ABSTRACT:
Ang pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ay mataya ang e-modyul na nabuo sa Filipino 10 sa pagpapaunlad ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Baitang 10 at magamit ito sa aktwal na pagkakataon sa pagpapalakas ng kasanayang bumasa ng mga mag-aaral at pagpapadali sa nakaatas na responsibilidad ng mga guro sa Filipino. Ang e-modyul ay ginamit ng mga mag-aaral sa Baitang 10 sa unang markahan.
Ginamit sa pananaliksik na ito ang pamamaraang “Developmental Research” gamit ang modelong ADDIE. Ito ay nag-analisa, nagbuo at nailarawan ang balidasyon sa kabisaan at pagtanggap ng mga guro sa Filipino hinggil sa nabuong e-modyul. Ang mananaliksik ay nagbigay din pauna at panapos na pagsusulit sa mga mag-aaral sa Baitang 10.
Batay sa kinalabasan ng mga nakalap na datos na nilapatan ng angkop na istatistika, ang pagpapatibay sa balidasyon sa kabisaan ng nabuong e-modyul ay Napakabisa (NB) batay sa layunin, paksa, panuto at pagsasanay, konsepto at nilalaman, at maging sa repleksyon. Sa kinalabasan sa pagpapatibay sa balidasyon ng pagtanggap nito ay Lubos na Pagtanggap (LP) batay sa kalinawan, kahalagahan, paggamit ng wika at estilo, paglalahad at kaangkupan.
Kinakitaan naman ng makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng mga marka sa panimula at panapos na pagsusulit. Ang probability value na .000 ay lubhang mas mababa kaysa signipikong lebel na .05 kung kaya’t ang hinuha (hypothesis) ay di katanggap-tanggap. At dahil mayroong pagkakaiba, masasabing ang e-modyul ay epektibo.
Iminumungkahi ng mananaliksik sa mga guro sa Filipino ang patuloy na paglikha ng makabagong kagamitang magagamit sa lalong pagkaunawa ng mga mag-aaral at sa ikaangat pa lalo ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Gayundin ang pagsasagawa ng mga karagdagang programa para sa mga guro upang mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagbuo ng iba pang kagamitang pang mag-aaral.
KEYWORDS: e-modyul, Filipino 10, kasanayang bumasa, pagbasa, unang markahan
INTRODUCTION:
Isang malalim, masusi, at kritikal na pag-aanalisa ang makapagsasabi sa kalagayang bumasa ng isang indibidwal sa makabagong henerasyon ngayon. Sa pahayag ng Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Kalihim Leoner Magtulis-Briones (2019) sa paglunsad ng Sulong EduKalidad, bagama’t maganda ang pag-unlad ng edukasyon sa Pilipinas, isa sa kailangang pinakatutukan na pagsubok na namamayani sa bansa ay ang kalidad nito, partikular ang natututuhan ng mga mag-aaral. Sa inilabas na resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA, 2018), isang pag-aanalisa sa kakayahan sa mga asignaturang pagbasa, sipnayan at agham ng mga mag-aaral na may edad labinlimang taon, na unang beses nilahukan ng Pilipinas noong 2018, lumabas na ang mga labinlimang taon na mga mag-aaral sa Pilipinas ay pinakamababa ang marka sa mga nabanggit na asignatura kumpara sa pitumpu’t siyam (79) na bansang lumahok sa sarbey na isinagawa. Hanggang sa kasalukuyan, ang pagkakaroon ng komprehensyon sa pagbasa ay isa sa suliraning kailangang tutukan sa lahat ng paaralan.
Ang mananaliksik ay nakita ang pangangailangan na tutukan ang pag-unawa sa binasa ng mga mag-aaral sa Baitang 10, ang baitang kung saan ang mga mag-aaral ay nasa edad labinlimang taon pataas. Sa katatapos lamang na balidasyon nitong Pebrero 2019 sa pagbasa ng iba’t ibang punongguro at ulong guro ng mabababa at matataas na paaralan sa lalawigan ng Cavite ay natuklasan na sa magiging Baitang 10 sa darating na taong panuruan ay 1,390 na mga mag-aaral sa Pambansang Mataas na Paaralan ng Carmona ay mayroong 184 o 13% ng kabuuang bilang ang nasa antas instruksyunal, kabiguan at walang kahandaan sa pagkilala ng salita at 623 o 44.82% pagdating sa pag-unawa ng binasa.
Sa inilabas na Regional Memorandum No. 306 S. 2020, na nakaangkla sa Regional Order No. 10 S. 2020, ang pagtuturo sa ilalim ng K to 12 Curriculum ay iaangkla sa tagubiling nakapaloob sa mga ito patungkol sa inisyatibo ng Region IV-A CALABARZON na PIVOT 4A na naglabas ng binagong Budget of Work (BOW) na susundin ng buong rehiyon para sa kasalukuyang taong panuruan. Ang PIVOT 4A QuBE ay ang isinulong na programa ng nasabing rehiyon bilang pagtugon sa Sulong Edukalidad ng kagawaran. Ang inilabas na Most Essential Learning Competencies (MELC) ay 40% ng kabuuang bahagdan na itinuturo sa ilalim ng K to 12 Curriculum. Ibig sabihin, mayroong 60% ang hindi napasama sa pagtutuunan ng pansin sa taon na ito. Ang inilabas na MELC ay resulta ng mga pag-aaral na isinagawa na makapagsasabing ang ilan sa natanggal ay paulit-ulit lamang naman ang nilalaman. Ito’y pinili at isinaayos ng kagawaran sa pamamagitan ng Bureau of Curriculum Development at sa pakikipagtulungan sa Assessment Curriculum and Technology Research Centre (ACTRC).
