Walang sikretong hindi mabubunyag.
Sa isang malawak na bulwagan na puno ng mga santong nakapalibot at mga kandilang nakatirik. May isang pamilyang sabay na hawak-hawak ang rosaryo at banal na aklat. Sila ay imahe ng kabanalan at kadalisayan sa buong baryo. Ang ilaw ng tahanan na si Edna ay nasa apatnapung taong gulang, isang masugid na deboto ng mga santo, mayroong malumanay na boses at mayuming mukha. Iginugol nito ang bawat sandali ng kanyang buhay bilang isang tagapaglingkod ng simbahan. Ang haligi ng tahanan ay si Arturo nasa limampu’t tatlong taong gulang, may matikas na pangangatawan at ang tindig ay tuwid ngunit, taglay ang kababaang-loob na tila isang repleksyon ng tunay na mananampalataya. Ang kanyang boses ay mababa at mahinahon bawat bigkas ng salita ay parang musika na hatid ay kaliwanagan at pag-asa. Ang panganay na anak na lalake si Miko nasa dalawampu't tatlong taong gulang. Kilala sa kanyang pagiging maginoo at pagkakaroon ng bukal na kalooban at malasakit sa kapwa. Ang pangalawang anak naman na babae ay si Mikha nasa dalawampung taong gulang. May malumay na boses at mala-anghel na pagmumukha. Ito'y palaging bitbit ng ina sa simbahan. Ang bunso ay si Michael, sampung taong gulang. Bakas sa kanyang mukha ang pagiging masiyahin at bibo. Mahal siya ng lahat sapagkat, ang kanyang tawa ay nakakagaan ng kalooban kahit sa pinakamasungit na panahon. Lahat ng tao sa baryo ay hinahangaan ang pamilya banal, sila ang nagsilbing magandang modelo at inspirasyon ng mga taga-baryo.
Isang araw, habang ang mag-asawa ay naghahanda para sa gagawing pagdarasal sa nalalapit na Pista ng Santo sa kanilang baryo ay bigla na lamang naglaho na parang bula ang bunso nilang anak. Nagkagulo ang lahat, nilibot na nila ang buong bahay ngunit, walang naiwang bakas ng bata ang natagpuan. Nagsimula nang mag-alala ang mag-asawa at walang magawa kundi ang maghintay sa kanilang pinakamamahal na bunsong anak at nagbabasakaling ito'y bumalik. "Anak, Michael nasaan kana?" sambit ni Edna habang unti-unting pumapatak ang luha sa kanyang mga mata. Dahan-dahang pinuntahan ni Arturo at pinakalma ang asawa. "Uuwi ang ating anak. Wag kang mawawalan ng pag-asa. Siya ay ating matatagpuan. Gagawin ko ang lahat kahit ang kapalit nito ay ating kaligtasan.” Wala nang nagawa pa ang pamilya kundi ang maghintay. Halos sampung oras na ang nakakalipas at hindi pa rin bumabalik si Michael nang biglang tumunog ang telephono. Dali-dali itong dinampot ni Arturo at sinagot. "Hello? Sino po ito?" at sumagot naman ang kabilang linya. "Hahahahaha (mapang-asar na tawa) Hindi mo na ba ako kilala? Kay tagal rin ng panahon na hinintay ko itong mangyari. Ang laki-laki ng utang mo sa akin. Wag ka nang magmaang-maangan pa. Alam mo kung saan mo ako matatagpuan kung gusto mo pang makita ang pinakamamahal mong anak." Sambit ng kabilang linya. Nagugulumihan man ang ama ay wala itong magagawa kundi iligtas ang kanyang anak. "Mahal, kailangan kong iligtas ang ating anak. Matagal ko nang tinalikuran ang aking pinagmulan ngunit, kailangan nating kumilos. Ang pagdarasal ay isa lamang sandata upang tayo ay gabayan sa ating mga desisyon subalit, buhay ang nakasasalay rito." Dali-dali itong nag-impake ng mga gamit na dadalhin niya sa kanyang paglalakbay. "Miko, Mikha, alagaan ninyo ang inyong ina habang wala ako. Ipangako ninyo sa akin na hinding-hindi ninyo siya iiwan." Sila'y sabay na sumagot ng "Opo, Itay." at pinuntahan ng niya ang kanyang asawang nakadungaw sa bintana at hanggang ngayon ay hinihintay ang pagbabalik ng bunso. "Mahal, wag kang mag-alala. Uuwi ang ating bunso na ligtas. Pangako ko sa'yo yan." Dali-dali itong pumanaog sa kanilang bahay at tinahak ang liblib na daan papunta sa lugar kung saan niya matatagpuan ang anak. Sa kanyang paglalakad ay nakakabinging katahimikan ang siyang maririnig at ang makikita ay nagsisitaasang mga puno. Alam niyang malapit na siya sa kanyang paroroonan at unti-unting bumalik ang sariwang ala-ala ng kanyang kabataan. Ang buhay na mayroon siya noon na pilit niyang tinalikuran sa ngayon. Biglang naaninag niya ang lumang paktorya na nakatirik sa gitna ng kagubatan at sigurado siyang nandito ang kanyang anak. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto nito. Nilibot niya ang kanyang paningin sa madilim na paligid at biglang may hinampas na mabigat na bagay sa kanyang ulo. Nahilo ito ngunit, may naaninag itong pamilyar na mukha bago tuluyang matumba at mawalan ng malay.
