Return to site

ANG BAKANTENG LOTE

ni: MARK ANTHONY J. SOMBILONA

“Wow!!!! Ito na ba ang bago nating tirahan nanay’’? Namamanghang tanong ni Lotlot sa kaniyang ina. ‘’Napakalawak ng paligid’’ saad pa niya. “Oo anak simula ngayon dito na tayo maninirahan anak’’. Masayang tugon ng kaniyang ina.

Mula sa Maynila lumipat ang pamilya ni Lotlot sa Barangay Yubo siyudad ng La Carlota. Matatagpuan sa probinsya ng Negros Occidental. Dito makikita ang malawak na taniman ng tubo at asukal ang pangunahing produkto ng probinsya. Dito rin matatagpuan ang Makasaysayang Central Azucarera de La Carlota na pinatayo pa taong 1916.

“Hmmmmmm masarap ang simoy ng hangin nanay, pwedi po ba kami ng aking mga kapatid sa labas?’’. Pagpapaalam ni Lolot sa kaniyang ina. ‘’ Aba oo naman anak pero huwag kayong magpasaway sa ating mga kapitbhay”. Ang paalala ng kaniyang ina.

Araw- araw sina Lotlot at ang kaniyang mga kapatid kasama ng iba pang mga bata ay masayang naghahabulan sa bakanteng lote. Dito sa malawak at berdeng damuhan masaya silang naghahabulan pagkatapos ng klase at tuwing papalubog na ang araw.

“Nanay, Tatay masaya talaga mamuhay dito sa probinsya malaya akong makipaghabulan at makipaglaro sa ibang bata kasama ng aking mga kapatid”. Masayang kwento ni Lolot sa kaniyang mga magulang.

“Masaya akong marinig mula sa iyo anak ang mga salitang iyan. Hindi kami nagkamali ng iyong ama na lumipat tayo dito sa aming probinsya’’. Ang masayang tugon ng kaniyang ina.” Dito kami ng iyong ama lumaki at nais naming maranasan ninyo ang umakyat sa puno ng bayabas, manga, santol at maligo sa ilog”. Sabik na pagganyak ng kaniyang ina.

“Nanay ano po ang ginagawa nila?” “Bakit nila binubuhat ang bahay?” Pagtatakang tanong ni lotlot habang nakamasid sa mga taong nagbubuhat ng bahay.

“Yan ang tinatawag na bayanihan anak. Tulong-tulong na binubuhat ng mga kalalakihan ang bahay na ililipat. Isa ito sa mga tradisyon na nagpapakita ng pagtutulungan at pagkakaisa ng mga tao dito sa probinsya.” Namangha si lotlot sa kanyang nalaman na lalong nagpasaya sa kanya sa paglipat sa probinsya.

Hindi pinalagpas ni Lotlot ang araw ng Sabado na hindi siya naliligo sa ilog ng Buhangin. “Hmmmmm napakalamig at malinis ang tubig’’. Masayang pagtatampisaw ni Lotlot sa ilog. Kasabay ng kaniyang mga kaibigan at kapatid masaya silang naliligo at nagpaanod sa agos ng tubig.

Habang naliligo sila sa ilog, napadaan si lolo Tonyo ang tiyuhin ng kanilang ina. “Mga anak, umahon muna kayo diyan at magmano sa lolo Tonyo ninyo”. Wika ng kanilang ina. Dali-daling umahon ang mag kapatid na Lotlot, Lara at Potpot upang magmano sa kanilang lolo Tonyo. Sabay bati ng magandang umaga ng nakangiti.

“Malalaki na pala kayo nga apo”. Ang hindi makapaniwalang wika ng kanilang lolo Tonyo.” Nung huli ko kayung Nakita maliliit pa kayo mga apo”. Dagdag pa na sabi ng matanda.” Opo lolo at matatangkad pa kami”. Ang mahiyaing wika ni Potpot.” Pupunta pala ako bukas sa bayan upang manood ng parada. Bukas na kasi magsisimula ang Pasalamat Festival baka gusto ninyong sumama sa akin”. Paanyaya nang kanilang Lolo Tonyo.

“ Opo!!! Opo!!! Gustong- gusto naming sumama sa iyo lolo”. Sabay-sabay na sabi ng magkakapatid.” Lolo ang Pasalamat daw po ay isang makulay at masayang selebrasyon sabi ni mama, kaya gustung-gusto naming sumama at makisaya”. Nagagalak na wika ni Lolot. “Masaya ako na gusto ninyong lumahok sa kapistahan sige bukas sama sama tayong manood”. Dagdag pa na sabi ni lolo Tonyo.

“ Wooowwwwwww!!!! Ang daming palamuti at makukulay ang daan’’. Wika ni Lara. “Tingan ninyo ang gaganda ng mga palamuting disenyo ng bawat barangay”. Saad pa niya. Tannnnn!!!!Tannnnn!!!!!Tarantantan!!!!Tann!!! Tannnnn sabay sayaw at indak nang mga bata sabay sa tugtug ng mga drum beaters. “Sana taon taon nandito tayo”. Masayang sabi ni Lotlot. “Lolo salamat at dinala mo kami upang makapanood ng kapistahan” dagdag pa niya.” Walang anu man mga apo isasama ko kayo taon taon dito”. Pahayag ng kanilang lolo Tonyo.