Ang pag-aaral na ito ay kasasangkapin ang mga teorya ni Jean Piaget na “Four Stages of Cognitive Development”, at nina John Seely Brown, Allan Collins at Paul Duguid na “Situated Cognition Theory”.
Ayon sa teoryang Kognitivismo (Cognitivism) ni Jean Piaget (1936), mayroong apat na yugto ng pag-unlad ng kaisipan ang isang bata. Ang mga mag-aaral sa Baitang 10 ay kadalasang binubuo ng mga kabataang nasa edad labing-apat pataas. Sila’y nabibilang na sa yugto ng formal operational. Sa yugtong ito, inaasahang lumalalim na ang pananaw nila sa mga bagay-bagay. Nagkakaroon na rin ng kamalayan ang mga kabataan tungkol sa iba’t ibang pananaw tulad ng moral, pilosopikal, etikal, sosyal, at pulitikal na nangangailangan ng malalimang pag-iisip. Nakasalalay ang mundong ginagalawan ng isang tao sa kakayahan niyang paunlarin ang kanyang kaisipan. Kaya mahalaga ang gagampaning papel ng paaralan sa paghubog ng ganitong kakayahan.
Sa isang pag-aaral naman na isinagawa nina John Seely Brown, Allan Collins at Paul Duguid (1989) tungkol sa teoryang Situated Cognition, higit na natututo ang isang indibidwal kung aktwal na nararanasan ang mga bagay na nais niyang matutuhan. Maliban pa rito, pinagtutuunan ng pansin ng teoryang ito ang tamang kagamitan sa pangangailangan ng indibidwal. Halimbawa, kung nais ng isang tao na matutuhan ang isang wikang iba sa kanyang unang natutunang wika, iba ang kaalamang matatamo kung aaralin niya ang wika mula sa silid-aklatan at kakabisahin ang nilalaman nito kaysa sa makikisalamuha siya sa isang taong ang katutubong wika ay ang nais niyang matutuhang wika. Gayundin sa pagbasa, higit na magagabayan ang pagbabasa ng isang tao kung siya’y may katabing bihasa sa kasanayang ito kaysa sa nagsisikap siyang paunlarin sa sariling pamamaraan ang gawaing ito na walang gagabay sa kanya. At mainam na kasangkapin ang isang kagamitang inilaan para sa kanya mismo.
Sa paniniwala naman ng sikolohista na si Vygotsky (1978) sa kanyang teorya na Sociocultural, malaki ang gampanin at responsibilidad ng mga magulang, tagapangalaga, kaibigan at lipunang ginagalawan sa pagtupad sa mas mataas na tungkulin. Ayon pa sa kanya, ang pagkatuto ay nakasalalay kung paano makisalamuha sa iba ang tao.
Ayon naman sa pag-aaral na isinagawa nina Lin at Wu (2016), patungkol sa espesyalista sa pagbabago ng kurikulum na si Sato (2012), isang malaking pagbabago ang naidudulot ng pagsasagawa ng isang programang hindi nakakahon sa apat na sulok ng silid-aralan. Masasabing hindi sapat ang pagpapaunlad ng kasanayan sa pagbasa kung mananatiling sa oras lamang ng klase nagaganap ang pagpapaunlad sa kasanayang ito. Nangangailangan na makapagbigay ang guro ng paggabay sa mga mag-aaral para mapaunlad ang kalidad ng kaalamang kanilang natututunan sa pamamagitan ng karagdagang programa.
Samantala, binigyang-diin ni Cox (2014) sa pag-aaral ni Zamora (2016), na sa kasalukuyang panahon, ang impormasyon, media at teknolohiya ang pangunahing pangangailangan ng kasalukuyang sistema ng edukasyon. Kung bibigyan ito ng pokus, mas magkakaroon ng paglalapat sa lipunang ginagalawan ng mga mag-aaral at mas nakagagamit ng mga awtentikong kagamitan.
Ang mga teoryang nabanggit ay mahalaga sa kasalukyang pag-aaral sapagkat ang bubuuing kagamitan sa pagpapaunlad ng kasanayang bumasa ay ibabatay sa kakayahan ng kabataan sa edad na ito. Kasasangkapin ng pag-aaral na ito ang modelong ADDIE na pinagsama-samang mga salita na analyze (analisa), design (pagdisenyo), development (paglinang), implement (implementasyon) at evaluation (ebalwasyon).
Sa pagnanais na mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng pagpapalalim ng komprehensyon sa pagbasa at pag-unawa sa binasa ng mga mag-aaral, isang kainaman ang pagbuo ng e-modyul na tutugon sa layuning nabanggit ng mga mag-aaral sa Baitang 10 na pangunahing dahilan sa pagbuo nito.
see PDF attachment for more information