I. Ang Manghahabi
Ang bawat makukulay na hibla,
ay mga pangyayari sa ating buhay.
Minsan masaya, minsan malungkot,
may pagkakataon ding naduduwag, natatakot
ngunit lahat ay mga alaala
na sa mga gintong hibla’y nababalot,
Ang mga ito ang bumubuo ng mga adhikain,
mga naisin, mga ginuhit na pangitain
ng damdaming minsan ding inilihim.
Kapag nauubos ang rolyo ng sinulid
pilit nilalagyan muli ang karayom
dahil di natatapos sa isang sulyap
ang pagbuo ng isang senaryo.
Ang bawat tusok sa tela
ay alaalang di na maaring balikan
at nakatatak na sa puso;
ang mga iyon ay pangwalang-hanggan.
Ang bawat pagtingin sa padron
ay katumbas ng pagsulyap sa iyong mukha
upang malaman ang iyong kalagayan,
pinipilit kang makita kahit sa panaginip,
baka sakaling makasama sa hangin pag umihip.
Ang bawat pagtatago ng tela at pagpapahinga
ay paghahanda sa susunod na araw
na aasamin ulit ang muling pag-uwi -
naghihintay, nagbabantay, nagninilay,
dahil baka may kumaway at ikaw ay masinsay
sa kanilang tinging mapandaya.
Mahal kita na tulad ng isang gagamba
na binubuhos ang panahon sa paghabi ng tirahan,
binubuhos ang lahat ng sa kanya
upang makagawa ng isang bagay na sisimbulo sa pagtitiis,
pagtitiyaga, pagmumunimuni, pagdarasal,
paghihintay, pag-asam, pagtatagumpay.
At kung mabuo ang hinabi, sa liwanag ng araw ay makikita,
kikinang, hindi ang hinahabi,
o ang mga buhol na nakatabi,
kundi ang bawat hiblang sadyang dalisay,
na mula sa puso inaalay.
II. Ang Manghahabi at ang Dibuhista
Sabay tayong naganyak sa sikat ng araw
Sabay humanga sa mga bulaklak ng tag-ulan
Sabay din nagdisenyo ng kakaibang tanglaw
Na nagbigay-kulay dito sa mundong ibabaw.
Gumagamit ka ng pinsel, ako nama’y sinulid
Magkatabi tayo, gamit mo’y kaliwa, ako’y kanan
Nagsasaysay ng talinghaga, bawat aking binubulid
Ikaw nama’y hiwaga, sa itim na anino sinisilid.
Nang tayo’y magtagpo, ninais natin ang maghapon
Ngunit minsan sadyang maikli, palabiro ang panahon
Pagkat nang ika’y umusbong, bukang-liwayway noon
At ako’y paalis na nang dumating ang dapit-hapon.
Isang himala lang ang magbubuklod sa ating dalawa
Kung ang Maykapal ay kumilos at pagtagpuing muli
Pagkatapos ng takip-silim, pagkatapos ng pag-idlip
Kung loloobin ng Diyos, muli kang mamamasid.
Ako’y naandoon sa pagsikat ng araw
Naghihintay, nag-aabang, na muli kang matanaw
Baka sakaling sa hinahabi, ika’y muling makatagpo
At makita ko ang liwanag sa mukha ng ‘yong dibuho.
III. Ang Takip-Silim ng Magkaibigan
Maghapon kitang minasdan
Ngunit di ko nasilayan
Ningning sa’yong mata
At lubos na katuwaan.
At ngayo’y magtatakip-silim na
Di ko pa rin maaninag
Ang inaasahang ngiti
Ay di nga ata mababanaag.
Ngunit huli ko nang maalala
Na ako’y nakatingin sa salamin
At ang aking nakikita
Ay ang sariling damdamin.
Yamang tayo’y maghihiwalay
At di muling magkikita
Ang lungkot sa puso ko’y
Di kayang ipinta ng dibuhista.
Ngunit ako’y aasa pagdating ng umaga
Sa pagsilip ng araw doon sa silangan
Kasabay ng umaga, aking aabangan
Iyong pagbabalik na may pag-ibig na tangan.
IV. Isang Pintig
Isang Amerikana, isang labaha
Ginamit, inayos, hanggang niluma na
Tumagal, tumibay, di ninais mag-iba
Ginusot, nilumot, ngunit maayos pa.
Isang sipilyo, isang pabango
Pagkatapos kumain, at tuwing maliligo
Kung saan kinukuha, di nagbabago
Kung saan isasauli, nasasaulo.
Isang sapatos, isang gastos
Sa alikabok, di nauupos
Kung paglalakad di natatapos
Sa pagharap nama’y walang amos.
Isang taon, isang panahon
Pinaglayo sa ngayon
Magkahiwalay sa maghapon
Magkasama naman sa hamon.
Isang pag-ibig, di isang panaginip
Sa puso’y iisa ang pintig
Sa Maykapal isang tinig
Sa pagdarasal na magkaniig.
V. Kinaon Kita, Ihatid Mo Ako
Sa pagdaan ng panahon ay marami tayong natutunan
Na ang mahabang lakbayin ay nagiging maikli pag binabalikan;
Ang mahirap na gawain ay nagiging madali pag may kwentuhan;
Ang imposibleng tanawin ay nagkakatotoo pag may samahan;
At ang delikadong tunguhin ay nagiging maalwan kapag may tawanan.
May mga panahong tayo’y tahimik, kapag kinausap ay di umiimik
Bulong man, silip o hibik, minsan mata’y naniningkit,
Nagpapagupit, pumapangit, nagagalit, ngunit saglit
Pagkat sa isip di mawaglit, anumang gawa, sumisingit.
Lumalakad ang panahon, umuusad parang pagong
Minsan mabilis parang alon, pagbagsak parang talon
Nasusunog ang sinaing, ang tinapay ay umiitim
Ang mahaba, pinapaputol, kapag may sira binubuhol
Nauubos ang tinta, nagpapalagay sa Imprenta,
Tulad ng buhay, nagpapalit, kahit ayaw, anumang pilit.
Ngunit ganoon ata talaga, may simula may wakas,
May pagsikat, may paglubog, may kinakaon, may hinahatid.
Pinakatatangi ka sa pagtingin, nawa’y wag matapos ang pagturing
Lagi kitang aalalayan, hanggang sa ako ay magpaalam.
Yamang kita’y kinaon at sinamahan ka nitong hangin
Ako nama’y samahan at ihatid mo ng tingin.
Sa aking paglisan, ariin mong ako’y isang bulong lang
Na sa iyo’y nagparamdam at paglaon ay wala lang
Ilibing mo ako sa alaala at magpatuloy kang maglakad
Patuloy kang mangarap ng hangaring walang katulad.