Mula sa harap ng kanilang pinto na may butas at tila mahuna na, masayang sinabi ni Intoy sa kaniyang mga kaibigan,
“Tara, pasok muna kayo dito sa aming bahay.”
Si Intoy ay masayahin at palakaibigan kaya naman siya ay kilala ng maraming tao sa kanilang lugar.
“Intoy, bumili ka muna ng isang kilong bigas at isang balot na tunsoy.” utos ng kaniyang Nanay.
“Sige po Nay!” mabilis niyang tugon bago itabi ang hawak niyang walis.
Lumaki si Intoy sa kahirapan. Labandera ang kanyang Nanay samantalang magsasaka naman ang kanyang Tatay. Siya din ay isang masipag na bata.
“Nay, paglaki ko gusto ko pong maging isang guro. Gusto ko pong magbahagi ng kaalaman at magturo ng kabutihang asal sa mga mag-aaral.” sambit niya sabay sandok ng kanin.
“Naniniwala ako sayo anak. Balang araw, makakamit mo din ang iyong pangarap. Mag-aral kang mabuti at maging mabait” payo ng kanyang Nanay.
“Huwag ka din makakalimot na tumulong sa mga nangangailangan kilala mo man o hindi.” dagdag pa ng kaniyang Tatay.
Bakasyon noon, sumama si Intoy sa kaniyang Tatay sa bukid upang tumulong sa pagtanim ng gulay at prutas.
“Tay, tulungan po ninyo ako” pakiusap niya habang hinihila ang isang napakalaking bagay na nakabaon sa lupa.
Nang makita nila ito, sila ay namangha. Inalis ang lupang nababalot dito. Masayang-masaya sila.
Naunang umuwi si Intoy dahil may gagawin pa ang kanyang Tatay sa bukid.
Alas tres ng hapon nang siya ay nakauwi bitbit ang nahukay nila ng kanyang Tatay sa bukid. Pawis na pawis siya. Umupo siya at nagpahinga.
“Tok tok! Tok tok!” tunog na mula sa kanilang pinto.
Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto habang naririnig ang di kilalang boses. Binuksan niya ang pinto.
“Sino po kayo? Ano po ang sadya ninyo?” gulat niyang tanong.
“Ako si Donna, pamangkin ng iyong Nanay. Taga-Maynila ako.”
“Ahh ganon po ba. Tuloy po kayo at maupo.” tugon niya sabay inayos ang bangko sa salas. Pagkatapos, tinawag niya ang kaniyang Nanay.
Habang kausap ng kaniyang Nanay ang mga panauhin, kinuha niya ang mga panggatong at nagsindi ng apoy. Isinalang niya ang kaldero na may lamang pagkain. Inilabas niya ang mga natatagong gamit sa kabinet tulad ng kutsara, tinidor, plato, at baso. Pinunasan din niya ang lamesa.
Maya’t-maya pa, dumating na din ang kaniyang Tatay at masaya nilang kinausap ang kanilang mga panauhin.
“Nais naming puntahan ang pinagmamalaking pasyalan dito sa inyong lugar, ang Busay Falls.” wika ni Donna.
“Alam ko po iyan. Malapit lang po iyan dito. Sasamahan ko po kayo.” masigla at sabik na sagot ni Intoy.
“Teka Intoy, nasaan na nga pala ‘yong nahukay natin sa bukid?” tanong ng kaniyang Tatay.
Dali-daling nagtungo si Intoy sa kusina.
“Tsaraannnnn! eto po Tay. Nilaga ko na po ang mga kamote.” malakas at nakangiti niyang tugon.
At sabay-sabay silang nagtawanan.
“Nakakamangha dahil minsan lang tayo makakuha ng ganitong kalaki na mga kamote.” sabi ng kaniyang Tatay.
“Tamang-tama para sa ating mga bisita. Halina’t pagsaluhan natin ito.” dagdag pa ng kaniyang Nanay.
Inihain ni Intoy ang mga kamote kasama ng iba pang mga pagkain. Masaya silang nagkwentuhan at nagsalo-salo.
Ang kanilang pinto bagama’t may butas at mahuna na ay maituturing na ginto dahil sa mga taong nakatira sa likod nito na handang magbukas ng pinto kung may nangangailangan at magiliw na tumatanggap ng mga panauhin na isa sa mga pinagmamalaking kaugaliang Pilipino.