Araw ng Sabado. Walang pasok sa eskuwelahan subalit maaga pa ring bumangon si Maria. Nagsuklay siya ng kanyang buhok sabay pusod nito at nagtungo sa banyo. Pagkatapos maihanda ang sarili, lumabas siya ng silid upang magtungo sa kusina.
“Magandang umaga, anak! Tayo ng mag-almusal. Mayroon tayong nilagang saging at tsamporado”, ang sabi ni Nanay Linda.
“Opo nanay, sandali lang po”, tugon ni Maria habang nakangiting lumapit sa may bintana.
Mula sa bintana, inamoy niya ang mahalimuyak na samyo ng kanyang paboritong halaman. Hinaplos-haplos at inamoy-amoy niya ang mga munti at puting bulaklak nito. Hinawakan niya ang mga luntiang dahon nito na tila ba maingat na sinusuri ang bawat bahagi.
“Halika muna dito anak sa hapag-kainan”, ang tawag ni Tatay Lando.
Nakangiting lumapit sa hapag-kainan si Maria at umupo sa bangkong kaharap ng kaniyang mga magulang.
“Naku ang bunso ko talaga! Halika nga rito sa tabi ko”, magiliw na sabi ni Tatay Lando.
“Alam mo, anak, talagang natutuwa ako sa iyo dahil manang-mana ka sa nanay mo. Parehas na parehas kayong mahilig sa halaman. Minsan nga nagseselos na ako sa mga halaman na alaga ninyo, nauuna pa ninyong batiin sa umaga kaysa sa akin eh!”, natatawang sambit ni Tatay Lando.
“Po? Si Tatay naman ah…”, sagot ni Maria na napakamot sa ulo sabay lapit sa kanyang ama.
“Naku naman ang tatay, nagselos na naman sa mga halaman!”, natatawa ring sabi ni Nanay Linda.
“Tunay naman, anak eh! Kulang na lang itabi ninyo ng nanay mo sa higaan ang mga halaman. Hanggang sa loob ng kwarto may halaman kayo. Hindi lang doon, meron pa rito sa kusina, sa may mesa, at sa ibang bahagi ng ating bahay. Kulang na lang pati kaldero may tanim na halaman, ha ha ha!”, tumatawang bulalas ni Tatay Lando.
Napahagalpak na rin sa pagtawa ang mag-ina nina Nanay Linda at Maria.
“Tatay , sobra ka naman! Huwag ka naman magselos sa halaman!”, ang natatawang sagot ni Nanay Linda.
“Hindi naman….ang totoo, masaya talaga ako para sa inyo, dahil hindi lamang kayo basta mahilig sa halaman. Talagang mahal ninyo ang pag-aalaga ng mga ito. Kaya nga saludo ako sa inyong mag-ina dahil napakatiyaga niyo at higit sa lahat mapagmahal talaga, lalo na sa akin,” nakangiting sagot naman ni Tatay Lando.
“Syempre naman po, tatay. Ang totoo, ikaw po ang pinakamahal ko sa lahat!”, malambing na sambit ni Maria sa ama, sabay yakap at halik sa pisngi nito.
“Aba, syempre mahal na mahal din kita, anak. Katulad ng pagmamahal ko sa iyong nanay, sa iyong Kuya Ben, at kay Kuya Juan mo. Kayo ang lakas at inspirasyon ko sa pagbangon ko sa araw-araw,” seryosong sagot ng ama kay Maria.
“Aba, teka, nasaan na nga pala ang dalawa mong kuya, anak? Hindi pa ba sila gising?” tanong ni Nanay Linda.
Sina Ben at Juan ang dalawang anak na lalaki nina Tatay Lando at Nanay Linda na kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa lungsod. Dahil sa kanilang natatanging kahusayan sa paglalaro ng Table Tennis, kinuha silang athlete scholars ng isang magandang unibersidad sa lungsod. Bukod sa husay sa larangan ng palakasan, masisipag, at matitiyaga sa pag-aaral ang magkapatid kung kaya’t nananatiling matataas ang kanilang mga grado. Abala man sa pag-aaral, tuwing walang pasok sa paaralan o wala silang pagsasanay, tumutulong sila sa kanilang taniman.
Ilang segundo lang ang lumipas, narinig ang mga yabag ng mga paa pababa sa hagdanan.
