Return to site

ANG MUNDO NI HELENA

ni: ROMALYN DELOS SANTOS-YEMA

(Ang kuwentong ito ay para sa mga batang may autism. Kayo ang patunay na ang pagmamahal ay hindi kailangan ng salita. Ipinapakita rin sa kuwentong ito ang ang isa mga kilalang kaugalian ng mga Pilipino, ang pagmamahal sa pamilya.)

“Maganda umaga ate!” bati ng aking kapatid habang ako kay gumagawa ng aking takdang aralin. Siya si Helena ang aking bunsong kapatid, siya ay limang taong gulang lamang. “Heto ka na naman, guguluhin mo na naman ako sa aking ginagawa!” ang sagot ko sa kanya. Siya ay likas na malikot at madalas manggulo tuwing ako ay may ginagawa. Kaya madalas akong mainis tuwing lumalapit siya sa akin.

Narinig ako ni nanay kaya ang sabi niya, “Hannah, binabati ka lamang ng iyong kapatid bakit mukhang naiinis ka naman.” “Mama, baka kasi guluhin naman ako at sirain ang mga gamit ko” ang sagot ko kay nanay. “Diba sinabihan na kita tungkol sa kapatid mo at baka gusto lamang niyang makipaglaro sa iyo” sabi naman sa akin ni nanay. Si Helena ay sabik na makipaglaro sa akin dahil wala siyang ibang nakakalaro sa amin. Madalas ay ayaw siyang kalaro ng mga bata sa kapitbahay dahil sa tingin nila ay kakaiba siya. Madalas siyang inaasar ng ibang mga bata.

Sinabihan ako ni nanay at tatay na si Helena raw ay nadiagnosed na may ASD o Autism Spectrum Disorder. Madalas na kakaiba ang kanyang mga ginagawa kumpara sa mga batang kaedad niya. Napapansin ko nga na mukhang mayroon siyang sariling mundo. Kapag kinakausap naman siya ay hindi kayang tumingin nang diretso sa mata. Kaya mahabang pasensya at malawak na pang-unawa ang ipinapakita nina nanay at tatay sa kanya. May iba man sa kanyang mga ginagawa pero ay hindi raw ibig sabihin na kakaiba at may kulang sa kanya.

Isang araw, nagpaalam si Helena na lalabas at makikipaglaro sa mga bata. Ngunit wala pang sampung minuto ay umuwi ito at umiiyak. “Bakit ka umiiyak?” ang tanong ko sa kanya. “Asar ako mga bata, ayaw laro sa akin” ang sagot niya. Kung mapapansin ay hindi pa diretso ang kanyang salita kahit siya ay limang taong gulang na. Ang sabi ni nanay at tatay ay hindi raw siya maagang nakapagsalita dahil na rin sa kanyang kondisyon. Ako ay nalungkot para sa kanya, alam kong gusto lamang niyang makipaglalaro sa ibang mga bata ngunit inaasar lamang siya ng mga ito.

“Halika tayo na lamang ang maglaro, ano ba ang gusto mong laro?” ang sabi ko sa kanya. Kinuha niya ang mga laruan niya at tumabi sa akin. Pinagtabi-tabi niya ito at bumuo ng linya na mukhang tren. Madalas na ganito ang kanyang ginagawa, ang sabi sa akin ni nanay at tatay ay ganito ang isa sa mga sintomas ng kanyang kondisyon. Ilang minuto ko rin siyang pinagmamasdan sa kanyang ginagawa at mukha itong seryosong seryoso na mukhang may sariling mundo. Ayaw niyang magpaistorbo sa kanyang ginagawa at ayaw din niyang pinapakailaman ang kanyang mga gamit.

Pagkalipas ng isang oras ay mukhang nagsawa naman siya kanya ginagawa. Kinuha naman niya ang mga gamit sa pagguhit at pagpinta, umupo siya sa harap ng kanyang lamesa at nagsimulang gumuhit. Sa kanyang murang edad ay mapapansin ang kanyang angking talento sa pagguhit at pagpinta. Ang kanyang mga guhit ay parang likha ng mas matanda sa kanya. Napakalawak ng kanyang imahinasyon kaya magaganda ang kanyang mga likha. Mahilig siya sa mga letra at numero kaya ito ang madalas niyang mga iginiguhit o ipinipinta. Ang mga letra at numero ay mukhang may mga sariling buhay at sariling kuwento.

Ang sabi raw ng doktor kina nanay at tatay na karamihan sa mga batang may autism ay may mga angking talino katulad ni Helena. Dalawang taon pa lamang siya ay marunong nang magbasa. At napakagaling din sa Matematika. Ang problema lamang ay hindi pa siya makausap na katulad ng mga batang kaedad niya. Madalas na naglalaro mag-isa at ikot lamang ng ikot.

Isang araw, umuwi akong malungkot dahil inaway ako ng isa kong kaklase. Napansin siguro niyang malungkot ako kaya lumapit siya sa akin. “Ate bakit ikaw lungkot?” sabay yakap niya sa akin. “May nang-away kasi sa akin” ang sabi ko. “Sama ‘yun mang-away, sumbong mo tatay” ang sagot niya. “Oo, kaya ikaw huwag mo ‘yung gagawin sa iba ha” ang sabi ko sa kanya. “Opo ate, kiss na lang kita para di kana lungkot.” Biglang nawala ang inis at lungkot ko pagkatapos niya akong yakapin at halikan. Napakalambing na bata talaga ni Helena. Siya ang nagbibigay saya at kulay sa aming pamilya.

Napagtanto ko na si Helena ang pinakamagandang regalo sa aming pamilya. Sa kanya mo makukuha ang purong pagmamahal na hindi mo makikita sa iba. Ang kanilang pagmamahal ay walang hinihinging kapalit. May iba man sa kanyang kilos at ginagawa pero hindi ibig sabihin ay may kulang sa kanya. Sa mga katulad ni Helena na may ganitong kondisyon ay walang ibang taong unang tatanggap sa kanila kundi tayong kanilang pamilya. Ang kanilang pinakamahalagang kailangan ay ang ating pagtanggap, pagmamahal at malawak na pang-unawa sa kanilang kondisyon.