Makaraan ang ilang oras ay nagising siya at ramdam na ramdam niya ang kirot dulot nga sugat sa kanyang ulo. Ang kamay at paa niya ay parehong nakatali sa upuan. Ang kanyang bibig ay may busal na siyang humahadlang sa kanya upang sumigaw. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang ulo at laking gulat nito sapagkat, nakatayo sa kanyang harapan ang lalakeng matagal na niyang hindi nasisilayan. Ang lalakeng may malaking parte ng kanyang nakaraan. Ito ay matikas, matangkad, at ang kanyang edad ay nasa limampung taong gulang. Ang katawan nito ay puno ng makukulay na tinta at ang mga mata'y nanlilisik. Makikita sa ekspresyon ng kanyang mata ang galit at poot. "Kilala mo pa kaya ako? Kay tagal na rin ng muli tayong nagkita." Pilitin man niyang magsalita ay walang letrang lumalabas sa kanyang mga bibig maliban sa tunog. "Kung hindi ko pa pala kinuha ang pinakamamahal mong anak ay hindi mo pa ako pupuntahan rito. Wala kang utang na loob. Balita ko'y kilala ang inyong pamilya bilang isang imahe ng kabanalan. Marahil, hindi pa nila alam ang malagim mong sikretong pilit mong kinalimutan, KUYA. Sabay suntok nito sa mukha.
Sa kabilang dako naman ay alalang-alala ang magkapatid na Miko at Mikha dahil nakikita nilang balisang-balisa ang ina at hindi mapirmi sa iisang lugar. Hindi na nila kayang matiis na makita ang ina sa ganitong kalagayan kaya ay nilakasan nila ang kanilang loob upang tanungin ito. "Nay, bakit ba hindi ka mapakali? Ano bang nangyayari sayo?" marahan na tanong ni Mikha sa ina. Sumagot naman ito "Nasa kapahamakan ang inyong ama at bunsong kapatid." Sumagot naman si Miko "Bakit po ninyo iyan nasabi? Hindi pa naman natin alam ang totoong nangyari." Dahan-dahan siyang lumapit sa kanyang nga anak at sinabing "Marahil ay bumalik na siya. Bumalik na si Danilo.” Biglang nagkatinginan ang magkapatid "Nay? Sino po ba siya? Sino po si Danilo?" sambit ni Miko. Tinawag nito ang dalawang mga anak upang umupo sa sofa at ipinaliwanag ang lahat sa kanyang mga anak. "Miko, Mikha, kayo ay nasa tamang edad na. Ang nais ko lamang ay lawakan ninyo ang inyong pag-unawa sa inyong ama at sa mga sasabihin ko sa inyo ngayon." Naguguluhan man ang magkapatid ay nakinig sila sa kanilang ina at nangako. "Ang inyo ama ay may malaking sikretong matagal nang tinatago. Sikretong kami lamang dalawa ang nakakaalam. Sikretong pilit naming kinalimutan. Sikretong tila isang bangungot na kahit dalawang dekada na ang lumipas ay pilit pa rin kaming hinahabol ng masalimuot niyang nakaraan. Ang inyong ama ay mayroong nakababatang kapatid. Ito ay si Danilo. Sa murang edad na labing-tatlo at sampu ay namatay ang kanilang ina sa sakit na kanser. Sa sobrang kalungkutan, makalipas ang isang taon ay sumunod ang kanilang ama. Silang dalawa ay naging ulilang-lubos. Wala silang kamag-anak na maari nilang hinggan ng tulong, upang mabuhay ay kumapit sila sa patalim. Sila'y napasok sa illegal na mga gawain. Nag-umpisa silang magnakaw upang matakpan ang kumakalam nilang sikmura. Ang inyong ama ay awang-awa sa kanyang kapatid, sa murang edad na sampu ay kailangan niyang pagdaanan ang pait ng buhay. Isang araw ay may nakakita sa kanilang isang miyembro ng malaking sindikato at nag-enganyo sa kanila upang sumali sa kanilang grupo. Dito ay natutunan nilang manloko ng kapwa katumbas ang malaking halaga ng pera. Nagkita naman kami ng ama ninyo dahil isa akong empleyado sa dating bar