Return to site

ANG MULTO

VINCENT CARLO P. DIGAL

· Volume IV Issue IV

Bata palang ako tinuruan na ko ng tatay ko kung paano maging matapang. Sabi niya sa'kin, wag daw akong maniniwala sa mga bagay na hindi ko nakikita.

Kaya, lumaki akong hindi naniniwala sa white lady, aswang o tikbalang.

Sa mga espiritong nasa lupa, o nasa ilog o lawa. Hindi.

'Wag daw akong maniwala sa mga bagay na hindi nakikita ng mata.

Mali siya.

Habang lumalaki ako, napanto kong mali ang tatay ko.

Hindi lahat ng kaya mong paniwalaan ay nakikita ng mata o nararamdaman ng mga anim na pandama.

Nakikita ito ng puso at nararamdaman ng kaluluwa.

Kaya totoo ang multo, katulad mo na higit pa sa white lady, aswang o tikbalang. Multo ka ng sarili mong anino, ng nakaraan. Iniwan mo ako't hindi ka nagpaalam. Hindi kana nagparamdam, hindi na kita natanaw. Hindi na kita mahanap.

Multo ka, at minumulto ako ng bakas mo, anino mo, ng ala-ala mo twing gabi, o madaling araw.

Hindi man kita nakikita ay dama ng kaluluwa ko sakit ng pag-iwan mo.

Kaya hindi lang sa kanyang makita ng mata ang pwedeng paniwalaan ng tao, pati nararamdaman. Tulad mo, naniniwala na ako sa multo.