“Magandang umaga po, Tatay, Nanay, at Maria!”, masayang bati ni Ben, ang panganay na kapatid ni Maria.
“Oopps! Gising na rin po ako, Tatay, Nanay! Magandang umaga po sa inyong lahat!”, masiglang bati ni Juan, ang pangalawang anak nina Tatay Lando at Nanay Linda.
“ Tatay, sasama po kami sa inyo sa taniman. Wala po kaming pasok ni Kuya Ben,” masayang sabi ni Juan.
“Naku! salamat mga anak, kung gayun ay mag-almusal na agad tayo para makaalis tayo nang maaga,” masiglang tugon ng ama.
“Nanay ako din po! Gusto ko rin pong sumama kay tatay sa taniman. Pwede po ba?,” tanong ni Maria sa ina.
“O sige anak, sumama ka na rin muna sa kanila,” tugon ni Nanay Linda sa anak.
“Walang problema, Maria, wala ka rin namang pasok. Tulungan mo na rin ako sa taniman,” masayang wika ni Tatay Lando sa anak.
“Maraming salamat, mga anak. Sobrang natutuwa ako kasi may mababait ako na mga anak na katulad niyo. Ipinagmamalaki ko kayo. Talagang manang-mana kayo sa akin!”, pagmamalaking tugon ni Tatay Lando.
“Syempre naman po, Tatay, mana kaming lahat sa inyo ni nanay. Mababait na, masisipag pa!,” nagmamalaki ring sambit ni Juan.
“O sya, kumain na tayo. Lumalamig na ang pagkain natin”, ang paalalang tugon ni Nanay Linda sa mag-aama. “Maria, ikaw na ang manguna sa panalangin”.
“Opo, nanay”, sagot ni Maria.
Pagkatapos magpasalamat sa mga biyayang kanilang tinanggap, masayang nagsalo-salo ang mag-anak sa simpleng almusal na nasa hapag-kainan. Nang makakain, naghanda na ang mag-aama patungo sa taniman. Si Nanay Linda naman ay nagtungo na rin sa kanilang munting tindahan.
Sa may tarangkahan sa harapan ng tahanan ng mag-anak ay makikita ang isang hardin. Kapansin-pansin ang maganda, maaliwalas, at maayos na hanay ng mga halaman. Hinahangaan ito ng kanilang mga kapitbahay tuwing sila’y mapapadaan dito. Ito na din ang nagsisilbing munting tindahan kung saan ibinebenta ang mga halamang ornamental na inaalagaan ng mag-anak.
“Nanay Linda, ang ganda naman po ng mga halaman ninyo! Nakaka-relax masdan ang mga hilera ng halamang namumulaklak. Pagbilhan mo nga po ako ng isa niyan!” masayang wika ng isa nilang kapitbahay.
“Nanay Linda, nakakatuwa naman ang hardin ninyo. Malayo pa lang, humahalimuyak na ang bango ng mga Sampaguita! Maririkit at malulusog pa ang mga dahon ng halaman. Pabili nga ako ng limang puno niyan at ilalagay ko rin sa harapan ng bahay namin,” natutuwang sambit naman ng isang kapitbahay na kaibigan din ni Nanay Linda.
Sa may likod-bahay na hindi kalayuan, masayang makikita naman ang nagtutulungang magkakapatid na sina Ben, Juan, at Maria. Dito inihahanda nila ang pagtatanimang lupa ng kanilang mga halaman. Binubungkal nila ang lupa gamit ang asarol at pala upang lumambot at maging maganda ang teskstura nito para sa mga itatanim na halaman. Kasunod nito, hinahaluan nila ito ng mga organikong pataba mula sa kanilang compost pit at pagkatapos ay inilalagay ang mga ito sa supot na plastic na taniman. Dito maingat na itinatanim ng kanilang tatay ang mga pinatutubo at pinaparami nilang iba’t ibang halamang ornamental. Maganda at mataba ang lugar ng lupang taniman ng kanilang mga halaman. May sapat ding sikat ng araw na natatanggap ang mga ito kaya mayabong at magaganda ang pagtubo ng mga ito. Masusing pinipili ang mga halamang ornamental na itatanim dito. Mahalaga ito sapagkat may iba’t ibang katangian ang mga halamang ornamental. Mayroon nabubuhay sa lupa at meron namang nabubuhay sa tubig.
