Return to site

ANG BABAENG HINDI MAKALIPAD

ni: BAI FAMELA MAE U. KADATUAN

· Volume IV Issue III

Ako si Malaya. Kabaliktaran ng aking pangalan ang aking kinalulugmukan. Musmos pa lang ako ng iwan ako ng aking ina sa kanyang kaibigan upang sumama sa kanyang kinakasama. Ang aking ama? Hindi ko rin alam, ipinanganak akong walang nasilayang haligi ng tahanan. Hindi ko maunawaan kung bakit sa lahat ng tao, sa kaibigan pa niya ako iniwan. Hindi ko rin maunawaan kung bakit niya ako iniwan. Hindi na rin akong sumubok magtanong ng bakit sapagkat wala rin namang kasagutan. Paano mo tatanungin ang taong di mo mahagilap kung saan.

Dose anyos pa lang ako nang mamulat ako sa mundo ng kadiliman. Sa totoo lang, naiinggit ako sa mga batang walang iniintinding problema. Ang tanging nagpapalungkot lang sa kanila ay kung maaagawan ng kendi o di naman kaya’y hindi pasasalihin sa laro ng mga kaibigan nila. Iiyak lang kung madadapa at masusugatan ang mga tuhod nila. Ngunit di ako pinalad na maging katulad nila. Di ako pinalad na magkaroon ng pamilyang kakalinga sa tuwina. Di ako pinalad na makakain ng tatlong beses sa isang araw. Di rin ako pinalad na maging isang mabuting bata.

Nagsilbing dagok sa aking buhay ang paninirahan sa kaibigan ng aking ina. Ilang beses niya akong sinubukang ibenta ngunit sa kasamaang palad, walang gustong bumili sa akin sapagkat ako’y sakitin. Sinubukan din niya akong ibigay sa mga organisasyong kumakalinga ng katulad kong walang pamilya ngunit parating nagbabago ang kanyang isipan. Kung sana’y ibinigay na lamang niya ako. Kung sana’y itinapon na lamang niya ako sa basurahan. Ngunit hindi niya ginawa, dahil gusto niya pa akong pakinabangan.

“Ikaw bata ka, sinabi ko na sayo na huwag mong kakainin yang natirang ulam sa mesa. Hindi para sayo iyon kundi para sa tiyuhin mo.” Pagalit na wika ni Tiyang habang tanghaling tapat.

“Pero Tiyang, gutom na po ako, kagabi pa po ako hindi kumakain. Hinang-hina na po ang katawan ko. Maawa naman po kayo sa akin.” Pagsusumamo ko sa aking tiyahin.

“Anong awa ang pinagsasabi mo dyan? Ano ako Diyos? Nasa diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Kaya magtrabaho ka muna bago ka makakakain.” Tumulo na lamang ang aking luha at humakbang papunta sa pintuan upang lumabas sa aming tahanan.

Sa mura kong edad, naranasan ko nang magnakaw sa mga taong walang kamalay-malay at nagsilbing mata sa asawa ng tiyahin kong lider ng akyat-bahay. Nasubukan ko ring magbenta ng droga sa mga tambay na nilamon na ng sistema at buto’t balat na lang ang natitira. At ang pinakamasaklap, naranasan ko na ring mapaglapastanganan ng mga taong hayok sa laman at wala nang natitirang katinuan sa sarili.

“Bogs, merun ako dito. Ang lakas ng tama bogs. Gusto mong subukan?” yaya ng isang tambay sa aking tiyuhin. Itsura pa lang niya ay alam mo na kung ano ang kanyang tinutukoy.

“Wala akong dats ngayon bogs. Ang higpit na ng seguridad ng mga kabahayan ngayon. Langya talaga. Malakas ba tama niyan?”

“Aba’y oo naman bogs, malakas ‘to. Kung wala ka namang dats ngayon bogs ay madali naman akong kausap. Pahiram lang niyang anak-anakan mo, solb na’ko bogs.” Sabay tingin sa dako kung saan ako naroon. Biglang pinanghinaan ang aking tuhod at nais kong masuka habang tinatanaw ang tila asong-ulol niyang pagmumukha.