na palagi nilang pinupuntahan ng kanyang kapatid na si Danilo upang magliwaliw sandali. Doon ay nahulog ang aming loob at napagdesisyonang magsama. Isang araw ay pinasok ang paktoryang pinagtataguan ng inyong ama at kanyang mga kasamahan. Nagkagulo na ang lahat at nagpalitan na ng mga putok. Maraming namatay na kasamahan ng inyong ama. Sa sobrang takot ay nagtago ang inyong ama ngunit, si Danilo ay nadakip ng mga pulis. Galit na galit ang inyong ama sa kanyang sarili sapagkat, hindi niya nailigtas ang kapatid. Mas pinili niyang magtago upang makabalik sa akin sapagkat, kami’y nabiyayaan ng supling at ikaw yun Miko. Lumipat kami ng inyong ama at nangakong itutuwid namin ang aming mga buhay. Nagsimula kaming magtiwala sa diyos at maglingkod upang mabayaran namin ang aming mga kasalanan at pagkukulang sa kanya. Ngayon, nakalaya na si Danilo marahil ay may bitbit itong poot sa kanyang puso dahil hindi tinupad ng inyong ama ang kanyang pangakong hinding-hindi niya iiwan ang kanyang kapatid anuman ang mangyari.” Gulat na gulat ang dalawang magkapatid sa kuwento ng kanilang ina. Hindi nila lubos na maunawaan na ang kanilang ina at ama na tila isang imahe ng kabanalan at kadalisayan ay may malagim na nakaraan. Sikretong kasuklam-suklam at tila suntok sa buwan na mapaniwalaan ngunit siyang tunay at totoo na dapat nilang unawain at tanggapin.
"BOOGSH" tunog na galing sa isang malakas na suntok. "Ito ang ganti ko sa iyo dahil hudas ka! Hudas! Iniwan mo ako sa ire. Binitawan mo ang iyong pangako sa aking hindi mo ako iiwan. Hinayaan mo akong makulong. Alam mo ba ang buhay sa kulungan? Hindi mo alam ang sakit at paghihirap ko sa loob. Kahit minsan ay hindi mo man lang ako dinalaw. Kinalimutan mo ako. Kinalimutan mo ang sarili mong kapatid". Tumulo ang luha sa mata ni Arturo. Ramdam nito ang dinanas na lungkot ng kapatid ngunit wala itong magagawa. Kailangan niyang magpakalayo upang maprotektahan ang asawa at anak. Kinuha ni Danilo ang busal sa bibig ng kapatid at hinayaan itong magsalita."Danilo, patawarin mo ako kung hindi ko man natupad ang aking pangako. Naguguluhan ako ng mga panahong iyon. Nais ko ng umalis sa grupo at magbagong buhay kasama ng aking asawa at magiging anak. Gusto kong kumalas pero naghihintay lamang ako ng tamang oras. Hindi ko lubos akalain na mangyayari iyon. Sa takot ko ay nagtago ako at nabalitaan kong dinakip ka at kinulong. Wala akong maggagawa Danilo. Mahirap lang ako at kapag pinuntahan kita ay baka balikan ako ni boss at may mangyaring masama sa pamilya ko. Sana maunawaan mo iyon. Sumagot naman si Danilo "Unawa? ngayon pa? Hindi ko kailangan ng awa mo. Ngayon ipaparamdam ko sa'yo kung paano mawalan ng mahal sa buhay. Gusto kong makita kang nahihirapan katulad ng paghihirap na naranasan ko. Sampung taon ako ng mawala ang ating mga magulang at ngayon sampung taon na rin ang bunso mo. Ngayon, ipaparanas ko naman sa'yo kung paano mawalan ng anak." Pinilit na makawala ni Arturo sa tali at malakas na isinigaw. "Danilo, Huwag! Huwag! maawa ka sa anak ko danilo. Maawa ka sa iyong pamangkin. Ako nalang danilo, ako nalang ang gantihan mo." Tumawa lamang ito at sinabing "Totoo nga ang balitang mahal na mahal mo ang iyong mga anak. Kahit buhay mo'y ibibigay mo sa kanila pero huli na ang lahat. Huli na". Sumagot naman si Arturo "Danilo inaamin ko. Nagkulang ako sa'yo bilang isang kapatid. Ramdam ko ang iyong pangungulila. Pero mali