Masayang umuwi ang magkakapatid sa kanilang barangay sa Yubo dala ang bago at masayang ala-ala at ikwenento nila sa kanilang mga magulang ang masayang karanasan sa kapistahan sa bayan. “Nanay gusto kong sumali sa sayawan sa sununod na taon’’. Wika ni Lara sa kanilang magulang. “Ako drum beaters”. Sabi naman ni Popot. “Oh, sige sige sa susunod na taon sasali tayong lahat”. Pagsasang ayon ng kanilang ina at napuno ng tawanan ang kanilang bahay.

Lumipas ang ilang buwan pagkatapos nang pasukan at malapit na ang tag-init. Unti-unting naramdaman ang mataas na temperatura ng paligid at dahil walang puno ng kahoy ang nakatanim sa paligid ng kanilang bahay mararamdaman ang mainit na dampi ng hangin sa paligid.

“Nanay bakit subrang init ngayong tag-araw? Kahit may dalawang electric fan na umaandar maiinit parin”. Ang pagtatakang tanong ni Lotlot sa kaniyang ina. “Alam mo anak wala kasing kisame ang bubong ng ating bahay kaya kahit mayroong dalawang electricfan na umaandar mainit parin ang loob ng ating bahay’’. Pagpapaliwanag ng ina ni Lotlot.

‘’Mga anak mamasyal tayo bukas sa Guintubdan dapat lahat maaga pang gumusing”. Masayang paanyaya ng kanilang padre de pamilya. “Saan po ang Guintubdan tatay?”. Tanong naman ng mga kapatid ni Lolot na sina Lara at Potpot. “Malalaman din ninyo bukas pagdating natin doon mga anak’’. Nakangiting saad nang butihing ama.

Kinabukasan maaga pang gumising ang buong mag-anak. Lahat ay tulong-tulong sa paghahanda ng kanilang makakain at inumin. Ang buong pamilya ay nagagalak sa kanilang pamamasyal sa Guintubdan.

“Wow napakalamig po dito tatay”. Manghang-mangha na sabi ni Lotlot.“ Malamig ang simoy ng hangin. Napakahalimuyak ng berdeng dahon at napakaaliwalas ng paligid. Hindi ko maisip na mayroon pa palang malamig na lugar kagaya nito at dito lang matatagpuan sa La Carlota”. Dagdag pa ni Lotlot.

“Ito ang Guintubdan mga anak, malamig at mahalimuyak ang dampi ng hangin. Maganda sa paningin ang mga berdeng dahon. Masarap din pakingan ang tubig na bumabagsak mula sa mataas na talon. Alam ba ninyo na maraming turista ang dumadayo rito tuwing tag-init”. Pagmamalaking pahayag ng kanilang ama.

Masayang naliligo ang buong pamilya ni Lotlot sa may talon, ninanamnam ang malamig at sariwang tubig na bumabagsak mula sa talon. Pinagmamasdan niya ang berdeng paligid at naggagandahang mga bulaklak. Namangha si Lotlot sa malamig na temperatura dulot ng makakapal na puno ng kahoy na nakapaligid sa lugar.

Nang umuwi si Lotlot sa barangay Yubo napagtanto niya kung bakit mainit ang paligid ng kanilang bahay. Umikot siya sa paligid nito naisip ni Lotlot na kailangan nilang magtanim ng mga puno ng kahoy upang mapalamig ang kanilang paligid.

“Magtatanim ako ng mga halaman at puno ng kahoy simula ngayon”. Saad ni Lotlot sa kaniyang sarili. Hinikayat niya ang kaniyang mga kapatid at sabay-sabay silang nagtanim at nag- aalaga ng mga halaman at mga puno ng kahoy sa kanilang bakanteng lote.

Lumipas ang maraming taon umusbong at lumago ang mga puno at mga halaman na kanilang itinanim. Ang pamilya ni Lotlot ay masayang naninirahan at hindi na nag-aalala sa mainit na panahon dulot ng tag-init, dahil may mga puno ng kahoy na nagbibigay lilim sa kanila.

“Nanay!!, Tatay!! Hali kayo!! Tingnan ninyo ang mga puno ng kahoy ang daming mga alitaptap”. Ang saad ni Lotlot sa kaniyang mga magulang. Sabi po ng Science teacher namin pag-marami daw pong mga alitaptap malinis daw po ang hangin sa paligid”. Dagdag pa niya.

Mula noon masayang ibinahagi ni Lotlot sa ibang bata ang kaniyang naging karanasan tungkol sa kalikasan. Masigasig din siyang tumutulong sa mga clean up drive at tree planting sa kanilang komunidad.