humihingi ng pasensiya, Lisa?”, tanong ng guro. “Kasi po titser, lagi po akong nagsusumbong sa inyo kahit walang kinalaman sa akin. Hindi po magandang ugali ang palasumbong. Hihingi din po ako ng pasensiya sa mga kamag-aral ko.”, pagpapakumbaba ni Lisa.

Natuwa ang kanyang guro at niyakap siya. “Okay lang iyon, Lisa. Natutuwa ako at naintindihan mo na hindi nakabubuti ang laging nagsusumbong lalo na at wala kang kinalaman sa sitwasyon.”, ang nakangiting sagot ng guro.

Kinabukasan, nagkaroon ng espesyal na selebrasyon sa kanilang barangay. Ang karakol tuwing kapistahan ay isang malaking bahagi ng kultura ng Tres Cruses, Tanza, Cavite. Ito ay isang makulay at masayang parada kung saan ang mga residente ay nagsasayaw at nag-aalay ng mga bulaklak sa kanilang patron na santo. Habang nanonood si Lisa sa karakol kasama ang kanyang pamilya, napansin niya ang mga kamag-aral at mga guro na masayang nakikilahok. Naisip niya na ang pagiging bahagi ng komunidad at ang pakikipagkapwa tao ay mas mahalaga kaysa sa pag-aalala sa mga maliliit na bagay. Sa araw na iyon, natutunan ni Lisa ang kahalagahan ng pakikiisa at pagmamalasakit sa kapwa. Pagkatapos ng karakol, lumapit siya sa kanyang mga kamag-aral at humingi ng pasensya sa kanila. Tinanggap nila ang kanyang paghingi ng paumanhin at nagsimula silang maglaro nang masaya.

“Mula ngayon, titser, pipilitin ko pong maging mas mabuting kaibigan at hindi na po laging magsusumbong,” pangako ni Lisa sa kanyang guro. "Natutuwa ako sa iyong pagbabago, Lisa.", tugon ng guro na may ngiti. "Ang pagiging mabuting kaibigan ay isang mahalagang aral na natutunan mo."