May mga ornamental din na madaling patubuin at may mahirap ding buhayin kaya si Tatay Lando ay maalaga at maingat sa kanyang mga pananim. Pinipili niya ang mainam na halaman na angkop sa lugar ng kanilang taniman. Sa kanilang hardin, maayos na nakahilera ang mga ornamental na matataas ang laki sa may gilid ng taniman at kasunod naman nito ang hilera ng may katamtaman at mababa ang laki ng mga halaman. Magkakasama naman sa isang bahagi ng taniman ang mga namumulaklak na halaman, gayundin ang hindi namumulaklak na mga halaman na halos kaunti lamang ang taas. Ang lahat ng mga halaman sa hardin ay nakaayos batay sa kanilang mga katangian kaya ito’y kahali-halinang pagmasdan.
Mga anak, maayos na ba ang taniman ng mga bagong pasibol natin?” ang tanong ni Tatay Lando.
“Opo, Tatay. Naayos na po namin. Nalagyan na po namin ng organikong pataba ang lahat ng mga supot ng lupa na pagtataniman. Iniaayos na din po nina Kuya Ben at Kuya Juan ang lugar na pagpupwestuhan ng mga bagong pasibol,” magalang na sagot ni Maria sa ama.
“Magaling anak, ang husay talaga ng aking munting hardinera!” ang puri ni Tatay kay Maria.
“Halika anak, tulungan mo akong itanim itong mga napili kong mga sanga ng Sampaguita na ating pasisibulin at bubuhayin. Madami ang naghahanap nito sa ating tindahan kaya mas pararamihin pa natin ang mga ito,” tugon ng ama kay Maria.
“Wow! Ang paborito kong halaman iyan, Tatay!” ang natutuwang sambit ni Maria.
Sinimulan na ng mag-ama ang pagtatanim ng mga sanga o cuttings ng Sampaguita. Ito ang mainam na artipisyal na pamamaraan upang maparami ang isang halamang ornamental sa pamamagitan ng mga sanga o tangkay mula sa magulang na halaman na pinaugatan at itinanim sa lupa upang maging bagong halaman. Ito ay tinatawag na asekswal na pagpaparami ng halaman. Ito rin ang ginagawa nilang paraan ng pagpaparami sa iba pa nilang mga halaman tulad ng Gumamela, Santan, Rosal, Rose, at mga San Francisco. Bukod sa mga sanga o tangkay, maaari din gamitin ang iba pang bahagi ng halaman tulad ng dahon at ugat ng halaman. May iba pang paraang asekswal na pagpaparami nghalaman, ang layering. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpili ng mataba at maluwang na sanga na nilalagyan ng bilog na hiwa sa gitna at inaalisan ng balat. Ang binalatang bahagi ng sanga at binabalutan ng plastic na may lumot at lupa. Ito ay papaugatan at kapag sapat na ang ugat ay puputulin at ihihiwalay sa magulang na halaman saka ito itatanim upang maging bagong halaman. Gamit ang munting dulos ni Maria, maingat niyang itinanim ang mga tangkay na may ugat buhat sa layering.
“Tatay, alam po ninyo, itinuro po ito sa amin ng titser ko, ang pagpaparami at pag-aalaga ng mga halaman. Kagaya ng cuttings, layering at grafting na asekswal na pamamaraan ng pagpaparami ng halaman. Sa grafting po na pinagsasama ang dalawang magkapamilya na halaman para maging mas maganda ang tubo ng bagong halaman ay takot pa po akong gawin kasi baka mahiwa ng kutsilyo ang kamay ko. Sabi nga po ni titser mag-iingat din po sa paggamit ng mga kagamitan sa pagtatanim upang di kami masaktan”, ang kwento ni Maria sa ama.
“Dami mong alam ah!, paborito mo siguro ang titser mo sa EPP hahaha, ” ang natatawang sambit ni Tatay Lando sa anak.
“ Syempre po Tatay, lagi nga po akong nakakasagot kay titser kasi po natutunan ko rin po sa inyo ni Nanay ang mga gawain na ito sa paghahalaman,” mabibong kwento ni Maria sa ama.