ang iniisip mong tuluyan kitang iniwan sa ere. Sa loob ng dalawang dekadang ikaw ay nakakulong walang araw na lumipas na hindi kita inisip. Walang araw na lumipas na nawaglit ka sa aking isipan. Araw-araw ay dala-dala kita sa aking pagdarasal. Danilo, pilitin mong magbago at kilalanin ang diyos. Danilo pilitin mong hanapin ang liwanag sa gitna ng dilim. Wag mong hahayaang lamunin ka ng iyong galit. Mahal kita Danilo. Tama na kapatid. Umuwi na tayo at muli ipinapangako ko sayong hinding-hindi na tayo maghihiwalay." Biglang naliwanagan si Danilo at tila nakikita niya ang repleksyon ng Poong Maykapal sa kapatid. Binitawan niya ang patalim at napaluhod. Humagulgol siya ng malakas at nagsusumamo. "Panginoon, patawarin po ninyo ako." at tinanggal nito ang taling kanyang iginapos sa kapatid at pamangkin. Nagulat na lamang ito ng yakapin siya ng kapatid at sambitin ang mga katagang "Danilo, anuman ang mangyari. Ikaw ay aking kapatid. Alam kong ginawa mo lamang ito dahil galit ka sa mundo. Galit ka, sapagkat akala mo’y walang nagmamahal sa’yo. Akala mo’y palagi ka nalang iniiwan. Wag kang mangamba kapatid, kailanman ay hindi na tayo maghihiwalay pa. Pinapatawad na kita." Hindi na mapigilan pa ni Danilo ang kanyang sarili at niyakap ng mahigpit ang kanyang kapatid.
"Nanay, nandito na po ako". Dali-daling pumanaog si Edna ng muli nitong marinig ang tinig ng kanyang bunsong anak. Niyakap niya ito at hinalikan. "Anak, anong nangyari sayo? May masakit ba sayo? Okey ka lang ba?" Tumawa naman ang anak at sinabing "Nay, dahan-dahan lang po. Opo. Okey lang po ako. Kasama ko po si Tatay at Tito Danilo. Nag-iba ang ekspresyon ni Edna, ngunit bago pa man nito ibuka ang kanyang bibig ay inunahan na siya ni Arturo. "Mahal ko Edna, wag ka ng mag-alala. Walang nangyari sa aming masama. Si Danilo ay humihingi ng patawad sa lahat ng kanyang kamalian. Marahil ay dulot lamang ito ng galit na ilang taon niyang itinanim sa kanyang puso. Sana'y maintindihan mo na ginawa lamang niya ito dahil hindi pa niya nakikita ang liwanag. Kulang siya sa gabay at unawa. Sana'y patawarin mo siya dahil ipinangako niya sa aking siya'y magbabago. Wag nating hahayaang manatili siyang mag-isa sa dilim. Tulungan natin siya at sabay-sabay nating hanapin ang liwanag." sambit nito. Hindi man niya tuluyang maintindihan ang asawa ay hindi na nito nagawa pang magalit kay Danilo. Pinatuloy nila ito sa kanilang tahanan at ipinangakong kakalimutan na ang nakaraan.
Sa ngayon, ang pamilya ay unti-unting tinulungan si Danilo na magbago at mababanaag din naman sa kanyang sarili ang kanyang pagsusumikap. Sinasama nila ito sa pagsisimba at pagdarasal. Tumahimik muli ang buhay ng mag-anak. Puno ng saya at galak ang kanilang mga puso dahil sila’y nakalaya na. Nakalaya na sa bangungot ng kanilang nakaraan. Muli’y pinatunayan ng pamilyang banal na kahit gaano man kasalimuot ang kanilang naging nakaraan, ito’y hindi hadlang upang mahanap nila ang liwanag at tuluyang magbago. Ang sikretong pilit nilang ibinaon ang siyang naging tulay upang mabuo ang kanilang pamilya at mahanap nila ang kapatawaran sa kanilang mga puso. Ipinangako rin nila sa isa’t – isa na mangingibabaw ang pag-ibig sa gitna ng poot at galit.
Gintong-aral:
Ang iyong masalimuot na nakaraan ay gamiting inspirasyon upang magbago. Huwag magtanim ng galit sa iyong puso at piliing magpatawad upang ganap mong makamtan ang kaluwalhatian ng buhay.