Minsan sa aking buhay, naitatanong ko kung bakit at paano ito nangyari sa akin? Ang sagot sa aking labi, ito na ang kapalarang napili para sa akin. Ngunit ang namumutawi sa kaibuturan ng aking isipan, ako lamang ay naging mahina.

Ngayo’y dalawampung taong gulang na ako at may malawak na pang-unawa sa buhay. Sinubukan kong lumihis sa kinasadlakan kong hukay. Ngunit kahit anong pilit ko’y hinahabol pa rin ako nang malupit kong kaaway, ang aking madilim na nakaraan. Lumayas ako sa tahanan ng aking tiyahin upang magbagong-buhay at maghanap ng matinong mapagkakakitaan. Sinubukan kong mamasukan sa iba’t ibang kainan bilang katulong ngunit walang gustong tumanggap sa akin dahil sa aking reputasyon.

“Hindi ba’t ikaw yung anak-anakan nila Tiyago, yung sikat na adik at magnanakaw sa Baranggay Vicente?” Pinagmasdan ng ginang ang aking mukha hanggang sa aking mga paa.

“Ikaw nga at namumukhaan kita. Naku, hindi ka pwede dito at baka malasin ang aking negosyo.” Tinaboy ako ng may-ari ng kainan sa takot na baka ako’y magdadala ng malas sa kanyang kainan.

Nanlumo ako at naging palaboy-laboy sa kalye sa loob ng isang buwan. Walang pagkain, walang matutuluyan at wala ng pag-asa sa buhay. Hanggang sa ako’y matagpuan ng isang anghel na pinadala mula sa langit. Si Atasha, kung tawagin nila, mabait, mapag-aruga at maalalahanin. Ako’y kanyang kinupkop, binihisan at pinakain. Lubos ang aking pasasalamat dahil siya’y dumating, siya na ang sagot sa aking mga panalangin.

Isang araw, ako’y niyaya niyang lumabas upang kumain ng hapunan. Napakagara pa ng damit na ipinasuot niya sa akin. Ngunit nakapagtataka ang lugar na pinagdalhan niya sa akin sapagkat hindi naman ito mukhang kainan o restawrant. Saka ko lang napagtanto na ito ay isang motel nang makapasok na kami sa loob ng bulwagan.

“Tila hindi ito ang sinabi mong pupuntahan natin Atasha. Maaari bang magpaliwanag ka sa akin?” Hindi niya ako sinagot. Hinawakan niya nang mahigpit ang aking braso at hinila papalapit sa isang maliit na kwarto. Sinubukang kong alisin ang kamay niya ngunit sadyang malakas siya. Binuksan niya ang pinto at buong pwersang itinulak sa loob ng silid. Naroon nakaupo ang isang matandang lalaki na pinapalibutan ng balbas ang mukha. Sa pagkakataong iyon, bumalik lahat sa aking balintataw ang mga pangyayaring matagal ko nang gustong kalimutan. Mga pangyayaring bumuo ng pilat sa aking pagkatao. Mga pangyayaring sumira sa aking kamusmusan. Hinding-hindi ko sila mapapatawad. Hinding-hindi ko kayo mapapatawad.

Nagbalik ako sa realidad at tila wala sa huwisyong kinuha ang bote ng alak sa mesa at walang pag-aatubiling pinukpok sa ulo ng lalaking nakaupo sa kama. Hindi siya nakailag kung kaya’t lubha siyang tinamaan. Nanghina siya at paulit-ulit ko pang pinukpok ang bote sa ulo niya hanggang sa mabasag ang bote at mawalan na siya ng malay. Bumulagta sa sahig ang lalaki at gulat na gulat si Atasha. Sinulyapan ko siya ng nanlilisik kong mga mata. Mababanaag ang takot sa kanyang magaspang na mukha. Si Atasha pala ay isang bugaw na bakla. Kumaripas siya nang takbo hanggang sa maiwan ako sa silid kasama ng nakabibinging katahimikan. Napaupo ako at pinagmasdan ang lalaking nakahandusay sa sahig. Unti-unting sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Sapagkat sa wakas, masasabi kong hindi ako naging mahina. Sapagkat ito ang aking kapalaran. Sapagkat ako ang babaeng hindi makalipad nang malaya.