Bawat nilalang ay may kanya-kanyang panlasa. Iba’t iba ang paboritong ulam. Para sa aming magkakapatid, “Ang Mahiwagang Ulam “ ang aming paborito.Paulit-ulit man itong ihain sa hapag kainan ng aming inay ay nanatiling masarap ito sa aming panlasa.
Nakakatawang isipin na lumaki kami sa ginataang kamansi “Ang Mahiwagang Ulam “ para sa amin .Araw araw nitong binubusog ang kumakalam naming sikmura noon. Marahil ito ang dahilan kung bakit ito ang aming paborito. Alam naming ito lang ang kaya ng aming inay at tatay.Tinuruan namin ang aming mga sarili na maging paborito ito dahil wala naman kaming ibang pagpipilian.Ayaw naming malungkot at makaramdam ng labis na kawalan ang aming mga magulang noon kaya siguro naging paborito na namin ito.
Isang kapitbahay ang nagsabi at nangutya ,mabuti daw at kahit paulit-ulit ihain ay kinakain pa din namin,ayon sa kanya ay hindi nag-uulit ng ulam ang kanyang mga anak. Sanay may lakas ako ng loob at nasabi ko sa kanya noon na ang paulit-ulit na ulam na ito ang nagbibigay ng lakas sa amin.Hindi ko man ito nagawa dahil sa kamusmusan ko noon, batid ko na bahagi na ng kasaysayan ng aming tagumpay ang “Ang Mahiwagang Ulam” na ito.
Paulit-ulit man ito noon,mananatiling “Ang Mahiwagang Ulam” ay isa na sa mga paborito namin sa kasalukuyan. Para sa akin,ang mga hindi ko makakalimutang karanasan kasama ng aking mga kapatid ay ang saya sa tuwing tulong tulong naming inihahanda ito upang mailuto at ang lakas ng mga dighal sa sobrang pagkabusog na aming naramdaman noon.Hindi din mawawala sa alaala ang paulit-ulit na kuwentuhan at pangangarap ng gising habang pinagsasaluhan namin ang napakasarap na ginataang kamansi.
Napakasarap balikan ng nakaraan.Sana ay muli kaming magkasalo-salo kasama ang paborito namin noon at kailanman ,”Ang Mahiwagang Ulam”.