“Talaga anak? Ang galing mo talaga at matalino pa sa klase. Ipagpatuloy mo lang anak ang sipag mo at malayo pa ang mararating mo,” natutuwang tugon ni Tatay Lando sa anak.
“Salamat, Tatay! Tapos na po ako dito sa pagtatanim ng cuttings. Dadalhin ko na po ito sa may malilim na pwesto upang sumibol nang maayos at hindi masyadong mainitan ng araw ang mga bagong papasibulin. Didiligan ko na rin po doon,” ang magalang na sabi ni Maria sa kanyang ama.
“O sige, anak. Isusunod ko na rin lahat ito sa iyo doon sa may nursery area natin. Pakidiligan mo na rin nga agad, anak. Pakitawagan mo na rin sina Kuya Ben at Kuya Juan mo, baka tapos na sila sa compost pit magpapatulong na ulit tayo sa kanila. Pakisabi tumulong na din sa paghahakot dito, ” mabilis na tugon ng ama kay Maria.
“Opo Tatay!” masiglang sagot ni Maria.
“O sige, anak. Isusunod ko na rin lahat ito sa iyo doon sa may nursery area natin. Pakidiligan mo na rin nga agad, anak. Pakitawagan mo na rin sina Kuya Ben at Kuya Juan mo, baka tapos na sila sa compost pit. Pakisabi tumulong na din sa paghahakot dito, ” mabilis na tugon ng ama kay Maria.
“Opo Tatay!” masiglang sagot ni Maria.
Sa compost pit, matiyagang inilalagay ng magkapatid na Ben at Juan ang mga tuyong dahon na nakuha nila mula sa kanilang taniman. Ang mga basura na nabubulok ay inilalagay nila sa hinukay na compost pit pati na din ang dumi ng mga alaga nilang baka ay doon iniipon upang ma-decompose at magamit na organikong pataba sa kanilang mga alagang halaman.
Sa may nursery area naman, maayos at maingat na dinidiligan ni Maria ang mga bagong tanim na cuttings at pasisibulin na mga halaman. Sinisigurado niya na nasa lilim ng net ang mga bagong tanim nila upang di masunog sa sikat ng araw habang ito ay nagpapa-ugat.
Sa araw-araw na pagtulong ni Maria kay Tatay Lando at Nanay Linda, maraming natutunan ang kanilang munting hardinera. Nakakatuwang isipin na ang isang batang tulad ni Maria na nasa ika-apat na baitang sa Paaralang Sentral ng Silangang Balayan ay tunay na naaasahan na ng kanyang mga magulang. Sa kanyang paaralan, mas lalong nahubog ang kaalaman niya sa paghahalaman sa tulong at gabay ng mahuhusay na guro sa EPP at dahil sa proyektong Gulayan sa Paaralan.
Maagang natapos ang mag-aama sa mga gawain sa taniman. Sabay-sabay na dumating ang mag-aama sa kanilang munting tindahan. Malayo pa lang ay kinakawayan na sila ni Nanay Linda.
“Halina kayo dito mga anak, magmiryenda na kayo. Tiyak na pagod kayo kaya pagkatapos niyong kumain ay umuwi na kayo sa bahay at magpahinga,” ang wika ni Nanay Linda.
“Salamat po Nanay!,” sabay sabay na tugon ng magkakapatid sa ina.
Tiktalaok!
Kinabukasan, muling gumising nang maaga si Maria. Sa kanilang munting tindahan naman nais tumulong ng munting hardinera. Tinahak niya ang hilera ng mga humahalimuyak na halaman ng Sampaguita at nakangiting hinawak-hawakan ang munti at mapuputing bulaklak nito.
“Maria, nandiyan ka na pala! Kumain ka na muna saka tayo mag-ayos ng ating mga panindang halaman pagkatapos nating magsimba,” ang sabi ni Nanay Linda.
“Opo Nanay, tutulong ako sa inyo ngayon dito sa tindahan,” nakangiting wika ni Maria.
“O sige, kumain ka na at magbihis. Gumagayak na din sina Kuya Ben at Kuya Juan mo dahil pagkasimba nila luluwas na din ulit sila mamaya,” paliwanag ng ina.
