Taon-taon ay ginaganap sa kaharian ng uod ang paligsahan sa paghabi ng mga magagandang kasuotan tuwing pista. Kilala ang pamilya ni Hilda na isa sa mga magagaling na tagahabi ng kasuotan. Ang nanay niya ang laging nanalo sa paligsahang ito.
“Hilda anak, hindi ko na yata kayang humabi ng kasuotan sa taong ito. Ikaw na ang papalit sa akin para sumali sa paghahabi ng kasuotan. Mahalaga ito sa akin kaya gusto ko ay galingan mo ang paghabi”, ang sabi ng nanay ni Hilda.
“Opo, inay. Pag-iisipan kong mabuti ang kasuotang aking hahabiin”, ang sagot niya sa kaniyang ina. Sa kabila nito ay nag-aalinlangan siyang sumali dahil wala siyang maisip na desinyo.
Isang umaga ay tumanaw siya sa bintana habang iniisip niya ang desinyo ng kaniyang hahabiin.
“Hilda tingnan mo ang aking katawan at hinabing kasuotan. Kutis ko ay napakakinis at makulay ang aking kasuotan. Tiyak na matatalo kita sa pista.”, ang sabi ng napadaan niyang kaibigang si Ulga.
“Oo nga, napakaganda mo aking kaibigan. Ano ba ang sikreto mo at napakaganda ng iyong kutis?” ang tanong ni Hilda.
“Naku, kahit na tayo ay magkalaban ay sasabihin ko pa rin saiyo. Alam mo ba na pumupunta ako sa ibang halaman. Sa kabilang halamanan ay may magaganda akong halaman na nakakain at nakakakuha ako ng makukulay na damit na hahabiin”, ang sagot ni Ulga.
“Hindi ba ay delikado ang pumunta roon? Masama rin ang pagkuha ng mga halamang gagamitin sa paghahabi sa kabilang halamanan”, ang tanong ni Hilda.
“Masama kung mahuhuli ako ng kapwa natin uod na kumukuha ako ng materyales sa paghahabi sa kabilang halamanan. Alam ko naman na hindi mo ako ipapahamak”, ang sagot ni Ulga.
Umalis na masaya si Ulga at naiwan pa ring nag-iisip si Hilda. Iniisip niya kong ano kaya kung gayahin niya ang kaniyang kaibigan na manguha rin ng halamang hahabiin niya sa kabilang halamanan. Ngunit sa kabilang dako ay nangingibabaw pa rin sa kaniya ang maging tapat sa pagsali sa paligsahan.
Nagsimulang maghabi si Hilda ng kasuotang isasali niya sa pista. Araw at gabi ay buong ingat niya itong hinabi.
Dumating na nga ang araw ng pista. Makikita ang makukulay na banderitas, masasarap na handa at naggagandahang hinabing kasuotan.
Sa araw ng paligsahan, dinala ni Hilda ang napakagandang kasuotan na kaniyang hinabi. Namangha ang lahat sa kaniyang ginawa. Ang kaniyang nanay ay napaluha dahil sa desinyong kaniyang ginawa.
“Ang nanalo sa paligsahan ng paghahabi ng kasuotan ay walang iba kundi si Hilda. Palakpakan natin siya”, ang pahayag ng haring uod.
“Bakit ito ang desinyong napili mo Hilda?” ang tanong ng hari.
“Araw-araw ay iniisip ko po kung bakit hindi kami lumilipat sa ibang halaman. Natuklasan ko na napakaganda pala ng kulay ng halamang aming tinitirhan at ito po ang kulay na ginamit ko. Hinabi ko rin po sa damit na iyan ang magandang mukha ng aking nanay dahil sa pinupuno niya kami ng pangaral na makontento sa aming hitsura at maging tapat sa lahat ng oras”, ang sagot ni Hilda.
Nagpalakpakan ang lahat ng uod. “Napakagaling mo aking kaibigan. Dahil sa sinabi mo ay naunawaan ko na hindi mo kailangang mandaya para manalo sa paligsahan”, ang sabi ni Ulga.
Niyakap ni Hilda ang kaniyang kaibigan. Simula noon ay natuto rin si Ulga na maghabi ng kasuotan na hindi nangunguha ng materyales sa ibang halamanan.