Ang wika ay ako
May sariling isip at pagkatao
Kaunlaran ng bansa ang minimithi ko
Para sa salinlahi ng mamamayang Pilipino.
Ang wika ay tahanan
Kumakalinga sa pusong may kalumbayan
Kanlungan ng diwang mulat sa kaganapan
Sa makasaysayang pangyayari sa bayang sinilangan.
Ang wika ay kayamanan
Hindi mawawala sa puso ninuman
Isang matatag na bansang may pagkakakilanlan
Yamang likas, wikang may karangalan.
Ang wika ay palay
Maliit na may ginintuang kulay
Sa pag-aani ay marahang tunay
Nang di matapon at masinop ng matiwasay.
Ang wika ay tubo
May taglay na tamis hanggang dulo
Ang magsasaka ay nagsisikap mapalago ng husto
Nang maging asukal, paninpla sa kapeng barako.
Ang wika ay balisong
Gawa sa aserong bakal na di kinakalawang
Ang puso ng panday ay sadyang nagdiriwang
Sa sandatang panlaban sa mananakop sa lupang hinirang.
Ang wika ay bulkang Taal
May angking kagandahan kahit sa malayuan
Sumisimbolo sa katatagan at katapangan
Nang Pilipinong tumutol magpasakop sa mga dayuhan.