Pagkatapos magsimba ng mag-anak ay bumalik na sila sa kanilang tahanan. Sa tindahan, nagtungo na muli si Maria upang tulungan ang kanyang Nanay Linda. Si Tatay naman ay nagbisita na sa mga bagong pananim sa kanilang taniman. Sina Kuya Ben at Kuya Juan naman ay nag-ayos na ng kanilang mga gamit at muling nagpaalam na sa kanilang pag-alis. Ganito ang eksena ng kanilang pamilya tuwing sasapit ang araw ng Sabado at Linggo.
“Maria, anak, ikaw na muna ang magbantay sa halamanan natin. Tatapusin ko lamang ang aking labahin,” ang wika ni Nanay Linda.
“Opo Nanay, ako na po muna ang bahala dito,” magalang na sagot ni Maria.
Sa tindahan, dumating si Ana na matalik niyang kaibigan kasama ang Nanay nito na galing din sa simbahan.
“Hello, Maria! Ikaw lang diyan sa tindahan?” tanong ni Aling Rosa.
“Opo. Naglalaba pa po kasi si Nanay pero mamaya po ay susunod na din siya pagkatapos niyang maglaba,” sagot ni Maria sabay lapit at nagmano kay Aling Rosa.
“Nanay, pwede po ba dito na muna ako kay Maria? Sasamahan ko po muna siya.” tanong ni Ana kay Aling Rosa.
“O sige anak, samahan mo muna ang kaibigan mo, pero uuwi ka din agad mamaya ha?”, ang tugon ni Aling Rosa sa anak.
“Yehey! Salamat po, Nanay!” masayang wika ni Ana sabay yakap at nagpaalam sa kanyang ina.
Masayang nagkukwentuhan ang magkaibigan nang biglang may huminto na magandang sasakyan sa harapan ng kanilang tindahan. Bumaba ang sakay nito. Ang kanilang punong bayan pala na si Mayor JR ang lulan ng sasakyan.
“Magandang umaga! Maria, kamusta? Maaari ko bang makausap ang iyong Nanay Linda? Nandiyan ba siya?” magalang na tanong ng alkalde ng bayan.
“Magandang umaga din po sa inyo, Mayor JR! Saglit lang po at tatawagin ko po si Nanay,” mabilis na tugon ni Maria. Nagmamadali siyang tumakbo at tinawag ang kanyang Nanay Linda.
Pagkatapos ng pakikipag-usap ng alkalde kay Nanay Linda ay nakangiting lumapit sa kanilang magkaibigan si Nanay Linda. Isang magandang balita ang hatid ni Nanay Linda sapagkat sinabi ng alkalde na malapit ng matapos ang ipinatatayong bagong Balayan Government Center at nais nilang bumili sa kanilang halamanan ng mga ornamental na halaman na ipapalamuti sa lugar.
“Tatay, Tatay! Halika po bilis!” tawag ni Maria sa kanyang Tatay Lando na paparating galing sa taniman.
“ May magandang balita po si Nanay sa inyo!” masayang sabi ni Maria sa ama. Hindi pa man nakakapagsalita si Tatay Lando ay naisalaysay na agad nito ang magandang balita buhat kay Mayor JR.
“Aba magandang balita nga iyan mahal ko!” natutuwang wika ni Tatay Lando.
“Mabuti at nagustuhan ni Mayor ang ating mga halaman. Huwag kang mag-alala at madami tayong mga malulusog at magagandang halaman sa taniman. Salamat sa Diyos at patuloy tayong ginagabayan sa araw-araw,” nagagalak na sambit ni Tatay Lando.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ng mag-anak. Malaking tulong ang mapagbibilhan ng mga halaman sa kanilang kabuhayan. Mababanaag sa kanilang mga mukha at kilos ang kasiyahan at determinasyon na ipagpatuloy ang unti-unting umuunlad na negosyo na pinagsikapan ng mag-anak. Batid nila ang kahalagahan ng paghahalaman hindi lamang bilang magandang palamuti sa kapaligiran at pagbibigay ng mga ito ng sariwang hangin kundi isa ring epektibong paraan na pagkakitaan at marangal na kabuhayan ng isang pamilya na tulad nila na dumaan sa pagsubok na dulot ng pandemya. Para kay Maria na namulat at lumaki sa pag-aalaga ng mga halaman, nakakintal na sa kaniyang isipan ang pagmamahal sa mga ito. Bilang isang munting hardinera, ang paghahalaman ay patuloy niyang mamahalin at kagigiliwan.