Return to site

“Ang Makasaysayang Simbahan”

Juvelyn R. Atienza

· Volume I Issue III

Nakarating ka na ba sa pinakamalaking simbahan sa buong Asya? Bata pa lang ako, isinasama na ako doon ni mommy at daddy. Ngunit nagkakamali ka kung inaakala mong ako ay isang anak-mayaman, ako ay nagmula lamang sa isang simpleng Batangenyong pamilya. Payak man ang pamilyang pinagmulan ay naging posible sa akin na makarating ako doon ay dahil ang pinakamalaking simbahan sa buong Asya ay makikita sa Pilipinas. Ang Simbahan ng Taal ay kilala din sa tawag na “Basilica of St. Martin of Tours”. Ito ay matatagpuan sa bayan ng Taal sa lalawigan ng Batangas na hindi kalayuan sa aming bayan. Kung hindi ka pa nakakarating dito, hayaan mong isalaysay ko ito sa iyo.

Kung pagmamasdan ang labas ng dambuhalang simbahang ito ay mababakas ang mga kwento ng makalumang panahon. Pinanatili ang lumang disenyo nito at hinahayaan ang orihinal na pigura para masaksihan ng mga tao sa kasalukuyan ang haba ng panahon na nilakbay nito. Mapapanganga ka sa sobrang taas nito na mistulang malapit na sa bughaw na langit. Talagang nakakamangha ang malalaking haliging bato na bubungad sa iyo sa pagitan ng bawat pinto.

Sa tuwing pumapasok ako sa lugar na ito noong bata pa ako, pakiramdam ko ay isa akong prinsesa, si “Princess Sarah” mula sa paborito kong panoodin noong ako ay nasa elementarya pa lamang,“Sarah, ang Munting Prinsesa” sapagkat ang laki ng simbahang ito ay maihahalintulad ko sa napapanuod kong malalaking imprastrakturang paaralan na kung saan nagtatrabaho ang bida sa palabas na si Sarah. Ngayong nagkaedad na at may wasto nang pag-iisip, namamalukag pa din ako sa tuwing masisilayan ko ang taglay nitong kariktan. Hindi ko pa din lubos maisip na ako ay nasa loob ng makasaysayang simbahan ng Taal at malayang nahahawakan ang bakas ng nakaraan.

Nagmimistulang pumapasok sa isang museyo kapag tumingin sa mga poste pati na rin sa kisame nito dahil sa mga detalyadong pagkakapinta ng mga disenyo at larawan na sumasalamin sa mga pangyayaring isinaad ng bibliya. Mamamalas din ang pagiging konserbatibo nito dahil ang kulay sa loob ay naglalaro lamang sa gray, brown, at white. Kamangha-mangha rin ang altar nito na may palamuting ginto at nakatayong istatwa ni Hesus sa gitna. Napakagaan ng pakiramdam kapag nasa loob ng simbahng ito dahil sa liwanag at hanging dumadampi na nanggagaling sa mga bintana mula sa taas. Mistulang ikaw ay karugtong ng kalikasan sa loob nito sapagkat ang mga ibon ay labas-masok dito mula sa malalaking bintana sa taas.

Kung iisipin natin, sa bilis ng pagbabago ng panahon, napakapalad natin na may ganitong lugar pa rin na sumasalamin sa kasaysayan. Sa huli, masasabi kong bahagi na rin ako ng kasaysayan ng pinakamalaking simbahan sa Asya. Mula sa pintuan ng malaking simbahang ito ay saksi ang mga tindera ng mani at panutsa ay dahan dahan kong hinakbang ang isang daang metro bago marating ang altar habang patuloy ang pagtindig ng aking mga balahibo sa kaba namalayan kong narating ko ang kinatatayuan ng lalaking bumihag ng maingat kong puso. Sa malaking simbahan na ito ay nasaksihan ng malalapit na kamag-anak at mga kaibigan ang sumpaan na tapat na magmamahalan at magsasama hanggang wakas sa hirap man o ginhawa. Masasabi kong sa lugar na ito ay natapuan ko ang labis na kaligayahan.


Ikaw? Gusto mo rin bang maging bahagi ng kasaysayan nito?