Return to site

ANG KUWENTO NI EGE AT DATU BAGAN: LIYAS (KAHIMUNAN-PANGAPOG) MANOBO

ni: MERIEJONE T. BAJAO

Sa isang payapang baryo sa Bolhoon San Miguel, Surigao del Sur, may isang batang babae na nagngangalang “Egé”. Si Egé ay bahagi ng tribong Manobo sa kanilang baryo, na kilala sa kanilang mayamang kultura at tradisyon. Ang kanilang tribo ay naniniwala sa Kahimunan Pangapog o "Liyas", isang ritwal na pagtitipon tipon na kanilang isinasagawa upang mag-alay at tawagin ang “Diwata”, lalo na kapag ang sakit ay hindi nagagamot o di kayay may sumanib na masamang elemento sa katawan ng isang tao.

Isang araw, ang ina ni Egé na si Susa ay nagkasakit. Lahat ng kanilang gamot at pamamaraan sa paggamit ng Herbal ay hindi tumalab kay Susa. Kaya't napagpasyahan ni Datu Bagan, ang pinuno ng kanilang tribo at ama ni Ege, na magsagawa ng "Liyas."

“Egé, pigkinahanglan ta’t tabang tu Diwatahan” (Egé, kailangan natin ng tulong ng diwata) sabi ni Datu Bagan kay Egé. "Maghahanda tayo ng ritwal ngayong gabi."

Sa gabi ng ritwal, nagtipon ang buong tribo sa silong saw bayoy (bahay) nina Egé. Isang baylan ang nanguna sa “Kahimunan Pangapog” o Liyas. Nagsimula silang umawit ng kanilang mga tud-om (awit-panambitan), nagsayaw sa tugtog kung saan ginagamit nila ang “Gumbay Dow Agong” para makasayaw ng maayos ang kanilang baylan. Habang nagtutugtog ang kanilang instrumento, ang baylan ay nagsimula naring sumayaw at tud om (umawit) hanggang sa sumanib na ang diwata sa katawan ng baylan at ang katawan ng baylan ang gagamiting instrumento upang maiparating ang kanyang gustong sabihin sa may sakit at kung ano ang dapat gawin at kung ano ang nakikita ng diwata na dahilan kung bakit ganon ang karamdaman o sakit ni Susa.

Nag-alay din sila ng mga Mamaon, apog, at budo na nilalagay sa isang maliit na platito, at nag alay rin ng mga hayop gaya ng baboy at manok sa kanilang dambana. Si Egé, kasama ang iba pang bata at matanda, ay nagsayaw rin sa gitna ng “Banig”, umaasa na maririnig ang kanilang dasal.

"Mga diwata ng kalangitan at ng kalikasan, tulungan niyo po ang aking ina," bulong ni Egé habang umiikot sa sayaw.

Habang lumilipas ang mga araw, unti-unting bumuti at lumakas ang kalagayan ni Susa. Ang kanilang paniniwala sa Kahimunan Pangapog o "Liyas" ay muling napatunayan, kayat ang buong tribo ay nagdiwang sa mabilis na paggaling ni Susa.

Isang araw, may dumating na grupo ng mga Bisaya mula sa kabilang baryo. Sila ay mga magsasaka na naghahanap ng lupain para sakahan. Si Datu Bagan ay mainit na tinanggap sila. "Magandang araw, mga kaibigan. Kami ay natutuwa sa inyong pagdating," wika ni Datu Bagan.

"Bai, kami po ay mga bisaya at nais naming makipagkalakalan sa inyo," sabi ng isa sa mga Bisaya.

"Maayo kaayo! Kami ay may mga lupain at produkto na tiyak ninyong magugustuhan," sagot ni Datu Bagan.

Nagsimula ang masiglang kalakalan sa pagitan ng dalawang tribo. Natuto ang mga Manobo ng mga bagong pamamaraan sa agrikultura, paghahanapbuhay, sayaw at musika mula sa mga Bisaya, samantalang ang mga Bisaya naman ay natuto rin ng mga tradisyonal na pamamaraan ng paghahanapbuhay, paghahabi, sayaw at musika ng mga Manobo. Ang bawat araw ay puno ng palitan ng kaalaman at kultura.

Sa paglipas ng panahon, ang baryong Bolhoon ng mga Manobo at Bisaya ay naging isang bayan na puno ng kulay at buhay. Ang iba't ibang relihiyon at tradisyon ay nirerespito ng bawat isa. Ang mga pista ay naging mas masaya at makulay, dahil sa pagsasama-sama ng iba't ibang kultura at tradisyon.

Isang gabi may “Liyas” na nagaganap sa baryo at doon ay makikita mo ang mga bisaya na dumalo at nakikisayaw sa ritwal. Habang ginaganap ang Kahimunan Pangapog, kinausap ni Egé si Datu Bagan. "Etay, natutuwa po ako na kahit magkakaiba tayo ng kultura at tradisyon, sa kanila ay nagkakaisa pa rin tayo.

"Oo, Egé," sagot ni Datu Bagan. "Sa kabila ng ating mga pagkakaiba, tayong lahat ay iisa. Ang pagkakaiba ng ating kultura sa kanila ay hindi balakid, bagkos isang ginto na dapat ipagdiwang."

At mula noon, ang baryo ng Bolhoon San Miguel ng Surigao del Sur ay naging simbolo ng pagkakaisa at paggalang sa iba't ibang kultura at tradisyon. Ang lahat ay namuhay nang masaya, mapayapa, magkaisa, at may malasakit sa isa't isa, sa kabila ng pagkakaiba ng kultura, tradisyon at paniniwala. Makalipas ang ilang taon, marami narin ang mga bisaya na nag aasawa ng mga Manobo at patuloy na namuhay na may ngiti sa labi, puno ng pagmamahal at malasakit.

WAKAS!